Friday, June 4, 2010

"Simpleng Pangarap"

Sanaysay ni: Arlan Manalon Camba

     Naisip ko naikwento na kaya ng tao ang lahat ng kwento sa mundo?  Nabulatlat na kaya ng tao ang lahat ng misteryo ng sandaigdigan?  Naisip na kaya niya ang hindi pa niya naiisip?  Natuklasan na kaya niya ang hindi pa niya natutuklasan?  Ano pa kayang bagay ang hindi pa naaabot ng karunungan ng tao?

     Sa pakikinig ko sa isang namayapa ng broadkaster na nagbrodkas ng kahusayan ng "pitu-pito" at cleansing diet at ang epekto ng pyramid kapag ipinatong ito sa bumbunan; ang karunungang hindi pa raw nagagawa o naaabot ng tao ay ang tapusin niya ang lahat ng kurso sa mundo.  Wika niya, wala pang tao sa kasaysayan ang nagawang magkaroon ng diploma sa halos lahat ng larangan ng karunungan.

     Imadyinin mo, isa ka nang ganap na doktor. At hindi lamang basta doktor; nagpakadalubhasa ka sa panggagamot ng mata, ilong, tenga at bibig.  Minaster mo ang larangan ng internal medicine.  Kabisado mo ang pasikut-sikot sa laman-loob ng tao.  At hindi lamang 'yan, dahil ikaw rin ay isang neuro-surgeon, kayang kaya mo ang magbiyak ng bungo at tistisin ang napakasensitibo at napakamaselang himaymay ng utak.  Tinapos mo ang kursong ito with flying colors sa isang kilalang medical school sa labas ng bansa.  At hindi lamang 'yan, isa ka ring  full-pledge nurse. Sarili mo ang katu-katulong mo sa pag-oopera ng iyong mga pasyente.  Bongga 'di ba...?

     Ikaw na rin ang nagtitimpla ng mga gamot na inirereseta mo sa 'yong mga parokyano.  Kasi naman, isa ka ring lisensyadong pharmacist at chemist.  Ibitin ka man patiwarik, perfect mo ang ganoon at ganitong formula.  Saulado mo ang freezing at boiling point ng iba't ibang klaseng chemicals.  Sa katunayan, madalas kang maimbitahan bilang ispiker sa mga International Conferences pagdating sa science.  Eh, bakit naman hindi? Eh isa ka ring well-renown scientist.  Nakuha mo ang iyong pagkaduktorado sa larangan ng mathematics, physics, biology, botany, zoology, genetics at engineering.  Kamakailan lang nga ay ginawaran ka nang natatanging pagkilala ng National Aeronautics and Space Administration o NASA dahil sa iyong pambihirang kontribusyon sa larangan ng space science.

     At oo; isa ka ring astronaut.  Dagdag sa iyong naiambag ay ng tangkain mong puntahan gamit ang dinisenyo mong space shuttle ang proxima centauri; ang bituing malapit sa mundo kasunod ng araw.  Piloto ka rin.  Side-line mo ang pagpapalipad ng eroplano Domestic o International flight man.  Bahagi ka rin ng elite forces na nanguna sa opensiba laban sa mga Iraqui ni Saddam noong kasagsagan ng Operation Desert Storm.  Tama, isa ka ring sundalo.  Isang distinguished coronel sa ilalim ng tanyag na Navy Seal.

     Nang magbuhos ng kahenyuhan ng langit ay pinalad kang masalo mo ang lahat.  Dahil bukod sa propesyon na nabanggit, nagpakadalubhasa ka rin sa propesyon ng pagsisinungaling!  Yes, you are also a lawyer by profession.  Mantakin mo, minamani mo lang ang lahat ng uri ng batas.  Kayang-kaya mo itong paikutin, bilugin, ituwid ang baluktot at baluktutin ang tuwid.  Gamay na gamay mo ang mga pasikut-sikot lalo na sa larangan ng International Law. Matunog ang iyong pangalan pagdating sa mga diplomatic relations sa iba't ibang nasyon sa mundo.  Eh, bakit hindi?  Bukod sa pagiging de-kampanilyang abogado at de-kalibreng political scientist; napapakinabangan mo rin ang mga natapos mong degree sa sociology, cultural anthropology, history at economics. 'Wag nang isama rito ang kinagigiliwan mong libangan at ito ay ang magsalita at makipag-usap sa iba't ibang lenggwahe at i-analyze ang etymology, phonology, morphology at syntax ng mga lenggwahe sa mundo.  Lintik... polyglot na nga lingguist pa!

     Hindi lang 'yan, natapos mo rin ang Master's Degree sa Public Administration kasabay ng pagkakamit ng titulong Doctors of Education at Doctors of Philosophy.  Wala nang paglagyan ang mga titulong nakakabit sa iyong pangalan.  At hindi lamang d'yan natatapos ang lahat, dahil sa hangarin mong maging ganap ang iyong mga pangarap, niyakap mo at tinanggap ang tawag ng bokasyon ng PAGPAPARI; sapagkat naniniwala kang ito lamang ang paraan at katubusan sa kahangalan ng sangkatauhan...

     Kung bibilangin mo ang dekada, taon, araw, oras at minuto na iyong gugugulin para matapos ang lahat ng karunungang ito siguradong ito na ang literal na pagsusunog ng kilay.  At tinitiyak kong hindi lang basta kilay ang masusunog o kung hindi man masunog ay siguradong mamumuti na ang lahat ng buhok mo sa katawan para lamang mapagtagumpayan ang lahat ng propesyong ito.  Ilang lapis, bolpen, notbuk at papel ang makukunsumo para lagakan ng mga impormasyong napag-aralan?  Ilang quizzes, exams, projects at recitations ang dapat ipasa para ang lahat ng ito ay mapagtagumpayan?  Magkanong halaga ng kwarta ang uubusin para matustusan ang pag-aaral?  Anong uri ng sakripisyo ang pagdadaanan para makamit ang lahat ng ito?

     Malamang kaysa hindi; limang pulgada na ang salamin mo sa mata ay wala ka pang natatapos ni isa sa alin mang propesyon na nabanggit.  Baka malimutan mo na rin ang maligo at magsuklay.  Baka pati ang paghihinuko ay malimutan mo na rin.  Baka sa sobrang subsob mo sa pag-aaral ay malimutan mo na ang itsura ng 'yong mga magulang, kapatid, kasambahay, kaibigan at pati na ang iyong sarili.  Paano na ang personal life?  Ang 'yung love life? Ang 'yung social life? Ang 'yung night life?  Oh my God... pa'no na ang sex life?

     Sadyang ang buhay ay walang katapusang pag-aaral ngunit hindi rin nangangahulugang kailangan mo ang sangkatutak at sangkaterbang diploma para maunawaan mo ang buhay at maintindihan mo kung paano ang mabuhay.  Minsan, nagsisilbing pasaporte na lamang ito para sabihing may pinag-aralan ka.  Nagiging tatak para ituring kang matagumpay sa maraming taon na iginugol mo sa pakikipagbolahan sa loob ng eskwelahan.  Talaga bang solve na ang kahirapan pag natapos mo ang BS at AB courses?

     Mahirap kalaban ang gutom at kapag sikmura na ang nagtanong, nabobobo ang isip.  Sa mga nagtataasang presyo ng bilihin mula sa langis at kuryente hanggang sa mga basikong pangangailangan ng tao tulad ng tubig, asukal at bigas; ano pang halaga ang may pinag-aralan?

     Mahirap ang walang makain at ayaw kong magutom.  Bukas, isusugal ko ang aking kapalaran sa pakikipagbalyahan at pakikipagsiksikan sa napakahabang pila para maging studio contestant sa isang game show.  Dito, hindi kailangan ang diploma.  Hindi ring kailangan ang form 137 at form 138.  Wala ring saysay ang transcript of records at wala ring bigat ang dami ng medalya o titulong nakakabit sa pangalan.  Gamit lamang ang tigas ng mukha, tapang ng hiya at kapal ng apog; susungkitin natin ang suwerte.  Gawin nating puhunan ang pagiging kawawa, ang pagiging mangmang at walang alam.  At sapagkat, tayo ang gumagawa ng ating kapalaran nasa ating kamay ang pangarap na jackpot.  Kaya nga sa katanungang "pera o bayong," magde-deal ka ba o no deal?  Nasa sa'yo ang pagpapasya!

     O, ano? GAME KA NA BA?!

11 comments:

  1. hanep talaga......., ito ang pinakagusto ko sa lahat....., :)


    by: Betchay

    ReplyDelete
  2. wow sir ha, nakaka elibs ang mga ganito. shet!

    hahaha. :)

    - snyder

    ReplyDelete
  3. wow . . bow ako sayo sir. IDOL . .

    ReplyDelete
  4. simpleng pangarap...!

    ang tanging nais sa buhay ay manalo sa mga game shows?
    di na hinahangad ng maraming tao sa ngayon na matapos ang mga matataas na kurso?
    dahil ang priority ng lahat ay ang magkalaman ang kumakalam na sikmura.., T_T

    ReplyDelete
  5. Sir, sobrang ganda ng iyong gawa. Natumbok mo lahat ng naiisip ko kapag ako'y nasa banyo't maguumpisa pa lang maligo. Yung tipong mga naiisip ko kapag ako'y magisa lang. Isa kang tunay na henyo. :)))

    -~Ran

    ReplyDelete
  6. Ang galing sir! Astig. hehe. Ako di ko pa naisip na pagaralan lahat ng kurso o higit sa tatlo.. nakakabilib! :D

    -Robin Amigo

    ReplyDelete
  7. wala po akong masabi sir :) GALING

    ReplyDelete
  8. Mas mabuti pang magkaroon ng simpleng pangarap lahat ng tao. Tulad nga ng sinabi sa huli na sumugal sa isang game show magkaroon lamang ng pantawid gutom. Hindi kailangan ng sandamakmak na propesyon. Dahil sa huli hindi mo rin ito madadala sa kabilang buhay.

    ReplyDelete
  9. Grabe sir! :) Galing niyo po. :D

    ReplyDelete
  10. This comment has been removed by the author.

    ReplyDelete
  11. Thumbs up para sayo sir. Gaya nga po ng sabi nyo po sir, hindi na kaylangan pa ng medalya, diploma, Form 137 & 138 at etc para umunlad ang isang tao. Pero mas maganda parin po para saakin na merong pinag aralan. At mahirap na rin pong isugal ang buhay sa swerte.Ok naman kung papalarin pero ano na lang ang maituturo natin sa mga susunod na hinerasyon nyan. Para po saakin "SAAKIN" ang simpleng pangarap ay hindi galing sa swerte subalit mula sa pagsisikap. Well i leave the rest na lang po sa Reaction paper ko :)

    ReplyDelete