may pulso ang talampakan
sa paghinga ng lupa; gumagapang
singaw-init ng kalsada
sa buhol ng bituka
at kalam ng sikmura;
hindi alintana kiskisan
ng nag-aapoy na tiyan
o ang hagibis ng pusong
kumakabog; tibok ng nakaririnding
pagtakas sa alat ng buhay.
dahil, bawat hakbang ay paglimot;
paglaya, paglayo sa usig
ng nakaraan; pagsalunga
sa kalakaran; pag-ismid sa
gawi't kinamihasnan;
sumbat ng nag-aamok
na alaala ang pagsulong
ng mga paa; bitbit ng binti
ang bigat ng pagmamadali
upang di masukol sa pighati
ng inaasahang paghihintay.
kaya... tara..!
huwag nating lingunin pa
ang nakangising kabiguan;
tatawanan lang tayo
ng kawalang pag-asa,
'sing lutong ng halakhak
ang dagok ng himutok
sa katulad nating naging
konsumido, problemado,
nabilog ang ulo,
hindi na natuto
sa ilusyon at pangako
nilang nagsasamantala;
ang paghakbang ay pagpapasya!
ang unang panuto
sa daan ng ligaya!