Linggo, Oktubre 29, 2017

SINGLE

Nag-iisa kang tumayo’t tumindig
kumayod, bumuhay
sa bunga ng ‘yong pag-ibig
sa karanasan mong
       walang kasing pait
ang iwan at saktan       
       ay punyal sa dibdib.


Ngunit;
likas kang malakas
bawat pagluha mo’y  
       hilom sa ‘yong sugat,
hugot ng pag-asa’y
       sa uha ng anak
ang yakap sa bunso’y
       pambawi ng lakas.


Kaya’t
hindi ka na ano
o nagpaano lang,
binigay mong lahat
        buong pagmamahal
isa kang magulang
        kahit walang Adan
babae’t ina kang
        mayroong kalayaan!   

Huwebes, Oktubre 19, 2017

BANGKERO

Biniyak na salamin;
nagkalamat ang tubig
sa paggaod at pag-usad
habang nananalamin ang abuhing
kalawakan sa pisngi ng dalampasigan.
Marahas mong sinagwan
ang alat ng karagatan;
hindi ka natigatig
kahit walang katig
sinamantala mo
ang hinahon ng tubig
sa kalayaan ng sinasabing
paglalakbay;
malinaw ba ang iyong pupuntahan?
narito ka sa isang malaking kawalan
magsusungit ang panahon
didilim ang kaulapan
saka biglang hahalakhak
      ang karagatan!             

Lunes, Oktubre 16, 2017

3 TANAGA PARA SA PASADA

Ang karagkarag na dyip
Pag phase out ang hinirit
Tsuper nang magalit
Welga ang iginiit.

"Phase-out"

Pasahero, nag-abang
Wala namang masakyan
Paralisadong daan
Ganyan ang paglaban!

"Tigil-Pasada"

Hindi lang sweet na lover
Ang ating mga tsuper
Ang welga'y 'di disaster
Hassle man sa commuter.

"Transport Strike"


Sabado, Oktubre 14, 2017

LUMABAN... NANLABAN!

Binitbit ng nagngangalit
na dilim ang huling hibla
ng liwanag; at saka tumiwalag
sa katinuan ang kapal ng ulap
nang magwisik ng ambon
at ng alimuom ang lupang
natuyo sa tigmak ng dugo.
may sumpa ang dilim
sa mga ginabi; walang pasintabi
ang iniumang na bibig
na nagbubuga ng bala;
bumulagta ang tala
at ang buwan ay namula;
ilang bituin pa ang mahuhulog
sa kalawit ni kamatayan?
patatakbuhin ka
saka papaslangin;
aligaga kang tatalima
upang hugutin lang
ang huling hininga
sa katawang lupang 
tinadtad ng bala;
at ano ang iniwan
sa 'yong balintataw?
unipormadong berdugo
kawan ng mababangis na lobo
umaalulong ang hagulgol
mula sa impiyerno
sa ngitngit at galit
ng iyong maiiwan.
kumakaway na si kamatayan,
kumakaway na...
inakusahan kang nanlaban
kaya itinumba kang
      walang kalaban-laban!

Biyernes, Oktubre 13, 2017

SA PAGBABALIK...

Hanggang ngayon,
pinipitik mo pa rin
ang aking katauhan
humahaplos
sa sensibilidad
ang larawang
hinubog ng pangarap.
hindi na 'ko magpapanggap,
aariin kita sa aking panaginip
kahit ako ay narito
at ikaw ay nariyan;
itatakas ko ang mga minuto
sa patagong pagsulyap
sa iyong larawan
sa iyong katawan
sa iyong kahubdan...
hindi ko pipigilan
na madarang
sa layo at agwat
ang naunsyaming
pag-iibigan.

Sapagkat,
detalyado
sa mata ko
ang kaanyuan mo.
Nakarehistro
sa utak ko
ang balangkas
ng hubog mo;
kaya't may pagsisidlan
ang pananabik,
hahalikan ko
ang halimuyak
at pamumukadkad
ng langit
basta't ikaw ay magbalik!







Martes, Oktubre 3, 2017

ANIM NA DIONA

May package sa ilog
dahil do'n inihulog
katawang nakabalot.

"Packaging Tape"


Magtanim ay 'di biro
ang ipinunlang punglo
bumubutas ng bungo.

"Tanim"


Matapos ang pagkatay
binusisi ang bangkay
ng 'di kilalang patay.

"DNA" (Di Namin Anak)


Halagang isang libo
ang pagpapakatao
sa kawan ng berdugo.

"Sa Kongreso"


Bangayan lang ng tuso
pagpatol sa "Magdalo"
ng kapwa manggagantso.

"Sa Senado"


Halakhak ng demonyo
'sing lutong ng Martial Law
ang panakot sa tao.

"Sa Palasyo"

WHO YOU?

Saan pupulutin
kung hindi ako
hindi ikaw
hindi sila
hindi tayo
ang sumatutal sa mundo?
pinanatiling pulpol ang sintido
ng pagsulong at pag-asenso.
nalunod
nahibang
sa layaw ng materyalismo,
sa pag-aakalang walang
hangganan ang lahat.

saklot ng kamangmangan;
hinanap natin ang ligaya
sa layaw lang ng katawan;
nilason ng ilusyon,
pinili natin ang lumimot
mas ginustong paglingkuran
kaysa ang maglingkod,
mas ginustong pagsilbihan
kaysa ang magsilbi,
nahirati
sa pag-aakalang
     tayo ang panginoon,
na tayo ang may tangan
     sa ating mga palad,
kaya't
huwag ipagtaka ang
     sandamakmak na paghihirap,
hindi natin kontrolado
     ang lahat-lahat...
may mga bagay 
na dapat tanggapin,
may mga tanong 
na dapat na isipin,
may mga sagot
na dapat paglimiin,
"ano tayo sa materyal na mundo?"
"Sino nga ba Ako?"
mga basikong tanong
     ng uhaw sa talino!

Linggo, Agosto 6, 2017

ANG BUNGA

Niyakap ko ang puno
at pinakinggan niya ang tibok ng puso
hinigpitan ko ang yakap
humakab ang balat sa bulas
ng kanyang katawan
huminga ako nang malalim
idinampi ko ang pisngi
sa maaligasgas niyang balat,
nararamdaman ko ang tatag,
ang 'di matinag na ugat
nakalingkis sa lupa
nakakapit sa bato
nakayapos sa mundo;
at ako; tiwalag na elemento
ng sinasabing buhay,
humihinga ngunit patay
balot ng lumbay
ang naliligaw na sarili
sa artipisyal na ligayang
nilalasap ng katawan,
hangal ang nagsasabing 
tangan niya ang kalayaan,
ang palalong biro ng namimilog
na buwan ay halakhak 
sa insulto ng kabaliwan!

Matagal ko nang nalimot ang sarili,
at ngayon yakap ko ang tatag
ang tikas at ang bulas;
nakakanlong sa malabay
na sanga at dahon,
naghihintay ng takdang panahon
upang mamintog
sa likas na pagkahinog;
at kung walang pumitas
at sa lupa ay mahulog
hindi na rin masamang 
lantakan ng uod.

APPLE

 May tula ang tamis ng mansanas
kahit di pa tuksuhin ng ahas
ang ilusyon ni Eba,
Adan na rin kita!
babaeng hinugot sa tadyang
ng babae!      
ngunit ano ito?
Ilusyon bang mahirati
nang magmahalan tayo,
at lasahan ang hiwaga
ng sinasabing pag-ibig?
may kamandag at lason
ang purong pagsinta;
“huwag patutuklaw
sa sinasabi nila”
huwag na huwag
padadaig; igigilgil natin
ang maging malaya!

MASAKER

Hinihila ng ulap
ang mga talukap
ngunit 'di magpatulog
singaw ng nilalagnat na lupa;
nagbibitak ang balat nito,
kinatas ng galit na araw
ang hindi birong panunuyo ng linang
wala nang sisibol
wala nang mamumukadkad
kinapon na ng tagtuyot
ang pagsulpot ng buhay
'di na uusbong pa ang mga butil
'di na kakaway pa ang ginintuang uhay
wala nang anyaya
ang masaganang tag-ani
o ang malulutong na halakhakan
sa panahon ng paggapas,
kinakain na ng bituka ang utak
nilalamon na ng gutom ang mga pangarap
humahalukay sa sikmura
ang binastardong dignidad
ng binalahurang dangal
ng binalasubas na pagkatao
habang parang maning nginangalot
ang bala ng estado!

Huwebes, Agosto 3, 2017

KALMA

Hindi kaya ng alinsangan
ang namimigat nang mata;
hinihigop ng init
lakas ng katawang 
nakabilad sa araw,
at kahit ang gabi'y
hindi mapahupa ang banas
nangangatas, nanlalagkit
ang hubad na katawan...

maging ang isip ay napapaso,
bigo, ang pagtimo sa ulirat
ng unti-unting pag-akyat,
paggapang sa ugat
ng dugong sumisilakbo
umaapaw sa pagkulo;
uminit man ang ulo'y 
payapa pa rin ang puso,
kalmado,
tulad ng nagbabagang yelo
'di maintindihan ang lamig
'di maunawaan ang init;
ang mamulat ay 'di lamang
sa istriktong pagmamasid,
mangyaring matutong manahimik
matutong makinig
matutong pumikit
dinggin ang malamyos
at dalisay na tinig
na magtuturo sa liwanag
ng daang pabalik...

Miyerkules, Agosto 2, 2017

"OVER"

Umuusig ang palatak
sa nabibinging konsensya,
waring hinahasa ang nagngangalit
na ngipin sa askad ng kagat
ng tiniis kong damdamin;
may binubong asin
nang iyong sariwain ang langib
sa sugat ng ating nakaraan.

Hindi na ba hihilam
dalisdis ng luha?
nang minsan mo kong saktan,
nang minsang magkasakitan,
nang minsang magsumbatan
sa mga alaalang
     pumupulbos sa dibdib
nang-uusig na hinanakit
talusirang pag-ibig!
hindi pala sapat ang kapatawaran
ang paglayo ay pag-anyaya
     sa kapanatagan!

Martes, Agosto 1, 2017

FILIPINO, PILIPINO, PILIPINAS


i.

Filipino, Pilipino, Pilipinas
wika, lahi't bansa
     itong matatawag
ugat-kaluluwang
     doon nakalimbag
ang saysay at diwa
     ng liping marangal!
liping nakitalad,
lahing nakibaka,
wikang siyang budhi
     ng pagkakaisa,
wika, lahi, bansang
     tinig ay pag-asa
ng bayang ang hangad
     ay maging payapa.

ii.

Wikang Filipino!
wika ng lahing marangal;
wikang magbubuklod
     sa ka-Pilipinuhan,
kaya't susumpain
     silang mga hangal
na sa kasaysaya'y
     bumigti
     sumakal
sa wikang minahal;
patayin ang wika
ay batas at atas
     ng iilang ungas,
tagahimod-tumbong
bentador ng laya
     isang kataksilan...
na kung ipatupad
     lahing Pilipino'y
     sa kapahamakan tiyak
     masasadlak,
madilim ang bukas
     ng lahing ang dila'y
     ibinartolina, hindi makapiglas!

iii.

Ngunit,  
     ang wika ng bansa'y
     wikang nakibaka!
kolektibong lakas
     ang nag-ipun-ipon
     ang nagkawit-bisig
     ang nagsama-sama,
dagundong ng yabag
ingay-alingawngaw
martsa sa kalsada;
     ang igkas-kamao
     ngitngit ng pagsulong
     sa mga protesta!
Niyanig ng sigaw
     at ng panawagan,
"ang wika, ang bayan,
     ipaglaban!"
iginilgil ito nang walang atrasan,
at hindi sumuko
     nang 'di mapakinggan!
walang takot,
buong tapang
     na nagsulong
     nakisangkot
upang bigyang dangal
wikang binusabos
handa lagi kaming
     suungin ang gusot,
upang ipagtanggol
     wikang pinuntirya
     ng mga balakyot!

iv.

Sapagkat,
     ang wika ng bayan
     ay armas at lakas,
Wikang Filipino
     ang hahasang talim
     sa minsang pinunggok
     na dunong at utak;
at Filipinolohiya
     ang larang at galing
     sa sikhay ng isip
     tungo sa pag-unlad,
dahil bayan tayong
     may kultura't tatak
wika nati'y
     patuloy sa pag-usad
     pumipintig sa ugat
     bukal ng dugong
          bumubulwak...
     yumayabong
     sumusulong
     lumalawak!

v.

Filipino
Pilipino
Pilipinas,
Wikang nakibaka, lahing nagkaisa
bayang ninanais ay maging
     payapa!
wika, lahi, bansa tayong
     punung-puno ng pag-asa
sumusuong
nagtatanggol
lumalaban
bumabangga ng harapan
sa harang ng mailap 
     na kapayapaan!
Filipino
Pilipino
Pilipinas
Wikang kaluluwa
Lahing mararangal
Ang bayang magiliw!
Perlas ng silangang
     'di na pasisiil!
Ang wika
Ang bayan
     anuman ang hilahil
ay 'di na palulupig
hindi na pasisikil!


Miyerkules, Marso 8, 2017

"KIBOT"


Hindi ligtas ang labi
sa halik ng buwan
gaya ng paghalik ng hamog
sa pisngi ng mga dahon
mamasa-masa ang lupa
sa hilamos ng umaga
nagmumumog ng panaginip
at mga alaala
ang nag-iinat na pag-asa.

Martes, Marso 7, 2017

A PIECE OF TALK


Ilatag sa hapag
ang init ng mga usapin
wala tayong hindi mapagkakasundo
kahit sugat-sugat ang ating mga puso
sa mga paghihinala
at mga maling akala
na tayo rin ang may gawa;
Huwag kang magtataka,
kinukuryente ang pagtitiwala
ng makakati ang dila
sa tahi-tahing kuwento't
gawa-gawang haka-haka
mandirigma tayong may isang salita
ang bala ng dila'y alingawngaw ng paglaya
mag-usap tayo nang payapa
mag-usap tayong may pagpapakumbaba
susi ang salita
sa kinakalawang na tanikala.

Lunes, Pebrero 20, 2017

BULAG

"Ang Pilosopiyang mata sa mata ay magdadala sa lahat sa pagkabulag"
                     
                                                                  Martin Luther King Jr.

Anong mahihita sa pagpikit?
kinakalabit ng dilim ang katinuan
nagbabantang agam-agam
sa masinsing kurot
     ng usisa at panimdim;
yabag ng takot ang mga alaala
sa maraming mukhang
     hindi makilala sa kulapol
     ng dahas at kamatayan.

Nakakabulag 
     ang pagkibit-balikat;
telong tumatabing
sa sulok ng mga mata
ang likhang drama
ng madugong eksena
ng pagkakamit ng hustisya;
nang-uusig ang konsensya
sa hugot ng mga huling hiningang
dinispatsa sa suspetsa
      at paghihinala;
umaatungal ang katarungan
sa paggulong ng mga ulo,
masangsang ang dugo
sa napapanis na laway
      ng mga atas at batas!
HUWAG KANG PAPATAY!
nakabaon ang pangil ng kamatayan
      kung madaling araw!