Lunes, Enero 19, 2015

FRANCISCO: ORGANIKONG BANAL

organikong kabanalan
o diyos naming mahabagin;
ang humipo sa puso
     ng maraming mga dukha,
kumalabit sa konsensya
ng naghahari-harian,
kumaldag sa dibdib
ng nagbabanal-banalan...
Francisco,
alagad ni Pedro,
buhay na bato ang puso mo
sa mga wala,
tagapastol ng nanlilimos
      na kaluluwa
ng mga pinagkaitan,
ng mga kinalimutan,
ng mga nakikiamot
sa kakapiranggot na piraso
     ng pag-asa...
isinusulong mo'y pagpapakumbaba
mamuhay sa kawan 
     ng mga aba
silang iilang mga pinagpala
upang maunawaan
upang maintindihan
ang landas na nilakaran
       ni Hesus
silang matagal nang 
      ibinabayubay sa krus,
nagpapasan ng kalbaryo
ng inhustisya at kahirapan,
silang lugmok
     sa kabusabusan,
danasin,
hinaing ng mga walang-wala
upang makita
upang madama
upang kumilos
upang mapaglimi ang kalooban
        ng mga naghihikahos
nang masundan kabanalan,
        ng Diyos nating manunubos
anong asta ng mga lobo
sa kawan ng mga tupa?
anong trato ng malakas
sa aming mga mahihina?
Santo Papa 
         Pastol ng mga Aba,
patawarin mo po sila,
basbasan mo po kami
kung dugo na ang iluha
        naming mga api!

Biyernes, Enero 9, 2015

ISANG PIRASO NG PANGAMBA

ano itong sumusurot sa isip?
nang maalimpungatan
ang orasan
sa a las dos ng madaling araw,
gumising na basa ng luha
nang tangkaing itago
sa antok
ang pangamba at takot;
sinisisi ng alalahanin
ang kahinaan ng loob;
kung bakit ngayon pang
umiksi ang kumot
ay saka nagkumahog
na harapin ang mga pagtitiis...
ngayo'y mapang-usig
ang 'sang piraso ng pangamba,
matalim ang sumbat
sa konsensya
hinahabol ng orasan
panghihinayang
sa ngumingising panaginip;
halakhak ng bangungot
sa baluktot na katwirang
dumadagan sa dibdib
muntik nang malunod
sa 'sang basong tubig,
walang binatbat ang kayabangan
sa angas ng nandudurong
pagpanaw...
hindi ka handang mag-isa;
ayaw mong magpaiwan
hindi mo kakayanin
nang walang katuwang...
kung ganun;
kabawasan bang siya
ay samahan?
aanhin pa ang damo
kung patay na ang kabayo?
kung ang iiwanang pasakit
ay magiging latay sa kalabaw...!

SANA'Y MAY PULANG NAZARENO

ilang laksang taong
     namata;
humalik sa paa ng itim
     na kristo
at sumabay sa alon
     ng tao;
ng milyun-milyong deboto
na handang magsakripisyo
at sama-samang
     pumila
     humila
     nagpatirapa
     nakipagbalyahan
     nakipagtulakan
     nakipagsiksikan
umuwing paltos ang talampakan
o di kaya'y nabalian;
silang mga nahimatay
nawalan ng malay
hanggang halos ikamatay,
maabot lamang at mahaplos
     sa andas ang kristong
     bumabayubay sa krus;
upang kahit paano'y makaamot
ng konting himala
     at pagmimilagro;
upang papaano ay mabago
ang kapalarang mas madalas
     ang malas kaysa sa asenso;
dinggin ang kanilang panalangin;
     ang mga hinaing
     mga personal na hiling;
     ilayo sa tukso
     iligtas sa delubyo
     manalo sa lotto;
kahilingang suntok sa buwan
panalanging malayo
     sa katotohanan.

hanggang saan
      ang tatag ng pananampalataya
upang malasap
      ang pangako ng kaligtasan?
hanggang saan
      ang hangganan ng mga
      sakripisyo
upang maantig ang puso
ng maraming kristo?
ang mamanata ba
     ay katiyakan ng katubusan?
sana lang...
sim bilis ng labing walong oras
ang sagot sa kahirapan
sing lapit ng mahabang lakaran
ang tugon sa sandamakmak
     na kahilingan...
hindi sa Quiapo
magtatapos ang traslacion
bawat hakbang ay pag-ungos
      ng pambansang pagsusulong
huwag manahan sa puso
ang bulong ng pag-iilusyon
yakapin ang sigaw
      ng sinasabing rebolusyon!