Miyerkules, Disyembre 29, 2010

UBAN

"Papunta ka pa lang, pabalik na ako!"  -  matandang kasabihan


Naroon ka't sapu-sapo
ang iyong baba,
nakatanghod sa ragasa ng wala
nang walang lamang kalsada,
'di malirip ng paningin
ang nakapakong kawalan
nang walang marinig na harutan
ng mga batang nagpapanakbuhan;
at wala ring maulinig
na sala-salabid na parinig
ng mga aleng makakati ang bibig.


Maya-maya'y kumahol ang aso,
nagitla ang pusang nagpapasuso;
kumaripas nang pagtakbo
simbilis nang paglipas
     ng bawat segudo;
ilang libong minuto ba
ang animnapung taon?
bawat gatla sa mukha mo'y
milya-milyang hakbang
     ng pagtawid at pagtahak;
mabibigat ang pasaning
mga nunal sa balikat
na minsang lumabusaw
     sa patda mong utak;
ngunit 'di mo hinabol
ang kamay ng oras,
hindi ka man lang nagmadali,
hindi ka man lang nag-atubili,
nanatili kang kalmado
     katulad ng dagat,
at kahit dinaluhong
     ng haplit ng habagat
ang paglasap sa pait
     ng datnan ng alat
ay patikim sa tamis
     ng munti mong pangarap.


Ilang libong segundo ba
     ang animnapung taon?
balumbon ng ulap
    ang maalong uban
na tumatakip 
     sa papalubog na araw;
sumusungaw sa ngiti
     ang kapayapaan,
sa tahimik na pintig ng puso
at kalmadong liksi ng katawan,
yakap mo ang katatagan;
hindi alintana ang
     nuot ng kirot
sa litid mo't mga tuhod,
walang tigib-halumigmig
     ang wagas mong pag-ibig;
walang pagkakait,
laging handa sa pasakit,
binibigkis ng pagtitiis
     ang labis na hinanakit;
sa gumiray na pagsasama,
sa dumupok na pag-asa.

At ngayon,
larawan ka ng kapanatagan,
animnapung taong singkad
ang hulas at bulas
     ng iyong buhay;
"kakaway kang bumabalik
     habang kami'y paparoon,"
hindi ka man masalubong,
dakila mong alaala
     ang sa ami'y ipabaon.




                        

Martes, Disyembre 28, 2010

PAGTANGGAP

Pinaslang ng paghihintay
ang pananabik;
nang kumislot sa sulok 
nitong dibdib ang kaba kong
hindi ka na magbabalik,
kaluluwa ay sinaklot
nitong pamimintig,
unti-unting naliligis,
     napapaknit
ang damdaming
     natuyo na't
     naglalangib!


Kumakatas sa utak ko
ang siphayo at pangamba;
nagmamadali ang mga
alalahaning tumutungkab
sa lapida ng mga alaala;
bangungot 
     ng mga pagpaslang,
 palahaw
     ng mga kinakatay
     at ginigilitan,
 singhap
     ng mga nilulunod
     at ibinabaon ng buhay,
 puring winawakawak,
 susong nilalaplap,
 titing pinipitpit
     at kinukuryenteng bayag!
sa hinlog ng katauhan
     ay nagkukumahog
ang sundot ng usig
     at matinding takot.


Ayaw kong tanggapin
ang maari mong kasapitan,
ayaw kong mabulid
sa punglo ang dalisay mong
     mga pangako,
ayaw kong busalan ng tingga
ang payak mong kataga,
ang tapat mong salita
at wagas mong sumpa,
ayaw kong humugot
      ng buntong-hininga,
ayaw kong bumagsak
     ang mga balikat;
manlupaypay,
maglupasay,
mawalan ng saysay
     ang yapos ng pamamaalam,
sapagkat,
ayaw ko!
ayaw kong umukilkil
sa sintido't pagkatao
ang walang katumbas 
     na panghihinayang!


Ngunit,
katulad ng mga bulaklak
humahalimuyak ang pamumukadkad
     ng pagtanggap;
may hikayat ang pag-asa
     sa dugong ititigis;
namaalam ka ma't
     tuluyang umalis
sugatan ang diwa
     na handang magtiis,
namaalam ka ma't
     hindi na bumalik
dakila ang buhay
     na handang ibuwis;
sapagkat,
nasa isip ang pagtanggap
na ang puso'y hindi sagwil
sa sugpungan ng ating
     pangarap!
maluwag nating yayakapin
ang anyaya ng kamatayan
at hagkan ang kalayaan
     sa bukang-liwayway!


 







Martes, Disyembre 21, 2010

OYAYI NG DIGMAAN

Kilapsaw ng dugo
ang sulyap - pananong
ng kawalang malay;
likhang kamuwangan
sa tingga at balang
nagsilbing kanlungan,
halabas sa isip
pilat sa gunitang
musmos - katandaan,
ang buntong-hininga
sa nag-agaw buhay
sa mga labanan...

Ang agunyas
ay tulad din ng oyayi;
sanggol na pinaghele't
pinasuso sa tingga at basyo,
bendita-pulbura 
ang ipinangbinyag
sa walang muwang 
na mga niƱo,
lamping ikinumot
ay malansang amoy
ng natuyong dugo;
natungkab na bungo'y
pamato't panabla
sa nalikhang mundo!

Anong kapalaran
ang naghihintay
sa ugoy ng duyan?
mga anak ng digmaan
ikaw ay pinaghele
upang maging mandirigma!
nalikha ka upang lumikha!
magwasak upang bumuo,
tuklasin ang mundo at baguhin,
sapagkat 
sa dugo mo'y
pumipintig, tumitining
lagablab-dalisay
ng isang mithiin;

Bawat bahaw na uha mo'y
kinakanlong ng digmaan
tumutulig ang pag-impit
ng duguan at sugatan,
pamatay-palahaw
ang mabunying bukas
ng 'yong kapalaran...
panuob-kamanyang
ang pananagumpay
sa  mga labanan!
hanggang nakasanla
ang laya mo't dangal
ng 'yong kamusmusan,
may digmaang bayan
na panugon-dasal
sa 'yong katubusan!

Bawat buhay na nalagas
may kapalit, may katumbas;
bawat buhay na nautas
may nalikha't iaanak;
bawat dugong dumadanak
at sa lupa'y tumitigmak
mga sanggol ay sususo
sa talim ng bawat tabak!
at ang sugat na natamo
sa maagang pagkamulat
kalayaa'y iguguhit
sa kuyom na mga palad!

Maglilihi ang panahon,
magniniig dugo't pawis
sa paglayang nilalayon;
sa sinapupunan ng kahirapan
mga bagong mandirigma'y
iluluwal, isisilang;
kamangmanga'y babakahin
sa pusod ng kamulatan
halukipkip ang pag-asang
isinumpa sa inunan
ang panatang makidigma
sa ngalan ng kalayaan...!


Ang larangan ng digmaan
ay larangan ng paglaya,
ang hangarin na lumaya'y
may tungkuling makidigma;
ang buhay man ay mautas
may buhay ding ipupunla
dinilig ng luha't dugong
simpula ng pagdakila
sa lunggati ng tagumpay
ng sugatang mandirigma!


Sa oyayi ng digmaan
ay wala nang mahihimbing;
walang hindi babalikwas
walang hindi magigising,
kapag baya'y dinapurak
at ang laya'y sinisiil,
tanikala'y malalagot
sa uha ng bawat supling


at ang hele ng digmaa'y
aawiting buong giting
awit itong maghahatid
sa libing ng mapaniil!,