Miyerkules, Mayo 18, 2011

HIMUTOK SA BINATANG NAPAPANOT

Hindi ko alam,
kailan nag-umpisang
ulo mo ay napanot;
kasing dami 
nang nagtampong buhok
bantulot ng pakikiamot
     at paghihikahos!
binata kang naglamyerda,
naglakwatsa,
sinuso
tingarong utong
ni Luisita
unico hijo ng marangyang pamilya
dinadakila
ama mo
at 'yong ina.

nasaan
     hakbang ng pagtutuwid?
kung sa bakuran mo'y
nagngingitngit
bitukang nagsala-salabid
likurang natuyo sa pawis
nangalirang na tuhod at bisig!
binata kang 'di
     naging ama;
paano mauunawa
haliging tumimbuwang
     sa tama ng bala,
nagbubo ng dugo
     sa lupang pinagkait
paano mauunawa
     ang mga hinanakit
ng inang nabalo
     at ulilang paslit!

sana lang 
matuto kang mahiya,
tulad nang mahiya
ang maraming uwak
nang liparin
lupain mong
     pagkalawak-lawak!

Lunes, Mayo 16, 2011

BURYONG

sinangag sa init,
utak na lumabi
sa apoy ng ngitngit
salab
darang sa liyab
ng tinupok na katwiran
lohika ng kabobohan
panggigiit
panggigipit
sa tulirong isip
sunud-sunurang
patulak
pakabig!

namimintog,
nahinog na poot
sisinga-singasing
ilong na umusok
may bantang sasabog
sungay na pinungos
suwag ng mga inapi
sidhi
dalisay-payapa
ng paghihiganti!

Lunes, Mayo 2, 2011

KLASMEYT

gintong alaala
hagikhik na tinig
     ng kamusmusan,
hagalpak ng ating nakaraan
ay bulong sa puso
     at pagbabalik-tanaw.

walang katulad
ang umpisa ng pagkamulat,
sa malabong larawan
     ng pag-ibig
walang kasing tamis
ang gatas sa ating mga labi,
nang pukawin ng kilig
ang bubot nating damdamin,
nang magtama ang paningin,
nang 'di lang miminsang
     tayo ay tuksuhin,
     kulitin,
     asarin,
     buskahin
     ng mga kamag-aral
     at kaklase.

'di maabot ng malay,
hindi natin talos
na sabihin nilang
     tayo raw ay bagay,
tukso itong dumuro sa puso,
birong nanunudyo,
hipo,
     sa hibo ng pikit pang
     kamuwangan.


saan natin ilalagak
ang mga alaala?
nakipagtaguan tayo
sa ating kapalaran,
nagmataga-taya
sa pakikipaghabulan
sa walang katiyakan,
kung ang nagdaan
     ay nagdaan lamang,
hangin kang humilam
sa kisap ng aking mata,
simbilis nang pagkawala
ang iniwang bigat
ang iniwang tatak
sa husto
sa lapat
sa sukat
ng isang damdaming
     kay hirap ipaliwanag.


at ngayong nagkaedad;
hayaang manatiling musmos
     ang ating pananabik,
hayaang manatiling walang muwang
     ang pintig ng dibdib;
manatili tayong mga bata
sa pagtuklas ng sinasabing
     pag-ibig...!