sinusupil ng paghihintay
ang pagmamadali;
sa dako pa roon
ng lugar na iyon
kumakaway sa antabay
ang oras at panahon,
sinusubok ang hinahon
sa laro ng mga pagkakataon.
nagtitimpi ang binti
sa naglalamay na ngimay
ng mga ugat;
dagdag bigat sa lupa
ang hindig ng tindig
ng nagngangalit na kaluluwa,
ikaw...
na istruktura ng pasensya
kahibangan ang libangan
ng hinintay at nag-abang
hanggang kailan,
hanggang saan,
itatakda ang panuto
nitong imbing kapalaran?
may protesta sa lansangan
baligtaran ang balangkas
ng hilahod na lipunan!
ibinistay sa ilusyon
ang nagitlang mga mata;
haka-hakang kinabaka
ng magulat sa dalumat
ang bigla mong pagkawala,
'di mahanap sa apuhap
kung saan ka nagpunta
'di makita sa hinagap
ang nadurog na gunita
'di ka man lang nagpaalam;
nang humilam sa paningin
ang biglaang pagkaparam
huwag naman...
huwag naman...
nakatitik, nakatatak
sa lapida ng labanan
sumipot kang sementado
sa loob ng isang dram!
sa umaga,
ang bibig ay tanikala
ng mga salita
kawing-kawing na talinghaga
ng makinang nagluluwa
ng tiket sa paglalakbay,
tayutay ng buhay
ang maghintay at mag-abang
mga puspos ng paghangos
ang bigat ng bawat hakbang
at kung gabi,
mga paa'y iuunat
sa elipse ng pangarap,
hindi tuldok kundi kuwit
ang talunton ng paghikab;
ang antok ay tila batong
nakadagan sa talukap
dumuduro ang pagpikit
sa budhi ko at ulirat
sa istasyon,
bawat isa ay katulad
ng nagkalat na palito,
isiniksik, nagsalansan
ikinahon sa posporo,
nagpayao't nagparoon
nagparine't nagparito,
kapurula'y sungki-sungking
ikikiskis sa prinsipyo.
dumila ang hiwa
sa iyong katawan,
sinalag ang talim
nang tadtarang balat
kahit anong talas
ay 'di masugatan
tarak sa kalamna'y
walang makatalab...
pinain sa usig
at purol ng sumbat
kaya kalooba'y
nagkasugat-sugat!
"isang buwan
akong naghintay
upang salubungin
ang iyong pagdalaw
nagyakap ang bugso
ng luha at dugo
bumiyak sa dibdib
ang sumpa't pangako...
maghihintay ako
kahit kailan pa man,
kahit pagdating mo'y
walang katiyakan!"
nakangisi ang takipsilim
sa pamamaalam ng maghapon,
bumubulaga ang dilim sa lumalamlam
na liwanag ng papalubog na araw
habang humahangos ang mga yabag
sa dibdib ng binaog na lupa...
may kagyat na hiwaga
ang pagdila ng dilim,
nangingitim ang silahis
sa pagpinid ng liwanag
at ang sulyap ng gabi'y
tumititig sa balintataw...
at paisa-isa'y sumusulpot ang mga bituin
hindi kumukurap ang pangungutitap
sa talukap ng mga tukso't realidad.
hindi laging itim ang kulay ng gabi;
samu't saring kulay ang
inilalatag ng magdamag;
naghahain ang karimlan
ng laksang panlasa sa
nagugutom na kaluluwa;
at sa paglunok sa karanasan
himayhimay na alaala
ang likaw ng bawat bituka
sa pagsalag sa sumbat ng pusikit at gabi...
tagulaylay ng bangketa
ang pagkanlong sa mga gusgusing kerubin,
nakalugmok silang
binalian ng pakpak
sa kapalarang nanlilimahid
sa limos at pagkakait;
binulag ng gabi ang mata ng langit
naumid ang mga himala
sa kalansing ng mga baryang
sukatan ng pagmamakaawa.
ano ang kulay ng gabi?
sa pamamahay ng mga ibon
sumasayaw ang mga kalapati
sa kabilugan ng buwan;
mahaharot ang kulay
sa likod ng mga kalungkutan
puhunan ang katawan
sa pagbibigay ng kaligayahan,
wala na ngang misteryo ang gabi;
sinong sisisihin sa pag-ulan ng mga kometa?
sinong susumbatan sa pamumula ng buwan?
kung namumutla sa gutom ang tanang sambayanan!
bughaw ang langit
pula ang paligid,
marahas ang sumbat
ng pagal na isip,
tiklop na kamao
nagngangalit na panga,
pumipiglas ang himutok
sa madilim na pag-asa.
binayubay sa karimlan
ang pait ng kahirapan
anong uri ng kalayaan
ang sasalubong sa bukang liwayway?
mga batang nanlilimahid
... walang saplot
mga magdalenang ginahasa
...kinubakob
mga krimen sa lansangan
at patayan
tagpi-tagping barungbarong
na masangsang!
o, wag sanang matapos ang gabi
nang ganun na lamang;
nakangisi ang karalitaan,
nakadilat ang kagutuman
tinubog sa libog
ang layaw ng katawan
nagbabanta ang kalawakan;
may anyaya sa lupa
ang paparating na umaga,
dugo ang silahis ng pakikibaka!
Sanaysay ni: Arlan Manalon Camba
Kadalasan, 'eto ang takbo ng mga usapan sa harap ng inuman; kahit humahapay na ang katawan sa sobrang kalasingan at kahit sumasargo na ang laway sa pagsasalita, sige pa rin sa pagbangka sa pagkukwento. Tungga pa rin ng tungga, lagok pa rin ng lagok. Parang may embudo sa lalamunan. Kahit namumungay na ang mga mata, kahit na naninikip na ang dibdib sa kasisinok, hala... sige pa rin sa pagkukwento.
Siguro at sa tingin ko ang pinakamagaling na kwentista sa mundo kung hindi man umiinom ay mga lasenggo. At kung gusto mong makarinig ng pinakamabubuti at pinakamagagandang kwento ay makihalubilo ka sa harap ng inuman. Lahat siguro ng mga uri ng kwento ay dito mo na mapapakinggan. Dito mo na rin makikita ang pinakamagagaling na storyteller na kung magkwento ay madadala ka. Take note; bukod sa sumasargong laway, humahapay na katawan, pabulol-bulol na pagsasalita, halos malaglag na pustiso at pagpungay ng mga mata, sila'y nakukwento ng walang kahihiyan.
Mixed emotions ang kwentuhan sa inuman. Dahil nga narito na ang pinakamagagandang kwento at pinakamahuhusay na storyteller, malilito ka kung sino sa kanila ang mas pakikinggan. Madalas mapansin at magpapansin 'yung may malakas ang boses. Sa simula, akala mo ay tahimik at walang kimi. Sa katagalan, nang mababad na sa alak ang ngalangala at lalamunan akala mo ay laging nakasigaw. Kapag ito na ang nagkwento, tameme na ang lahat dahil kapag ito na ang nagsalita akala mo'y laging may kaaway.
Kung madalas mapansin ang may malakas na boses sa pagkukwento takaw eksena naman sa inuman ang medyo hyper na storyteller. Bagamat hindi malakas ang kanyang boses, he speaks in a very modulated voice but full of emotions. Takaw pansin s'ya dahil kapag s'ya na ang nagkwento itatapat n'ya ang kanyang mukha sa 'yong mukha na three inches lang ang pagitan. Damang-dama mo ang amoy alak n'yang hininga, ang pagtama ng mala-acid rain n'yang laway sa 'yong mukha at jackpot ka kung habang nagkukwento s'ya ay masalo ng 'yung bibig ang tingang kumawala sa kanyang bunganga. But don't worry dahil once in a blue moon ka lang naman makakatagpo ng ganitong klaseng kainuman.
Likas daw sa tao ang magkwento. Sabi ng titser ko nung college, "kung gusto mong makagawa ng isang mabuting kwento, h'wag mong sasabihin kailangang ilarawan mo."
Kaya pala sa inuman may mga kwentistang hindi makuntento na sinasabi lang kwento. Kung kinakailangang tumayo sila sa pagkakaupo at i-muestra sa kanilang kainuman ang kanilang kwento ay gagawin nila. Nand'yan na ikukumpas ang mga kamay, ipapadyak ang mga paa, sisimangot, sisigaw, sasayaw, kakanta, hahagalpak ng tawa at kung anu-ano pa.
Hindi ko alam kung ito'y epekto lamang ng ininom na alak pero sa tingin ko'y tama ang titser ko; kahit magmukhang stand-up comedian ang kwentista wala ng mas epektibo pa sa ganitong paraan ng pagkukwento.
Lahat ng kwento ay may The End. At gaya rin ng paglaglag ng tuka ng mga sunog baga; ang kwento'y nag-iiwan sa atin ng 'di matatawarang wakas. Lumulukob sa atin ang samu't saring emosyon. Umiiyak tayo, lumuluha, ngumingiti, tumatawa, sumisimangot, naaasar, nanghihinayang, nabubugnot, nagagalit; lahat ng ito ay damdaming kaakibat ng kwento.
Matatapos ang inuman pero hindi ang mga kwentong iniwan sa inuman. Mula sa simpleng tagayan hanggang sa pulutan, sa ininom na alak, sa upos ng sigarilyo, sa mga usapan sa inuman, sa mga jokes, sa mga inasar, sa mga nang-asar, sa mga tineybol at mga nateybol, sa mga tumatawag ng uwak kapag nagsusuka, sa mga komedyante at mada-drama, sa score sa videoke, sa kumanta, sa mga gitarista, sa mga pinalo ng gitara, sa mga nabangas na mukha dahil sa bote ng serbesa, sa mga nakahandusay na lasing, sa alak na inilagay sa utak, sa utak na inilagay sa alak, sa inumang nauwi sa rambulan, sa kantiyawang nauwi sa saksakan, sa lasing na diretso sa higaan, sa lasing na diretso sa kulungan...
MISMO!
'Yan ay ilan lamang sa maaksyong kwento ng maaksyong buhay ng mga lasenggong nabitin sa tagay!