Sabado, Nobyembre 20, 2021

SABADO

 May mga araw

 na kinapapanabikan –

 dumating sanlaksang galak

matapos upusin

ng pagod ang mahinang

katawan at malamyang

utak.

 

 binabatak ang oras

 sa pananabik

upang iwanan ang bagahe

ang lahat ng pasan-pasan

at yakapin ang biyaya

ng paghupa

ng pagpapayapa

sa isang madaling-araw

ng Sabado

ay kalmado;

kalmadong

kalmado.

 

 

                                            

Huwebes, Nobyembre 11, 2021

DAHIL AKO'Y NATATAKOT

 

Tinatamaan din ng peste
ang linya ng mga tula,
hahamunin ang pagiging makata
sa tudla ng malamyang talinghaga;
katulad ngayong kinukutkot ng takot,
tinatanong ang silbi’t katuturan
walang pumapansin,
bumabasa sa himutok ng kalooban.
 
ano ang tula
sa mundong ito ng pandemiko?
tanikala lamang ito
sa mukha ng katotohanang
hindi matanggap-tanggap
na ganun kadaling saklutin ang buhay
nang ‘di makita-kitang kalaban.
 
anong silbi ng talinghaga
            sa bangis ng pandemya?
hindi gamot linya ng mga salita,
estropa lang ng takot ang pigura
            ng dulas ng dila,
pagkukulong sa saknong
ang buladas ng pagtakas;
lahat tayo’y bumabahag din ang buntot
sa madilim na pangako ng hinaharap,
wala sa tula ang buhay
hindi buhay ang tula
lahat ay ating iiwan
lahat ay ating iiwanan 
 kahit pa ang pinakamagandang tula!


Martes, Setyembre 28, 2021

"PAGTATAKIP"

Kung paano sinasalo

ng batya

ang mga tulo

sa bubong

ay gayundin

sinasagka, sinasangga

ang naipong pagkakamali.


Mahirap nang mabutasan

matalas ang patak

at tigatik

ng sibad ng tubig

sa lumuluhang langit

pagtatakpan 

ang pagtangis

kahit impit

ang langitngit

ng niyuyurakang bubong.