Biyernes, Marso 9, 2012

KUPASING MAONG

nagninisnis na
ang pantalong maong
na hinabi ni Ka Gusting
magsasastre;
tatlong taong hinubad-sinuot,
hinarabas nang walang takot
sa paglalagalag sa naghihimulmol
na panahon;
gapok na ang liston,
gatlang pinalalim
ng pagkakataon...

tastas na ang laylayan,
ang sinulid ay nasnas na
sa kapangahasan;
sa pagliliwaliw sa kung saan,
sa pag-iwas sa kalakaran,
sa pagtutop sa lipunan,
tahi-tahing kaisipang
dumupok sa karanasan.

wala nang tingkad ang kulay,
pinangupas ng kabalintunaan
sa buhay;
tahing doble-pasada
unti-unting nagugutay,
ang tahi sa sinturera
unti-unting naluluray;
ni sa pangungupas
ay 'di na makilala ang tatak
ng pagkakakilanlang eteketa!

kupas na nga ang maong
na hinabi ni Ka Gusting;
gaya nang pangungupas
ng aking pagkatao;
ng kinamulatan at kinalakihan,ng takbo ng isipan,
ng likaw ng bituka
at kulay ng hasang...

natatakot akong bukas makalawa
na ang sarili ko ay 'di ko na makilala!