Lunes, Oktubre 18, 2010

ANIM NA TAN(G)AGA

 Tan(g)aga

pantig na pitu-pito
pilipit sa dila ko
linya na naghingalo
nabaog na tula ko!

"bishop"
sa sermon umalulong
ng dasal at orasyon
nang walang sumang-ayon
naghamong magpakulong!

"condom"

hanggang saan ang lugod
ang init ng alindog
sa makailang putok
sinasala ang tamod?


"withdrawal"

sumayaw, umindayog
sumakit pati likod
eto na at sasabog
ay saka mo hinugot!

"calendar method"

isang buwang nagtimpi
tiniis ang hirati
nang umiksi ang pisi
hanap ay kulasisi.


"vasectomy"

kinakapon na utak
tinataliang ugat
sa tikim at paglasap
pinupunggok ang sarap!"

Biyernes, Oktubre 15, 2010

HUWAG KANG MAG-IIWAN NG ANUMANG BAKAS SA AKING KATAWAN

At katulad ng nagdaang labanan,
ang katotohana'y sumusugat
sa mapaklang katapatan;
nang sumaksi ang gabi
sa walang habas na paglasap
ng nakalalangong halakhak;
at ang hubad na katawa'y
nagtampisaw sa lugod ng init at lamig,
nakalublob sa daiti ng pag-iisa't pagsasanib
ang mga sandaling paulit-ulit,
inulit-ulit,
hindi lamang isang saglit...

Basta't ang malinaw

batid natin ang orasyon ng pagtatampisaw,
may babalang hindi dapat talikdan
at paalaalang dapat na tandaan;
huwag na huwag kang mag-iiwan
ng anumang bakas sa aking katawan;
mula sa simpleng kurot
hanggang sa pagbaon 
ng kuko mo sa aking likod;
huwag na huwag kang maglalagay
ng anumang tatak sa aking balat,
iwasan ang pagkagat,
iwasang magbabad sa mga bahagi ko
ang malanding dila 
at maharot na labi mo;
ayaw kong magmapa ang pamumula
katulad ng pamumugto ng mga mata
ng isang kaluluwang labis na nag-aalala!

Martes, Oktubre 12, 2010

GUSTO KONG TUMULA

Gusto kong tumula;
ihiwa ang talas ng mga salita
sa pulso ng uring nagsamantala,
hayaang sumirit ang mga dugo,
humilamos sa kanilang mukha
ang sangsang ng kanilang
kawalanghiyaan;
sa uring dinuhagi
sa uring inapi
sa uring binusabos
sa uring dinayukdok
sa uring naghikahos,
o kaya'y lumaslas 
sa kanilang lalamunan;
ibaon ang talim ng mga talinghaga
sa dibdib ng mga walang kaluluwa...
hayaang mawakawak ang himaymay
ng kanilang katawan;
bawat ulos ay ganting-pait
sa kanilang kasakiman,
bawat urak ay paglalaplap
sa ginawang kasalanan...


Gusto kong tumula,
sapagkat gaano man kapurol
at padaskol-daskol ang pananalinghaga,
gaano man kapudpod
ang mga pananaludtod,
sa tulad kong nagmamaka-makata
may sasarap pa ba sa pagpatay
gamit lamang ang salita?

Lunes, Oktubre 4, 2010

SA DIBDIB NG LUPA

Matagal ng nakapunla
sa dibdib ng lupa ang kaalipinan;
mga binhing nagkaugat
sa makalyong palad ng
masang naglilinang;
sa maghapong pagbubungkal,
ang pasanin ay pagkaing ihahain
sa hapag ng sambayanan;
nasa lupa ang pag-asa,
nasa lupa ang pangarap,
nasa lupa ang hininga,
ang pintig at pulso
ng kanilang paghihirap!

Masdan mo silang
nakabilad sa initan,
hindi alintana ang balat na napapaso
sa galit na araw;
kinakatas ng katanghaliang tapat
ang manipis na katawan,
tinutuyot ang mga braso't kalamnan
katulad ng pagpungos sa matayog na tubuhan
at paggapas sa malawak na palayan;
nakakipkip sa bisig
     ang pangako ng lupa,
nakapasan sa balikat
     ang reporma at paglaya!

Nasaan?
nasaan sa malawak
na asukarera't tabakalera
mayroong pantay na hatian?
Sinu-sino?
ituro mo ang mga
asyendera't asyendero
na nagbigay ng tama
at wastong pagtrato?
sa kapirasong lupa
naroon ang buhay;
nagtitiplarang katawang humahandusay
sa malawak na bukirin;
bumubulwak ang mga dugo,
sumasambulat ang mga bungo,
mga ulong gumugulong
sa tama ng punglo!
O, mga putang ina!
walang sinuman sa atin
ang may-ari nitong lupa!
tayo ay bahagi ng wastong
pagtamasa sa pantay na biyaya
nang lupang nagmamay-ari ng lahat...
nang lahat-lahat!
sa iyo...
sa akin...
ultimo sa bigas na isasaing!

Manghilakbot kayo panginoong may lupa;
walang sinasanto o dinidiyos
ang uring binubusabos;
matagal ng nakatundos
sa lupang binaog ang suhay
ng laksa-laksang pagkilos!
mangilabot kayo uring nagmalabis
sukdulan na ang aming pagtitiis,
sing dami ng butil ng pawis
sa aming katawan,
at kasing dami ng patak ng ulan
ang uusig sa kasumpa-sumpa
ninyong kahangalan!

Repormang agraryo...
parang tuyong ibinitin-bitin
sa katulad naming mga hingal-kabayo;
hindi kami tanga, hindi kami gago,
matagal nang kinukuba ang
aming gulugod ng inyong panggagantso!
hindi kami mangmang, 
at mayroon ding alam;
malaon nang nagpipigil
ang palad ko't mga bisig
sa puluhan ng itak kong
puputol sa iyong leeg!

KUNG ANG KASAL AY TULAD LAMANG NG PAGLALABA

Kung ang kasal
ay tulad lamang ng paglalaba;
matagal ko nang ibinabad
at ikinula ang ating relasyon;
hiniwalay ang puti sa de-kolor
nang hindi na humawa ang kulay
at mantsa ng makitid
nating pang-unawa,
o kaya'y i-almerol;
patigasin sa gawgaw,
padulasin sa tina,
ang nananamlay nating pagsasama
matapos ibilad sa sikat ng araw
ang relasyong dinatnan ng gabi;
papaano kasi,
kulang sa kusot
at kulang sa palo
ang ating mga pangako;
alanganing basa 
sa malamyang piga
ang katuparan ng binitiwang sumpa.
At kung ang kasal
at tulad lamang ng paglalaba;
kasamang itambak 
sa gabundok na labada
ang barong-pangkasal
at ang traje de boda.