Nagtuturo ang amihan
ng katiyakan;
nang minsang itala mo
sa paglalapat ng ating
mga balat ang 'di
maipaliwanag na pagtingaro
ng ating mga balahibo.
Mainit ang hanging
ibinubulong ng punong
kabalyero; gumagapang
sa punong tenga mo,
napapapikit kang yumayakap
sa bisig na sanga
ng punong talisay; ngunit
yupyop sa malabay
na kumot ang daot
ng pag-aalala sa ating
pagtatampisaw.
Wala ka nang itatala
sa buwan ng Abril,
at inangkin na ako
sa sumpang binitiwan
ng unang ulan ng Mayo;
at ang delubyo ng Hunyo,
Hulyo at Agosto ay mananalasa;
ngunit may pangakong iniiwan
ang ngiti ng Setyembre.
At anong aasahan
pagtuntong ng Oktubre?
muling susulpot ang amihan
upang iparamdam ang halik
ng sinasabing paghihilom!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento