ratatatat ng armalayt
ay dila ng apoy
na bumubutas ng katawan!
ang bala ay tula
na walang sinasanto
lalo at tangan pa ng estado
ang kalawit-kalabit sa gatilyong
iniumang sa sentido;
sumasargo ang himaymay ng utak
sa sumabog na ulo;
tudla sa tama ng bala
ang nabuwal na katawan,
tigmak sa dugo ang takot
ng nag-aalimpuyong galit
bumabahag, buntot ng katarungan
'pag tumula ang baril!
Tumutula rin ang baril,
lagitik, kasa ng kwarenta y singko
ay sagot sa tula
at tugunang berso;
kaya't pasintabi sa estado,
kung armas ng makata
ang kanyang pagtula;
rapido ng talinghaga
ang uhaw sa katarungan
ng tunay na lagay ng bayan
sa kamay ng mga salanggapang!
kalawit-kalabit din
ang kanyang panitik,
urirat ang tula
sa dinadagang dibdib,
panggising-ulirat
sa lupaypay na isip,
pampakulo ng dugo
ang apoy ng mga berso,
umaalmang gulugod
ang lagutok ng mga taludtod,
pulbura ang tula
sa lipunang hilahod!
kaya,
iumang man, nguso ng baril
sa bibig ng makata
ng kawawa kong bayan;
'di mabubusalan,
bibig sa pananahimik;
makikipagsabayan sa bilis ng gatilyo,
ang apoy ng berso, tulang progresibo;
talunton-taludtod ay rebolusyunaryo!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento