Tinatamaan din ng peste
ang linya ng mga tula,
hahamunin ang pagiging makata
sa tudla ng malamyang talinghaga;
katulad ngayong kinukutkot ng takot,
tinatanong ang silbi’t katuturan
walang pumapansin,
bumabasa sa himutok ng kalooban.
ano ang tula
sa mundong ito ng pandemiko?
tanikala lamang ito
sa mukha ng katotohanang
hindi matanggap-tanggap
na ganun kadaling saklutin ang buhay
nang ‘di makita-kitang kalaban.
anong silbi ng talinghaga
sa bangis ng pandemya?
hindi gamot linya ng mga salita,
estropa lang ng takot ang pigura
ng dulas ng dila,
pagkukulong sa saknong
ang buladas ng pagtakas;
lahat tayo’y bumabahag din ang buntot
sa madilim na pangako ng hinaharap,
wala sa tula ang buhay
hindi buhay ang tula
lahat ay ating iiwan
lahat ay ating iiwanan
kahit pa ang pinakamagandang tula!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento