Sabado, Hulyo 3, 2010

Isang MaBoteng Usapan

Sanaysay ni: Arlan Manalon Camba

        Kadalasan, 'eto ang takbo ng mga usapan sa harap ng inuman; kahit humahapay na ang katawan sa sobrang kalasingan at kahit sumasargo na ang laway sa pagsasalita, sige pa rin sa pagbangka sa pagkukwento.  Tungga pa rin ng tungga, lagok pa rin ng lagok.  Parang may embudo sa lalamunan.  Kahit namumungay na ang mga mata, kahit na naninikip na ang dibdib sa kasisinok, hala... sige pa rin sa pagkukwento.

      Siguro at sa tingin ko ang pinakamagaling na kwentista sa mundo kung hindi man umiinom ay mga lasenggo.  At kung gusto mong makarinig ng pinakamabubuti at pinakamagagandang kwento ay makihalubilo ka sa harap ng inuman.  Lahat siguro ng mga uri ng kwento ay dito mo na mapapakinggan.  Dito mo na rin makikita ang pinakamagagaling na storyteller na kung magkwento ay madadala ka.  Take note; bukod sa sumasargong laway, humahapay na katawan, pabulol-bulol na pagsasalita, halos malaglag na pustiso at pagpungay ng mga mata, sila'y nakukwento ng walang kahihiyan.

       Mixed emotions ang kwentuhan sa inuman.  Dahil nga narito na ang pinakamagagandang kwento at pinakamahuhusay na storyteller, malilito ka kung sino sa kanila ang mas pakikinggan.  Madalas mapansin at magpapansin 'yung may malakas ang boses.  Sa simula, akala mo ay tahimik at walang kimi.  Sa katagalan, nang mababad na sa alak ang ngalangala at lalamunan akala mo ay laging nakasigaw.  Kapag ito na ang nagkwento, tameme na ang lahat dahil kapag ito na ang nagsalita akala mo'y laging may kaaway.

       Kung madalas mapansin ang may malakas na boses sa pagkukwento takaw eksena naman sa inuman ang medyo hyper na storyteller.  Bagamat hindi malakas ang kanyang boses, he speaks in a very modulated voice but full of emotions.  Takaw pansin s'ya dahil kapag s'ya na ang nagkwento itatapat n'ya ang kanyang mukha sa 'yong mukha na three inches lang ang pagitan.  Damang-dama mo ang amoy alak n'yang hininga, ang pagtama ng mala-acid rain n'yang laway sa 'yong mukha at jackpot ka kung habang nagkukwento s'ya ay masalo ng 'yung bibig ang tingang kumawala sa kanyang bunganga.  But don't worry dahil once in a blue moon ka lang naman makakatagpo ng ganitong klaseng kainuman.

       Likas daw sa tao ang magkwento.  Sabi ng titser ko nung college, "kung gusto mong makagawa ng isang mabuting kwento, h'wag mong sasabihin kailangang ilarawan mo."

      Kaya pala sa inuman may mga kwentistang hindi makuntento na sinasabi lang kwento.  Kung kinakailangang tumayo sila sa pagkakaupo at i-muestra sa kanilang kainuman ang kanilang kwento ay gagawin nila.  Nand'yan na ikukumpas ang mga kamay, ipapadyak ang mga paa, sisimangot, sisigaw, sasayaw, kakanta, hahagalpak ng tawa at kung anu-ano pa.

       Hindi ko alam kung ito'y epekto lamang ng ininom na alak pero  sa tingin ko'y tama ang titser ko; kahit magmukhang stand-up comedian ang kwentista wala ng mas epektibo pa sa ganitong paraan ng pagkukwento.

       Lahat ng kwento ay may The End.  At gaya rin  ng paglaglag ng tuka ng mga sunog baga; ang kwento'y nag-iiwan sa atin ng 'di matatawarang wakas.  Lumulukob sa atin ang samu't saring emosyon.  Umiiyak tayo, lumuluha, ngumingiti, tumatawa, sumisimangot, naaasar, nanghihinayang, nabubugnot, nagagalit; lahat ng ito ay damdaming kaakibat ng kwento.

       Matatapos ang inuman pero hindi ang mga kwentong iniwan sa inuman.  Mula sa simpleng tagayan hanggang sa pulutan, sa ininom na alak, sa upos ng sigarilyo, sa mga usapan sa inuman, sa mga jokes, sa mga inasar, sa mga nang-asar, sa mga tineybol at mga nateybol, sa mga tumatawag ng uwak kapag nagsusuka, sa mga komedyante at mada-drama, sa score sa videoke, sa kumanta, sa mga gitarista, sa mga pinalo ng gitara, sa mga nabangas na mukha dahil sa bote ng serbesa, sa mga nakahandusay na lasing, sa alak na inilagay sa utak, sa utak na inilagay sa alak, sa inumang nauwi sa rambulan, sa kantiyawang nauwi sa saksakan, sa lasing na diretso sa higaan, sa lasing na diretso sa kulungan...

       MISMO!

       'Yan ay ilan lamang sa maaksyong kwento ng maaksyong buhay ng mga lasenggong nabitin sa tagay! 

 

1 komento:

  1. first comment!

    nagustuhan q un ahh! MISMO!. hahaha,

    sa madaling salita, DRINK MODERATELY d ba nga?

    sayang nga lng ndi nsama sa nabbnggit ang lasenggong nabitin hindi sa tagay, ngunit sa pulutan. tsk3.


    - snyder

    TumugonBurahin