"Papunta ka pa lang, pabalik na ako!" - matandang kasabihan
Naroon ka't sapu-sapo
ang iyong baba,
nakatanghod sa ragasa ng wala
nang walang lamang kalsada,
'di malirip ng paningin
ang nakapakong kawalan
nang walang marinig na harutan
ng mga batang nagpapanakbuhan;
at wala ring maulinig
na sala-salabid na parinig
ng mga aleng makakati ang bibig.
Maya-maya'y kumahol ang aso,
nagitla ang pusang nagpapasuso;
kumaripas nang pagtakbo
simbilis nang paglipas
ng bawat segudo;
ilang libong minuto ba
ang animnapung taon?
bawat gatla sa mukha mo'y
milya-milyang hakbang
ng pagtawid at pagtahak;
mabibigat ang pasaning
mga nunal sa balikat
na minsang lumabusaw
sa patda mong utak;
ngunit 'di mo hinabol
ang kamay ng oras,
hindi ka man lang nagmadali,
hindi ka man lang nag-atubili,
nanatili kang kalmado
katulad ng dagat,
at kahit dinaluhong
ng haplit ng habagat
ang paglasap sa pait
ng datnan ng alat
ay patikim sa tamis
ng munti mong pangarap.
Ilang libong segundo ba
ang animnapung taon?
balumbon ng ulap
ang maalong uban
na tumatakip
sa papalubog na araw;
sumusungaw sa ngiti
ang kapayapaan,
sa tahimik na pintig ng puso
at kalmadong liksi ng katawan,
yakap mo ang katatagan;
hindi alintana ang
nuot ng kirot
sa litid mo't mga tuhod,
walang tigib-halumigmig
ang wagas mong pag-ibig;
walang pagkakait,
laging handa sa pasakit,
binibigkis ng pagtitiis
ang labis na hinanakit;
sa gumiray na pagsasama,
sa dumupok na pag-asa.
At ngayon,
larawan ka ng kapanatagan,
animnapung taong singkad
ang hulas at bulas
ng iyong buhay;
"kakaway kang bumabalik
habang kami'y paparoon,"
hindi ka man masalubong,
dakila mong alaala
ang sa ami'y ipabaon.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento