Biyernes, Hunyo 18, 2010

PULA ANG KULAY NG PUTI KONG T-SHIRT

tiwarik na't sala-salabat
ang bawat hibla ng aking utak;
'wag mo akong gawing gunggong
sa 'sang kilo ng galunggong
baka sa gutom ko, bulate sa sikmura'y 
magrebolusyon!

nagkakalyo na ang daliri
sa kasusulat;
bakit ipipilit ang bagay na 'di ko
matanggap gayung mas masarap
ang bitsu-bitso kaysa hamburger,
'wag mo kong takamin;
baka kung malason ay malimutan ko
kung sa'n ako galing!

nagtitiim-bagang ako;
pangisi-ngisi ka't patawa-tawa
habang si ama'y lawlaw na ang 
     itlog sa kakakayod;
pingkaw na ang gulugod
ni inang kuskos piga sa paglalaba
habang ako nama'y humihingi
nang pangmatrikula;
at sa akademya; pilit isinuksok
sa sintido-komon na mas masarap
ang hamon kaysa bagoong...!

dinudugo na ang aking isip;
madugong-madugo...
pinakikirot ng haplit ng pagbabago
pilit inapuhap ngunit 'di matanggap
nang pang-unawa kong unti-unti ng nababakbak
nakakainsulto; hinila-hila mong
may tali sa ilong patungo
sa pagsulong mong paurong;
ngunit 'wag ka, malapit ng mahinog
ang panahon at ang t-shirt kong
kakukula pa lang sa kaputian
ay papupulahin ng wakas
nang pagtitiim-bagang...!

3 komento:

  1. Tinatalakay sa tulang ito ni Adrian M. Camba ang sari-saring suliranin na kinakaharap ng isang mag-aaral na pilipino na nagsusumikap sa kabila ng kahirapan at kakulangan sa kaalaman. Bagaman gumamit ang manunulat ng mga salitang balbal o mga salitang hiram sa wikang banyaga ay naipakita naman niya kung gaano na lamang ang hirap ng isang ama at ina sa kagustuhan nitong mapagtapos ng pagaaral ang kanyang anak, na handa itong magpakakuba sa pagtatrabaho para mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak.

    Sadyang malikhain ang isip ni Adrian Camba, lubhang mahirap unawain ang ibang linya sa kanyang mga tula at palaisipan naman ang mga pamagat ng kanyang mga akda katulad na lamang ito. Gayun pa man, malayang taludturan ang kanyang pamamaraan ng pagsulat kaya naman walang limitasyon ang kanyang nais iparating. Walang hangganan ang kanyang imahinasyon, tunay na kahanga-hanga sapagkat mapapaisip ka talaga sa bawat nyang tula na sa una ay akala mo walang saysay subalit may laman din naman kung babasahin at iintindihin ng puso.

    TumugonBurahin
  2. Tunay na kayganda ng mensaheng pinarating sa atin ng may akda.

    TumugonBurahin
  3. Sa unang pagbasa ng tula ay hindi maikakaila na propesyunal ang lumikha. kay lalim ng mga salitang ibinitawan, tamang tama ang pamagat sa tula at may mensaheng nakatago mula rito. Mauunawaan ang tula kung bibigyan ito ng oras, panahon at pagpapahalaga. Ang mensaheng ito kapag naintindihan ay magiiwan ng puwang hindi lang sa isip kundi pati na rin sa puso ng mga mambabasa.

    TumugonBurahin