Lunes, Oktubre 4, 2010

SA DIBDIB NG LUPA

Matagal ng nakapunla
sa dibdib ng lupa ang kaalipinan;
mga binhing nagkaugat
sa makalyong palad ng
masang naglilinang;
sa maghapong pagbubungkal,
ang pasanin ay pagkaing ihahain
sa hapag ng sambayanan;
nasa lupa ang pag-asa,
nasa lupa ang pangarap,
nasa lupa ang hininga,
ang pintig at pulso
ng kanilang paghihirap!

Masdan mo silang
nakabilad sa initan,
hindi alintana ang balat na napapaso
sa galit na araw;
kinakatas ng katanghaliang tapat
ang manipis na katawan,
tinutuyot ang mga braso't kalamnan
katulad ng pagpungos sa matayog na tubuhan
at paggapas sa malawak na palayan;
nakakipkip sa bisig
     ang pangako ng lupa,
nakapasan sa balikat
     ang reporma at paglaya!

Nasaan?
nasaan sa malawak
na asukarera't tabakalera
mayroong pantay na hatian?
Sinu-sino?
ituro mo ang mga
asyendera't asyendero
na nagbigay ng tama
at wastong pagtrato?
sa kapirasong lupa
naroon ang buhay;
nagtitiplarang katawang humahandusay
sa malawak na bukirin;
bumubulwak ang mga dugo,
sumasambulat ang mga bungo,
mga ulong gumugulong
sa tama ng punglo!
O, mga putang ina!
walang sinuman sa atin
ang may-ari nitong lupa!
tayo ay bahagi ng wastong
pagtamasa sa pantay na biyaya
nang lupang nagmamay-ari ng lahat...
nang lahat-lahat!
sa iyo...
sa akin...
ultimo sa bigas na isasaing!

Manghilakbot kayo panginoong may lupa;
walang sinasanto o dinidiyos
ang uring binubusabos;
matagal ng nakatundos
sa lupang binaog ang suhay
ng laksa-laksang pagkilos!
mangilabot kayo uring nagmalabis
sukdulan na ang aming pagtitiis,
sing dami ng butil ng pawis
sa aming katawan,
at kasing dami ng patak ng ulan
ang uusig sa kasumpa-sumpa
ninyong kahangalan!

Repormang agraryo...
parang tuyong ibinitin-bitin
sa katulad naming mga hingal-kabayo;
hindi kami tanga, hindi kami gago,
matagal nang kinukuba ang
aming gulugod ng inyong panggagantso!
hindi kami mangmang, 
at mayroon ding alam;
malaon nang nagpipigil
ang palad ko't mga bisig
sa puluhan ng itak kong
puputol sa iyong leeg!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento