Martes, Oktubre 12, 2010

GUSTO KONG TUMULA

Gusto kong tumula;
ihiwa ang talas ng mga salita
sa pulso ng uring nagsamantala,
hayaang sumirit ang mga dugo,
humilamos sa kanilang mukha
ang sangsang ng kanilang
kawalanghiyaan;
sa uring dinuhagi
sa uring inapi
sa uring binusabos
sa uring dinayukdok
sa uring naghikahos,
o kaya'y lumaslas 
sa kanilang lalamunan;
ibaon ang talim ng mga talinghaga
sa dibdib ng mga walang kaluluwa...
hayaang mawakawak ang himaymay
ng kanilang katawan;
bawat ulos ay ganting-pait
sa kanilang kasakiman,
bawat urak ay paglalaplap
sa ginawang kasalanan...


Gusto kong tumula,
sapagkat gaano man kapurol
at padaskol-daskol ang pananalinghaga,
gaano man kapudpod
ang mga pananaludtod,
sa tulad kong nagmamaka-makata
may sasarap pa ba sa pagpatay
gamit lamang ang salita?

2 komento:

  1. ang lakas ng bigwas ng mga huling linya.. pagtatakda na ang isang baguhang makata ay kayang lumaslas at pumatay ng mga walanghiya at mga putang-ina gamit ang kanyang pudpod na pananaludtod at padaskul-daskol na pananalinhaga..mabuhay ka sir!

    TumugonBurahin
  2. salamat... jack, ito ay tulang naisulat dahil sa tulang nabasa ko mula kay ka roger ang "Ulo mo'y gusto kong palakulin, Dibdib ay Laplapin"

    TumugonBurahin