Sapagkat 'di sapat ang habag,
hindi prusisyon ang paglalagalag
sa pusod ng kalungsuran
at kabundukan;
bawat hakbang,
bawat yabag,
bawat usad,
ay panata sa pambansang
pagmumulat,
humahampas ang alon
ng pagbabalikwas
sa lawak ng sambayanang
inaapi't hinahamak
Huwag tayong umasa sa habag;
walang saysay at inutil
ang pag-amot ng awa,
malaon nang itinuring
na tayo'y mga timawa
ng uring nagsasamantala,
pinupulbos ng gutom ang sikmura,
binubusalan ang bunganga,
binabaunan ng tingga
ang dibdib ng lupa;
ng mga sumabog na bao ng ulo,
ng mga dugong kinulapol sa mukha,
ng mga babaing ginahasa,
ng mga manggagawang kinukuba,
ng mga magsasakang pagal na ang araro,
ng mga estudyanteng ulit-ulit inatado;
isang bigwas sa katinuan
ng bawat pagkatao,
alipinin,
busabusin,
habambuhay gawing gago!
At dahil 'di dapat umasa sa habag,
nakakalat kaming naghahasik
ng mutya ng pagkakapit-bisig;
talisman ng pag-oorganisa
sa kanugnog na bayan,
sityo at kaparangan
ang talim ng mga kamulatan;
agimat sa lansangan
ang pag-aabre-siete
sa nagmumuntik-muntikanang
piketlayn...
hindi iniinda ang mga hambalos,
manhid na ang katawan
sa mga pasa at galos,
at kahit 'di na mabilang
ang nawala at dinukot;
hindi kami mauubos,
puta-putakting naririyan, sumusulpot
sa panahong ginigimbal ng takot,
sa sandaling pinaaasa sa wala,
sa oras na 'di malimusan ng awa!
'Pagkat habag ay 'di sapat;
bawat isa'y mag-aarmas
ng pinagsama-samang lakas,
kapangyarihang magbubuwal
sa bulok na estado,
at wawakas sa mahabang panahong
panloloko...!
'pagkat baya'y 'di na dungo!
kikilos tayong isang kolektibo,
marahas ang landas
sa pambansang pagbabago!
ang dulas ng tulang ito..gustunggusto ko ang bawat linya..para bang ilan taong hininog at ilang buwang sinulat...mas matindi at marahas ang paksa na naisusulat mo ngayon sir..ramdam ang ngingit di lamang ng iyong panulat, pati ang galit ng mga inaaapakan..
TumugonBurahin