Huwag kang matatakot!
pakalmahin ang puso
at katawan;
payapain ang isipan,
huwag kang padadala
sa paghangos ng damdamin;
ipikit ang mga mata,
huminga
at magbuga ng hangin;
salatin sa dibdib
ang tingarong salamisim
sa layaw at ulayaw
at sandali ng pag-angkin;
sa ganito'y
walang puwang
ang mabitin...
Maano bang
hawakan ang kaba,
ituon ang isip
sa layon ng pakikibaka!
manalig sa kargada,
higpitan ang hawak sa sandata,
ikasa...
itutok sa katawang
bubulagta,
sipatin ang dibdib
o ang bao ng ulo,
ipunin ang lakas
sa buo mong pagkatao;
at kung handa ka na'y
buong giliw kalabitin
ang gatilyo;
aalingawngaw ang putok!
ng punglong bumaon
sa puso!
ng balang bumutas
sa bungo!
ngunit ang tandaan,
ito'y unang putok pa lang!
kaya't huwag kakabahan,
ang takot ay tanggalin
sa isipan,
sapagkat...
sino ang aasahan?
sino ang kakapitan
ng masang dapat
paglingkuran?
tayo'y mga mandirigma,
unang putok ang hudyat
ng paglaya!
hayaang kumawala
ang pag-aalimpuyos,
hayaang sumambulat
ang igting ng pagsabog,
hayaang maghumindig
ang galit sa mga ugat,
sapagkat,
sa oras ng pagtutuos
matitikman nila
ang hapdi at bagsik
ng ating unang ulos!
iba talaga ang panulat mo sir. malumanay ang mood kahit digmaan ang nilalahad..kitang kita ko ang pagtitimpi mo sir na huwag sumambulat ang matinding emosyon..ang husay..mabuhay ka sir!
TumugonBurahin