Biyernes, Nobyembre 12, 2010

'PAGKAT MASA ANG NAGTAKDA

Katulad ng tigatik ng ulan
marahas ang landas
sa tuwid na daan;
bumabaon sa balat
hanggang sa kalamnan
ang talim ng bawat patak;
sumisigid hanggang ugat,
dumadaloy hanggang utak
ang sambulat ng alimpuyos
     at paglalagablab!

Marahas ang landas
     sa pagtutuwid;
katulad ng pagliliyab
     ng mga talahib
ang sidhi at alab
     ng namuong galit,
marahas itong katulad
ng pagsabog ng bulkan,
iniipon sa kaibuturan
ang tining ng ganting-kalupitan
sa ragasang maghahawan
     nitong imbing kabuktutan.

marahas ang kumpas
ng paghihimagsik,
pinag-isang lakas ang uunat
sa katwirang malaon ng pinilipit,
guguho ang bantayog
     ng mga baluktot,
kikitilin ang mga balakyot,
uusigin kahit saan magsuot
     ang maraming naging asal-hayop,
lalamunin ng takot 
     ang mga salanggapang,
lilipulin ang mga anay at bukbok
     ng lipunan,
'pagkat masong dadagundong
     ang sigaw ng katarungan,
'pagkat karit na matalim
     ang haplit ng kahatulan!

marahas ang talunton
     ng pakikidigma!
'pagkat masa ang nagtakda;
inutil ang mga habag pati awa,
walang dasal na didinggin,
mapipipi ang mga panalangin,
langit-lupa ay papupulahin
     ng dugong sumisirit
     sa ginilit na lalamunan
     at inurakang katawan...
'pagkat masa ang nagtakda;
marahas,
madugo,
ang daan sa paglaya!

1 komento:

  1. tama sir..masa ang magtatakda, ang hahatol, ang mananaig..kailangan lang ang madugong paraan..hindi maiiwasan ang dugo kung ang mga anay at bukbok ng lipunan ay naghaharian at nananamantala..

    TumugonBurahin