Huwebes, Pebrero 24, 2011

PUSANG GALA

Latag ng karimlan
balat ng daigdig;
wisik ng kulimlim
bendisyon ng dilim
    sa gutom na yagit,
simi na sinimot
imis na niluhog
    sa awang kap'ranggot
pispis ang katawang
    baluktot sa sulok
limahid ng pawis
    sa sangsang at lapot
       ng sipon at uhog.

Hapdi ng sikmura;
labahang matalim
    daiting dumiin
       bitukang kumislot
sa amoy na panis
    pagkaing pinagpag
       kung saan nilabnot
bangaw ang kasalong
    nakipag-unahan
       sa ipis at uod
lasap ng bilaok
    langhap na maanta
       ang lugod ng lunok!

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento