magagamot ba ng orasyon
ang tumitinding gutom?
huwag ipansalag
ang mga panalangin
sa katulad naming
wala nang makain,
huwag n’yo kaming bulungan
ng mga mahika at dasal
alam mong malabo nang
bumaba pa ang presyo
ng pandesal!
ang gobyerno’y nagiging inutil!
sa hapag kainan
ng bayang binaliw
ni ultimo asin
ay walang madildil
sa ‘sang kilong buhay
at presyo ng bigas
said na ang salop
ng masang mahirap.
huwag kaming busugin
sa mga pangarap;
sa mga pangakong
lumalason na rin
sa gutom na utak;
huwag kaming bulagin
sa tininging awa’t
pinorsyentong habag
baka iyan na rin
ang katuparan ng
mamatay nang dilat!
pinira-piraso na pang-iinsulto
garapalang panggagantso
sa bayang inakalang
manhid pa at dungo;
utay-utay na panggagago
sa masang minsan pa’y
umaasang mayroong isusubo;
anong uri ito ng panloloko?
habang nabubundat sa mga kapritso
sa nakaw na yaman
at mga luho ang mga alipores
ng nag-aastang banal;
umaatungal ang sikmurang
wala nang mailaman;
ang baya’y dinapurak
ng mga duhapang
ang masa’y inulaol
ng mga gahaman
hilahod sa hirap
at baon sa utang
nakasanla na rin
ang kinabukasan!
ang buhay ng pinoy;
isang kahig na nga
wala pang matuka!
mairaraos din ang maghapon
sa ‘sang tasang sabaw,
mas mainam na rin ‘to
dahil walang mailugaw,
ang kumulong tubig
ay lagyan ng asin
may instant nilaga
na pwedeng higupin!
sa buhay ng pinoy
may dakilang sumpa
ang gutom na sikmura…
“kapag sa kaldero’y
naubos ang bahaw
pati kaning tutong;
wala nang puwang pa
maging ang emosyon,
tutol man ang isip
at sintido-komon
sigaw ng bituka
rebolusyon… rebolusyon!
ayos Sir...walang mali ang amit ng "ng at nang"...hehehe
TumugonBurahinGaling galing nyo po. :)
TumugonBurahinBagay na bagay 'to sa sitwasyon ng pilipinas ngayon.