hindi lingid ang langib
sa natuyong sugat
pinupog ng siphayong tumarak
sa dibdib at utak
pahinang nagsaysay
mga tigib ng panganib
tibo ng matinik
na landas ng pakikibaka.
maghahawan
dalawang bisig at kamay
wasiwas ng karit
sa masukal na daan
magtitiplaran
katawan ng mga demonyo
masong hinambalos
sa matigas na ulo
lugmok nakasubsob
hahalik ang nguso
sa lupang inangkin
dusa na napala
sa matagal na pagtitiim
bagang na nagngangalit
matang nanlilisik
kamaong nakatiklop
yupyop sandaang bahagdan
ng tinipong lakas
sabay-sabay sama-sama
isusuntok iiigkas
sa mata sa panga
sa dibdib sa sikmura
ng nagsamantala
hanggang dugo ang isuka
hanggang sila naman
ang magmakaawa
tama na! tama na!
habang ngiti nati'y
abot-tenga!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento