Martes, Hulyo 5, 2011

GUTOM

Nilulumot
mata ng isipan,
di matantsa ng paningin
malabong pagsinghap
     ng mga pangarap;
sa abuhing kulay
     ng kalangitan
bumahag ang pag-asa
     sa dulo ng bahaghari,
sinalungang pagtitimpi
alimpuyong humaginit
     ang talim ng kidlat,
urak ng pagkurap;
sibad ng sibat
     sa tusong pagkindat
lantak sa himagas
     ng tiyang binundat!

alulong-hinagpis,
bitukang nabuhol
     naulol sa gutom,
ulaol ng busog
     at tiyang masiba,
napanis na laway
     sa kabag ng tuya,
'di marinig ng sikmura
pagsamo ng bulong
sa butas ng tumbong;
huwag magtakip ng ilong
'sing lansa ng dugo
tawag ng tagutom!

1 komento:

  1. naipaliwanag ng maiigi ang dinadaanas ng isang tao pagnagugutom siya at pagnalipasan na. isa tong halimbawa na sumasalamin sa hirap na dinadanas ng mga PIlipino na nghihirap at walang makain dahil sa pagiging biktima ng kahirapan sa ating bansa

    TumugonBurahin