Linggo, Agosto 28, 2011

ANG TULA... TULAD MO...

Hindi ikaw
nauupos na taludtod
sa diwa kong hindi makatulog,
ibulong man sa hangin
ang mga dalangin,
sampu ng iyong tagubilin
     at huling habilin,
namamaybay ang talinghaga
     sa isang kisap-mata,
magtatanong ang kaluluwa
sa pagitan ng mga linya
     at estropa
ng daing at hinagpis
ng galit at pagkainis
ng awa't pagkahabag;
sapagkat,
hindi natin kontrolado
     ang lahat
sa mistikal na mundo'y
     anong silbi ng katawan?
eternal 
     ang apoy ng buhay
dalisay
     ang esensya ng sarili.

kung gayon,
ha'mo na na ang tula'y
     isang takal na hininga,
nilalanghap kung umaga
ibinubuga,
     sa pagkaway ng dapit-hapon
     at anyaya ng gabi;
may silbi ba 
     ang magsisi at isisi
kung lubugan ka ng araw
     sa katanghaliang tapat?
batid ko
     ang pait at saklap ng pagtanggap
ngunit,
     ang tula
     tulad mo
patuloy ang pintig
     ng bawat berso,
patuloy ang pag-inog
     ng mga talinghaga
sa pigura ng mga salita
imahe kang lumalaya't
     mapagpalaya!

2 komento:

  1. Maganda ang komposisyon ng tula. Ito ay ginagamitan ng mga matatalinhagang salita. Sa aking pagkakaunawa, ipinaparating ng tula na ito ay tulad rin natin. Mahirap man unawain ang buhay at kung minsan ay maraming unos na dumarating, Ang tula, tulad natin ay patuloy ang pintig sa bawat berso nito.

    TumugonBurahin