Martes, Nobyembre 8, 2011

SINO'NG SUNOD?

lumukob ang hamog
     sa paligid
nang tumahan ang ambon
     sa 'sang hapon
     ng a kuwatro ng nobyembre;
magdamag ding
     lumuha ang langit
ngunit 'di nagsungit
     ni walang haginit
     ang kalmadong simoy ng hangin.

payapang humalik
     ang mga patak
     sa pisngi ng lupa,
lumabi ang basa
     sa makating talampakan;
nuot sa kalamnan
guhit sa kaibuturan
nangaligkig
nagpanginig
nagpatayo ng buhok
     sa bumbunan.

ngayon,
     lukob ng hamog
     ang paparating na hapon;
ano ang naghihintay sa gabi?
nilulumot ang mata
ng gitla at takot,
ng alingawngaw at putok,
ng balang bumutas sa bungo
     nagpasambulat sa utak!
dahas ang landas
     ng magdamag!
kumukurap ang dagitab
     sa kagyat na pagpatay,
sa 'sang saglit
     na pagpaslang!
namimilog ang buwan
sa karahasan,
sa kabaliwan,
sa kahangalan
     ng nag-aastang harungas!
mga balakyot na anino
isinusuka ng dilim
     ang iyong lagim,
kasing tabang
     ng pananambang
     ang lasa ng ulan;
lagitik ng gatilyo
     ang lagutok
     ng binaling prinsipyo!
bang! bang! bang!
bumulagta kang naghingalo,
     butas ang sintido
     bala ang patong
         sa iyong ulo!

1 komento:

  1. Isang tulang may malalim na kahulugan. Sa unang basa ay hindi ko maintindihan ang ibig ipahiwatig ng tula. Hindi ko maintindihan ang kinalaman ng laman ng tula sa pamagat. Ilang beses ko pa munang binasa ito para hanapin ang sagot, at pagkatapos ng ilang pagbabasa ay humantong ako sa isang konklusyon. Sa aking pagkakaintindi, ang laman ng tula ay ang marahas na pangyayari sa isang tao. Masaklap na pangyayari na sa una ay hindi aakalaing magaganap. At ang pamagat ay nagtatanong kung "Sinong Susunod?". Ito ay nagsisilbing babala sa kung sino man ang susunod na makakaranas ng masaklap na pangyayari.
    Sa kabuuan, ang tula ay isang malaking kontribusyon sa ating literatura. Pinapakita nito na hindi lahat ng bagay ay masaya o nagtatapos sa isang magandang pangyayari. Ito ang totoong buhay.



    Pakitama nalang po ako kung mali ang pagkakaintindi ko sa tula :)

    TumugonBurahin