Martes, Nobyembre 29, 2011

ULUPONG

"be wise like a serpent" - Jesus Christ

Hindi ngingiti
     ang mga anghel
o hahalakhak si satanas
     sa pagtuklaw ng ahas
     sa aking braso;
mapanlinlang  ang talino!
lason itong
     namintog sa sugat
     dumuro sa utak,
kamandag sa dugo
     sumupil sa puso!
'sing talim ng dunong
     tuklaw ng ulupong;
sagitsit ng lason
     ay pumapatay,
     dumudurog
     sa moog at tugatog
     ng kamangmangan!


may dangal ba
     ang baluktot na katwiran?
pitpitin ang dila
     ng nagdilang anghel,
gumanti ng halik
     sa halik ni hudas,
saksakin sa likod
     ang mapagkanulo,
dukutin ang mata
     ng linsil at tuso!


anong dignidad
     ang hindi mabalaho
kung ang utak 
     ay nasa tiyan
at ang bibig ay nasa bulsa!
tapalan ng kuwarta
mata ng hustisya;
tansong katotohanan,
tubog sa gintong
     mapusyaw ang kinang;
hilaw na sinaing,
     nilutong katarungang
     kinulang sa inin!

hindi matutuwa
     ang mga santo,
lalong hindi hahagalpak
     ang mga diyablo!
sa tuklaw ng ahas
     sa aking braso;
oras na magdeliryo
ang talino'y hahanapin
sa dulo ng gatilyo!

1 komento:

  1. Base sa pagkakaintindi ko sa tula, ito ay tumatalakay sa talino ng isang tao na nababalutan o natatakpan ng maling pangangatwiran, nang dignidad na hindi makuha dahil sa ito ay nakatago, talino na hindi mahubog ng maayos o mailabas dahil sa iba't ibang aspeto ng buhay, talino na dahil sa dami ng bumabalot ay unti-unting nawawala at nilalason ng mga bagay bagay sa paligid nito. Sinasaad din dito na kung hindi man makita and dignidad, talino, hustisya, at katotohanan, sa huli ito ay matatagpuan sa dulo ng gatilyo na maaaring ibig sabihin ay maaaring makita sa marahas na paraan kaya sinasabi din dito na kailangan natin maging wais tulad ng isang ulupong o ahas na kung saan ay tahimik lang at nagmamasid ngunit mabangis tumuklaw o lumaban kung kinakailangan.

    TumugonBurahin