Katulad mo,
kapwa tayo sumusuong
sa panganib;
ako,
sa bangis ng kalungsuran
ikaw,
sa dahas ng kanayunan;
magkalayong-magkatulad
ang ating pagitan
ng pananagutan
sa pamamagitan
ng pagmumulat,
pagtitibag
sa nangangalawang
na lipunan.
Katulad mo,
alipin ako ng pananabik,
nasasabik
sa hawak-kamay nating
paggapi ng ligalig;
isang bisig tayong
magkasugpong,
kumakaway,
sa banayad na ngiti
ng bukang liwayway,
dalisay,
alingawngaw ng putok
sa mapulang umaga,
pagpupugay,
sa buhay na nautas
sa pakikibaka...
Katulad mo rin akong
nasasabik;
'di man lingid ang ngilid
ng nag-aapoy na luha;
'di hihilam sa mata
ang pangungulila;
araw man ang binilang,
buwan man ang lumipas,
panahong pinalampas,
dugong 'di maampat
ang ating pagyayakap
dahil ang maglayo'y
pagbuka ng mga sugat
at ang pananabik
ay tamis at asim
ng katas ng dayap
hindi tayo paaawat!
dahil...
magsing-irog tayong naglilimi,
mangingibig tayong nagsusuri,
mandirigma tayong mapagtimpi
ng kirot at hapdi;
paghihintay sa atin
ay pag-asa,
ang pag-ibig sa atin
ay paglaya...!
Naalis ng may-ari ang komentong ito.
TumugonBurahinNais ipamulat ng tulang ito sa ating kaisipan na ang mundo ay isang malaking pagsubok. Sa pagtahak natin sa bawat dako ng lipunang ating kinagagalawan, nariyan at nariyan pa rin ang mga pagsubok na susukat sa yong buhay. Lahat ng tao ay may kanya kanyang suliranin at sa bawat suliraning ito kinakailangan ng sapat na determinasyon at tiyaga sa pagharap ng bawat isa nito. kahit na magkakalayo ang pagitan ng bawat tao, saang mang panig ng mundo tayo naroon andyan at andyan pa rin ang mga pagsubok na susukat sa iyong kakayahan at personalidad. pero paano natin maiibsan ang suliraning kinahaharap ng ating lipunan kung sa bawat kilos at galaw na ating gagawin ay di sumasagi sa ating isipan na may mga indibidwal na maaring maapektohan ng ating mga desisyon. Tao o man ito o hayop, kabilang man ito sa ating lipunan o hindi sila rin ay likha ng diyos at kailangan nating pahalagahan ang bawat likha ng kanyang pagmamahal. Oras na upang iwaksi sa ating kaisipan na di tayo nabubuhay para sa sarili lamang. Ang lahat ng kanyang likha ay nananabik sa liwanag ng bukas na ating haharapin.
TumugonBurahinAt ang tanging liwanag na iwinawaksi nito ay ang pagiging nasyonalismo at patriyotismo ng bawat isa sa atin. Kailangan nating magkaisa upang ang lahat ng suliraning dumating sa atin o anumang hamak ang sumubok sa atin, tayo'y mananatiling nakatayo at taas noong magsasabing ako ay pilipino, ang bawat pilipino ay di pasisiil sa anumang balakid sa kanyang landas. Dahil ang bawat pilipino ay likas na may pagmamahal sa nakapaligid sa atin. At ang pagmamahal na ito ang siyang magdadala sa atin sa malayang bukas na ating kinapapanabikan. Tayo'y magkaisa upang sabay sabay nating haharapin ang bukas na naghihihntay sa atin, bukas na magmumulat sa atin na tulad mo rin akong nasasabik sa pag asang ating minimithi.