Lunes, Abril 1, 2013

"PAGKABUHAY"

Maraming beses akong pinatay,
pinugto ang hininga
sa mga danas
at dahas
ng buhay

matagal na akong kinitil,
sinupil ang singhap
ng paghahabol-hininga
karakarang ibinigti
ang pag-asa
sakal na masasal
na pagtalima
sa bugok na utos
sa pulpol na atas
sa palpak na batas

Gaano kalalim ang kahihimlayan?
katawang inuuod
nabubulok, naaagnas
hindi masikmura
     ang alingasaw
balat at laman
     nalulusaw
     natutunaw
kahit lumabusaw
sa pormalin ang budhi,
walang itinangi't pagtatangi
sa timpi
at sidhi ng muni
     ng tigalgal na kaluluwa.

sa puso,
     naroon ang impiyerno
balot ng apoy ang dibdib
'di masinsil ng usig
'di matinag ng tigatig
ang isipang
inalihan ng demonyo!
hindi matatanto
ng mga kuro-kuro
ang krokis ng mga misteryo
ng isinukang pagkatao
ng sinalaulang dangal
hangal
     ang mag-ulat at magmulat
     ng kapwa bulag
baliw
     ang dilang salitang
     huwad kung mangusap.

huwag mabagabag
sa halik ni hudas,
ang magturo at magnguso 
kapalit ng ginto
ay usal at dasal
     ng maraming kristo
tukso,
     ang pandayan ng prinsipyo
kahit ang banal
     ay may angal
     sa atungal
     ng makalupang katawan.
sinong sasampalatayanan,
kanino ka tatawag,
kung ang diyos sa puso mo'y
     humahalakhak
     nang-uusig
     nanunuya
     nanunumbat
ano ang lahat-lahat
kung wala ka sa sarili?
kung hindi mo mawari
ang sarili bilang ikaw;
ikaw
     na hiwalay
     sa katawan
     isip
     at pangalan
dahil ang pangalan
     isip
     at katawan
ay hindi ikaw
ito'y iyong pag-aari!

ako
     ang katotohanan
     ang daan
     at ang buhay
sa sarili
     nananahan
     ang bawat kisto
ito ay basikong talino
na hindi natanto
na hindi nawari
ng bulag na sarili

mulat bang matatawag
ang tubog sa kamangmangan?
matagal nang dumapo
ang kamatayan
sa naghihingalong ikaw,
sa nasa 
sa pita
ng materyal na katawan
mabubulid
sa siklo ng paulit-ulit
na pagsasalaman.
buhay
kamatayan,
kamatayan
buhay
ikaw
ako
ang sarili
ay mumunting patak ng tubig
sa kalawakan ng sangkaragatan
iba-iba
iisa
ako
ikaw
ang sarili
ang buhay!

1 komento:

  1. ito tulang Pagkabuhay,maaari rin itong tumukoy sa pagbabalik sa isang dating gawain, silbi o gamit ng isang ng isang tao, nilalang, o bagay. Katumbas din ito ng muling pagsilang.
    napakaganda nitong tulang ito kung ito'y iyong babasahin..
    Maraming salamt po.

    TumugonBurahin