Miyerkules, Setyembre 11, 2013

"THE PORK"

Kikilos tayong iisa
sa garalgal na boses ng pagbabago
iisang tinig tayo;
bumulong man o sumigaw,
tumili ng impit o bahaw
madidikdik sa utak
didikit sa balat
sasaksak sa kaluluwa
ang atungal ng 
     mga pagtutol
ng pagkaulol;
sa naglalaway na pangil
     na lumapa
sa leeg, sa dibdib
sa sikmura, sa hita,
sa mapintog 
     na nakaw na kita
nagmamantikang yaman
sa nilantakang kaban
silang iilan
     na nagpasasa
     nagpasarap
     nagkamal
     ng limpak-limpak
ay husto nang maatado
ng masang handa nang
     maging matadero!

1 komento:

  1. Isa po akong mag-aaral at bilang isang mag-aaral dapat po ay bukas ang pag-iisip sa nangyayari sa ating lipunan. Para po sa akin ay maganda po itong tula na ito dahil naaayon ito sa isyu sa ating lipunan. Ipinapahayag nito ang masidhing damdamin na tumututol sa pork barrel.

    TumugonBurahin