nilalamig ang kape
sa sentetikong halumigmig
na dala ng aircon,
at malamyos ang hagod
ng labas ng boses
sa tunog ng microphone,
habang hinahatak ang talukap
ng a las dos ng hapon;
humihikab
sa antok ng panahon
ang kumakalam nang utak
sa pakikinig
ng mga ulat
nang mamulat
sa mulagat
ng pagwawasto't pagtataya!
ano kaya,
at silihan ang puwit;
tumayo, tumindig,
layasan, takasan
ang minsanang pagniniig
ng talino at prinsipyo;
ng prinsipyong nabalaho
sa personal na hangarin...
ano na ang mithiin
na para sa lahat?
sa kung ano ang dapat?
kung alin ang tama,
ang wasto at tumpak?
bulok ang tumalikod
sa banal na paglilingkod!
anong isusulong
ng bayag na umurong
sa takot na magwasto
sa takot na magtama
sa takot na maglinis
ng iniwang dumi?
mas kahiya-hiya
ang kahihiyang
hindi itinama!
kasaysaya'y madadaya
ngunit hindi ang usig
ng budhi at konsensya!
may magagawa ka
ngunit walang magawa,
habang iyong nakikita
at nasisikmura
ang unti-unting pagsakal
ang unti-unting pagpatay
ang unti-unting pagbaklas
at pagwasak
sa uring minsan mong
minahal at binigyang pugay.
pagsasabuhay
ang namamagitang tayutay
sa makata't kanyang tula;
dahil 'ika nga,
hindi lamang ito
punpon ng mga salita,
o bulaklak na pinitas
sa bakuran ng kung sino;
makata kang
may pananagutan
makata kang
may inilalaban
manunulat kang
hindi lang puro dada,
makata kang nakikita
sa mga kilos mo at gawa!
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento