Niyakap ko ang puno
at pinakinggan niya ang tibok ng puso
hinigpitan ko ang yakap
humakab ang balat sa bulas
ng kanyang katawan
huminga ako nang malalim
idinampi ko ang pisngi
sa maaligasgas niyang balat,
nararamdaman ko ang tatag,
ang 'di matinag na ugat
nakalingkis sa lupa
nakakapit sa bato
nakayapos sa mundo;
at ako; tiwalag na elemento
ng sinasabing buhay,
humihinga ngunit patay
balot ng lumbay
ang naliligaw na sarili
sa artipisyal na ligayang
nilalasap ng katawan,
hangal ang nagsasabing
tangan niya ang kalayaan,
ang palalong biro ng namimilog
na buwan ay halakhak
sa insulto ng kabaliwan!
Matagal ko nang nalimot ang sarili,
at ngayon yakap ko ang tatag
ang tikas at ang bulas;
nakakanlong sa malabay
na sanga at dahon,
naghihintay ng takdang panahon
upang mamintog
sa likas na pagkahinog;
at kung walang pumitas
at sa lupa ay mahulog
hindi na rin masamang
lantakan ng uod.
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento