Martes, Agosto 1, 2017
FILIPINO, PILIPINO, PILIPINAS
i.
Filipino, Pilipino, Pilipinas
wika, lahi't bansa
itong matatawag
ugat-kaluluwang
doon nakalimbag
ang saysay at diwa
ng liping marangal!
liping nakitalad,
lahing nakibaka,
wikang siyang budhi
ng pagkakaisa,
wika, lahi, bansang
tinig ay pag-asa
ng bayang ang hangad
ay maging payapa.
ii.
Wikang Filipino!
wika ng lahing marangal;
wikang magbubuklod
sa ka-Pilipinuhan,
kaya't susumpain
silang mga hangal
na sa kasaysaya'y
bumigti
sumakal
sa wikang minahal;
patayin ang wika
ay batas at atas
ng iilang ungas,
tagahimod-tumbong
bentador ng laya
isang kataksilan...
na kung ipatupad
lahing Pilipino'y
sa kapahamakan tiyak
masasadlak,
madilim ang bukas
ng lahing ang dila'y
ibinartolina, hindi makapiglas!
iii.
Ngunit,
ang wika ng bansa'y
wikang nakibaka!
kolektibong lakas
ang nag-ipun-ipon
ang nagkawit-bisig
ang nagsama-sama,
dagundong ng yabag
ingay-alingawngaw
martsa sa kalsada;
ang igkas-kamao
ngitngit ng pagsulong
sa mga protesta!
Niyanig ng sigaw
at ng panawagan,
"ang wika, ang bayan,
ipaglaban!"
iginilgil ito nang walang atrasan,
at hindi sumuko
nang 'di mapakinggan!
walang takot,
buong tapang
na nagsulong
nakisangkot
upang bigyang dangal
wikang binusabos
handa lagi kaming
suungin ang gusot,
upang ipagtanggol
wikang pinuntirya
ng mga balakyot!
iv.
Sapagkat,
ang wika ng bayan
ay armas at lakas,
Wikang Filipino
ang hahasang talim
sa minsang pinunggok
na dunong at utak;
at Filipinolohiya
ang larang at galing
sa sikhay ng isip
tungo sa pag-unlad,
dahil bayan tayong
may kultura't tatak
wika nati'y
patuloy sa pag-usad
pumipintig sa ugat
bukal ng dugong
bumubulwak...
yumayabong
sumusulong
lumalawak!
v.
Filipino
Pilipino
Pilipinas,
Wikang nakibaka, lahing nagkaisa
bayang ninanais ay maging
payapa!
wika, lahi, bansa tayong
punung-puno ng pag-asa
sumusuong
nagtatanggol
lumalaban
bumabangga ng harapan
sa harang ng mailap
na kapayapaan!
Filipino
Pilipino
Pilipinas
Wikang kaluluwa
Lahing mararangal
Ang bayang magiliw!
Perlas ng silangang
'di na pasisiil!
Ang wika
Ang bayan
anuman ang hilahil
ay 'di na palulupig
hindi na pasisikil!
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Naalis ng may-ari ang komentong ito.
TumugonBurahinNapakahusay niyo po Sir. Nagliiyab ang bawat salita. Maaari po ba naming hiramin ang piyesang ito para sa gaganaping sabayang pagbigkas sa aming paaralan? Maraming salamat po.
TumugonBurahinMaaari Ms. Jennifer Santos... "ang Tula ay tulad ng tinapay... ito'y para sa lahat..."
TumugonBurahinAnu ba ibig sabihin ng tula na ito? Para mas ma intindihan ko po
TumugonBurahin