Martes, Oktubre 20, 2020

SONETO SA TAG-ULAN

Nanunuot sa 'king balat ang lamig ng mga patak
nitong ulan kung bumuhos ay para bang mga sibat
sumisiksik sa kalamnan, sumusurot sa ulirat
ang kaligkig sa katawan ay kuryenteng 'di paawat.
Supilin mo ng 'yong yakap ang katawang giniginaw,
darangin mo sa 'yong init nang ang lamig ay malusaw,
pabayaang sa kandungan ay tuluyang mabalahaw
upusin sa pag-iinit nang ang lamig ay matunaw.
Kung tupukin at tuluyan na mag-alab ang katawan
at hindi na magpaawat ang katawang nadadarang
ay salamat sa pagbugso at lugso ng pagmamahal
yakap kitang basang-basa sa maapoy na tag-ulan!
ang tigatik ng tag-ulan na naghatid ng kaligkig,
ang s'ya ngayong nagpakilig sa puso kong umiibig.


10/20/2020

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento