Miyerkules, Setyembre 12, 2012

DAHIL WALA NANG IBA...


Dahil walang iba,
anong mahihita
ng katawang
butas ang sikmura
dinurog ang buto
pinulbos ang puso
dinikdik ang utak

tayong umusal sa langit
    ng dasal at mga dalit
nagtiis ng hinanakit
    pinagkaitan ng pag-ibig
ibinulid sa pasakit;

silang walang masilungan,
silang yagit sa lansangan,
silang mga ninakawan;
     ng ari-arian
     ng karapatan
     ng puri
     ng buhay 
     ng pagkatao

tayong mga inabuso,
tayong mga inapi,
tayong mga mahihina;
     kaya sinasaktan
     tinatakot
     dinudukot
     pinapatay
     nililibing nang buhay
     ginagahasa!
    
dahil wala nang iba
dapat nga lamang
     busalan na ang konsensya,
piringan ang budhi
bulagin ang mata ng kaluluwa,
upang ‘di na maawa
nang ‘di na masawata
ang apoy ng nag-aalimpuyos
     na damdamin.

dahil wala na ngang iba;
dahil wala nang iba!
kolektibo nang magpasya,
bukas ang paanyaya…
halika,
sumama,
makibaka!
tayo nang mag-alsa!

1 komento:

  1. "dahil wala na ngang iba"
    noong una ay akala ko ay patungkol sa pagibig ang tulang ito ni arlan camba. kung kaya't nang binasa ko ito ay nahirapan akong itugma ito sa kaisipang ilang araw nang nabuo sa aking isipan. nang matapos ko ito nang isang beses ay saka ko napagtanto na patungkol ito sa ibang bagay. kung kaya't napagpasyahan kong basahin ito nang isa pang beses upang mas lalo kong maunawaan ang ibig nitong sabihin.
    "wala na ngang iba.." ang ano? sino? mga katanungang iniisip-isip ko. wala na ngang iba bukod sa katangitanging mga kababayan nating pilipino. tayo mismo at wala na ngang iba. mga butihing lahi mula noon hanggang ngayon ngunit may ilang tila naligaw nang landas.ito ay ang mga kababayan nating pinalad na umangat sa buhay o iyong mga tinatawag nilang "class A" na mga pamilya.kinabibilangan lamanito ng mga nagyayamanang pilipino na madalas nga ay nasa ibang bansa na namamalagi at bihira na lamang kung umuwi sa sariling bayan. halos hirap nang bigkasin ang sariling lahi at pinalaki ang mga supling sa dayuhang paraan. wala na ngang iba. sila na. sila na tila ba tinalikuran na ang sariling pinagmulan at yumakap na ng ibang kagawian. na syang naging dahilan ng kanilang pagkabulag sa tama at mali. sa tunay na kahulugan ng pagpapahalaga at hindi. at sila mismo, mga kapwa sariling dugo natin ang natuto nang magmataas at syang umaalipusta sa ating mga kababayang mahihirap lamang di tulad nila. wala na ngang iba bukod sa mga walang labang mamamayan nang pilipinas ang nagtitiis sa pagaalipusta, pagsasamantala ng mga mapagmataas na matang ito. mga naghihirap at nagpupursiging umangat din sa buhay ngunit wala silang ibang napala kundi ang saktan, laitin at alisan ng karapatan ng mga nakatataas sa kanila. tinatrato na parang hayop at kala mo'y pagaari nila sa kaisipang binabayaran nila ang mga ito. wala na ngang iba. ngunit sa kabila nang lahat nang ito, pagpapahirap, pangaapi at pagtanggal nang karapatan ay nagagawa parin nating maging matatag at manatiling nakatayo sa lahat nang oras. marunong lumaban at pantay magisip. nangingibabaw parin ang dugong bughay, ang dugong mapagmahal at may malasakit.. NAG DUGONG PILIPINO. dinudurog man ang sikmura sa kawalan nang makain, dinudurog man ang mga buto sa pagkakayod para sa pamilya, binubulagan man ang sariling mga mata sa tama at mali, sa huli ay mangingibabaw parin ang ugaling nakasanayan at ang ugaling naipasa pa sa ating lahat nang ating mga ninuno. tao. wala na ngang iba kundi mga PILIPINO.

    TumugonBurahin