Sabado, Enero 7, 2023

ANG BULAKLAK NG SAGING

Tiniba
ng magdamag na ulan
ang puno ng saging;
kasamang nalaglag sa lupa
ang puso nito,
at walang kamay
na nakasalo;
napakalungkot;
kung maaga lamang 
nagdeklara nang walang pasok
hindi sana nilalamon
ng panghihinayang,
ang binansot na pamumukadkad
ng mga bulaklak
sa nandarahas na ulan.

01/07/2023

ATRAS

Ngayo'y binibilang
ko na ang mga hakbang, 
hindi papalayo sayo
kundi papalapit sa akin.

Oo, sa akin,
pagkat mabigat ang 
yapak ng pagtakas
at 'di kinaya ng binti
ang bigat ng kaluluwa;
mantsa sa na lang sa alaala
ang mga nunal
sa talampakan; kaya pabalik
ang aking hakbang
nang makita ang mga mintis 
sa maagang pagtalilis.

01/02/2023
 

Huwebes, Enero 13, 2022

SA IKATLONG ARAW NG BAGONG TAON

 Nakapangyayari
hiwaga ng ihip
mula sa 'yong bibig


umampat ang sugat
humilam ang hapdi
natuyo ang langib.

Ngunit,
kay sarap kutkutin
at saka kalkalin
kiliti ng kati habang naghihilom;
kahit na magnaknak
bumalik ang sugat

kahit maimpeksyon.
hiwag ng ihip
mula sa 'yong bibig
ang magpapampat,
titikom sa labi 
ng alaala mong
nagpanganga ng sugat.


0/03/2022

Sabado, Nobyembre 20, 2021

SABADO

 May mga araw

 na kinapapanabikan –

 dumating sanlaksang galak

matapos upusin

ng pagod ang mahinang

katawan at malamyang

utak.

 

 binabatak ang oras

 sa pananabik

upang iwanan ang bagahe

ang lahat ng pasan-pasan

at yakapin ang biyaya

ng paghupa

ng pagpapayapa

sa isang madaling-araw

ng Sabado

ay kalmado;

kalmadong

kalmado.

 

 

                                            

Huwebes, Nobyembre 11, 2021

DAHIL AKO'Y NATATAKOT

 

Tinatamaan din ng peste
ang linya ng mga tula,
hahamunin ang pagiging makata
sa tudla ng malamyang talinghaga;
katulad ngayong kinukutkot ng takot,
tinatanong ang silbi’t katuturan
walang pumapansin,
bumabasa sa himutok ng kalooban.
 
ano ang tula
sa mundong ito ng pandemiko?
tanikala lamang ito
sa mukha ng katotohanang
hindi matanggap-tanggap
na ganun kadaling saklutin ang buhay
nang ‘di makita-kitang kalaban.
 
anong silbi ng talinghaga
            sa bangis ng pandemya?
hindi gamot linya ng mga salita,
estropa lang ng takot ang pigura
            ng dulas ng dila,
pagkukulong sa saknong
ang buladas ng pagtakas;
lahat tayo’y bumabahag din ang buntot
sa madilim na pangako ng hinaharap,
wala sa tula ang buhay
hindi buhay ang tula
lahat ay ating iiwan
lahat ay ating iiwanan 
 kahit pa ang pinakamagandang tula!


Martes, Setyembre 28, 2021

"PAGTATAKIP"

Kung paano sinasalo

ng batya

ang mga tulo

sa bubong

ay gayundin

sinasagka, sinasangga

ang naipong pagkakamali.


Mahirap nang mabutasan

matalas ang patak

at tigatik

ng sibad ng tubig

sa lumuluhang langit

pagtatakpan 

ang pagtangis

kahit impit

ang langitngit

ng niyuyurakang bubong.


 

Sabado, Oktubre 31, 2020

"BAGYO"

 Kung nagbabadya ang lakas ng hangin;
hindi kukurap ang mata ng bagyo
sa gusto n'yang daanan,
sumisipol ang bugso ng hininga
sa daan-daang kilometrong lakas
ng kanyang usad at hampas,
mabagal ngunit mapangahas;
katulad ng sama-samang mga yabag
daluyong ng dagat 
lansangang nag-aaklas
hindi maawat-awat
hindi matibag-tibag
lakas itong bumabangga sa pader!
maso itong bumabayo sa poder!

10/31/2020