Martes, Agosto 23, 2016

HUGIS BALA ANG BUTIL NG BIGAS

tamnan ng bala
    gutom na sikmura
solusyon ng gobyernong
    walang ipakain
    walang ipalamon
    sa bitukang nag-aalsa gutom;
sinungangang tingga
   sa bibig ng protesta
   ang nagpasambulat sa utak
   nagpasabog ng bungo
   nagpabulagta
   sa katawang umaamot ng awa,
   upang mairaos
   kalam at kalampag
   ng nagwawalang bituka.

mumo ng kanin
    ang basyo ng bala;
butil
     ng naghihingalong hininga
lumalanghap
     masangsang
     malansang amoy
     ng dugo at pulbura
nasa dulo ng gatilyo
    ang pulpol na sintido;
kampon ng balasubas
    na estado  
ang pagtratong di makatao
ng inutil na gobyerno;
'di malimusan ng bigas
     inuutas!
kamatayan
     sagot sa kagutuman
     ng bitukang nagbabarikada,
silang nagsasaka
silang nagpupunla
silang naglilinang
     ng natuyo
     nababaog na lupa
     ang pinaulanan ng bala...
walang habas
marahas;
     agunyas ang pagpulas
     ng mga katawang
    gustong makaiwas
sa punlong walang sinasanto
     walang sinisino!

niraratrat ng bala
katawang tumitindig,
pagkakawit-bisig
     ng paninindigang
     sumisigaw sa gutom
ang ibinabaon sa nakatutulig
na galit at paghihiganti!

naghuhugis bala na
    ang butil ng bigas,
nahihinog na
     ang natatanging oras
upang hilamusan ng dugo
     ang karit at araro!

Biyernes, Agosto 28, 2015

WIKA AT BAYAN... IPAGLABAN!

Dinggin...
hinaing ng lahing
     binaon ng buhay,
may wika at bayang 
     pinaggutay-gutay,
pinagtiyap-tiyap
     ang puri at dangal
ng mga salaring
     harungas at hangal.

di ba't kahangalan
lantarang ibenta
    ating kasarinlan
at ipagahasa
     ang likas na yaman
sa dayong dayukdok
    na mamumuhunan
at magpakasasa
     sa kaban ng bayan
     ang linta't limatik
     sa pamahalaan!

anong saysay ng pag-unlad?
     pagkabansa'y malilimot
     at tuluyang itiwalag
nang malambat sa pangako
     ng ilusyon at pangarap!
harap-harapang
     pagpapanggap,
hayag-hayagang
     panglilinlang
sagad-sagarang
     kasinungalingan!
pinamukhang panloloko
pambibilog ng sintido
panggagago't panggagantso
lantarang pagyurak
    sa pagka-Pilipino

Pag-unlad bang matatawag?
wikang binabansot,
dilang kinakapon
sambayanang hilahod na
     sa tiyak na pagkagutom;
wikang pinapatay
bayang kinakatay
bansang inatado
     tinadtad ng buhay!

sa wika;
kaunlara'y masisipat,
ngunit wika pagkinitil
     huwad lamang ang pag-unlad
kapag wika'y yumayabong
      sambayana'y umuusad,
ang paghakbang ay pasulong
walang saysay ang makupad!
wikang watak-watak
bayang wasak-wasak
patak-patak na pangako
     ng biyaya ng pag-unlad!

dilang binusalan
nilolokong sambayanan
mamamaya'y may katwirang
     bumalikwas at lumaban!
salitang matatalas
utak na mapurol
kaunlara'y mapanlinlang
     sa dikta ng asong ulol!
soberanya ng bayan ko
     kung hayaang maulaol,
anong uring bansa tayong
     mas higit pa sa masahol!

Ipaglaban...
     Wika at Bayan
bawat isa'y may tungkulin
na magtasa ng katwiran;
Wika't Bayan... Ipaglaban!
ito na ang panahong
     bawat isa'y manindigan!
Filipino... Ipagtanggol!
      wika nitong lahing
      ang dangal ay kinulapol!

Pilipinas... bayang magiliw!
     dinaluhong ka nang gutom
     at labis na pagkabaliw!

Husto na...
      oras na...
      tama na...!
nasa atin ang pagpapasya!
mag-organisa...
     makisangkot...
           magsama-sama...
kawit-bisig tayong
     magmamartsa sa kalsada
     sisigaw tayong tinig ay iisa;
     wikang mapagpalaya,
     wika namin ay protesta
     huwag matakot!
     huwag matakot!
     makibaka!

Miyerkules, Pebrero 18, 2015

NA S'AN SILANG MAGIGITING?


na sa’n sila?
silang ang bingit ng hininga’y
ikinalso sa protesta
na ang tapang
ay sing init ng aspalto
ng kalsada,
nakikipaggirian,
nakikipagmatigasan,
nakikipagbanggaan,
prinsipyong
‘di matinag ng kung sino
paniniwalang
‘di matibag ng estado

na sa’n silang magigiting?
na sa’n silang ipinako
ang layunin
na makapaglingkod
na makapagmulat
na makapaghayag
sa masa’y masidhing
nagpapabalikwas;
upang magsulong at isulong
ang pambansang pagbabago;
kahit magbubo pa ng dugo
kahit sumabog pa ang bungo
sa pakikipag-angasan
sa pakikipagbangasan
sa pasistang estado;
walang sinisino
ang kanilang tapang
sa ngalan ng sinasabing
pambansang kapakanan!

na sa’n na ba sila?
na sa’n na nga silang naghahasik,
nagbibinhi ng butil
ng paghihimagsik;
na sa’n silang pumupungos
ng sungay ng demonyo?
upang maibsan ang kalbaryo
ng masang inginudngod
sa pagdarahop

ng mga manggagawang
baluktot na ang gulugod
ng mga magsasakang
alipin pa rin ng araro
ng mga estudyanteng
ginawang mangmang at bobo
mga pamilyang walang matirahan
mga biktima ng kawalang katarungan!
na sa’n na ba silang kumikilos
at nagpapakilos?
silang lagi’t lagi’y nariyan
pasulong kung humakbang
kolektibo kung lumaban
walang inaatrasan,
walang inuurungan

na sa’n na ba sila?
sa ‘sang panahon
ng pagdududa,
sa ‘sang panahon
ng pagdadalawang isip,
kanino’t saan  kami kakapit?
kung silang magigiting ay wala na;
isinanla ang tapang,
binusalan ng kuwarta,
umurong na ang bayag,
bumahag na ang buntot,
naduwag!
dahil ang prinsipyo
ay mayro’ng katapat
posisyon para sa disposisyon,
pera ang halaga ng dangal,
lahat ay mayro’ng kapalit
bayad-utang sa pananahimik!

na sa’n silang magigiting?
sa’n sila hahanapin?
kung tuluyang nagpalamon,
nagpakain,
sa bulok,
nakasusulasok na sistema;
ano’t bahagi na sila
silang dati ay kasama
ngunit ngayo’y kumukubra
ng paldo-paldong kuwarta
kumapal na ang bulsa
habang manhid ang konsenya,
tagabenta
ng pambansang kapakanan,
namuhunan ng talino at tapang
para lokohin ang bayan!
silang mga salanggapang,
silang prinsipyadong oportunista,
silang bolero ng masa;
magilas sa boladas
ng panlilinlang,
masterado ng kawalanghiyaan,
doktorado ng kasinungalingan,
sila na dapat na asahan
silang dapat na maglingkod
ang siya ngayong
nagngunguso
nanduduro
ng karapatan
ng kapakanan
ng masang dapat
pinaglilingkuran!

na sa’n silang  magigiting?
sila na bang lumulunok ng kahihiyan
sa pansariling kapakinabangan?
kung ganito na ang magiting,
ihatag,
ilatag
sa hapag ng pambansang piging
ang isang malawakang
pagwawasto’t pagtitining!





Lunes, Enero 19, 2015

FRANCISCO: ORGANIKONG BANAL

organikong kabanalan
o diyos naming mahabagin;
ang humipo sa puso
     ng maraming mga dukha,
kumalabit sa konsensya
ng naghahari-harian,
kumaldag sa dibdib
ng nagbabanal-banalan...
Francisco,
alagad ni Pedro,
buhay na bato ang puso mo
sa mga wala,
tagapastol ng nanlilimos
      na kaluluwa
ng mga pinagkaitan,
ng mga kinalimutan,
ng mga nakikiamot
sa kakapiranggot na piraso
     ng pag-asa...
isinusulong mo'y pagpapakumbaba
mamuhay sa kawan 
     ng mga aba
silang iilang mga pinagpala
upang maunawaan
upang maintindihan
ang landas na nilakaran
       ni Hesus
silang matagal nang 
      ibinabayubay sa krus,
nagpapasan ng kalbaryo
ng inhustisya at kahirapan,
silang lugmok
     sa kabusabusan,
danasin,
hinaing ng mga walang-wala
upang makita
upang madama
upang kumilos
upang mapaglimi ang kalooban
        ng mga naghihikahos
nang masundan kabanalan,
        ng Diyos nating manunubos
anong asta ng mga lobo
sa kawan ng mga tupa?
anong trato ng malakas
sa aming mga mahihina?
Santo Papa 
         Pastol ng mga Aba,
patawarin mo po sila,
basbasan mo po kami
kung dugo na ang iluha
        naming mga api!

Biyernes, Enero 9, 2015

ISANG PIRASO NG PANGAMBA

ano itong sumusurot sa isip?
nang maalimpungatan
ang orasan
sa a las dos ng madaling araw,
gumising na basa ng luha
nang tangkaing itago
sa antok
ang pangamba at takot;
sinisisi ng alalahanin
ang kahinaan ng loob;
kung bakit ngayon pang
umiksi ang kumot
ay saka nagkumahog
na harapin ang mga pagtitiis...
ngayo'y mapang-usig
ang 'sang piraso ng pangamba,
matalim ang sumbat
sa konsensya
hinahabol ng orasan
panghihinayang
sa ngumingising panaginip;
halakhak ng bangungot
sa baluktot na katwirang
dumadagan sa dibdib
muntik nang malunod
sa 'sang basong tubig,
walang binatbat ang kayabangan
sa angas ng nandudurong
pagpanaw...
hindi ka handang mag-isa;
ayaw mong magpaiwan
hindi mo kakayanin
nang walang katuwang...
kung ganun;
kabawasan bang siya
ay samahan?
aanhin pa ang damo
kung patay na ang kabayo?
kung ang iiwanang pasakit
ay magiging latay sa kalabaw...!

SANA'Y MAY PULANG NAZARENO

ilang laksang taong
     namata;
humalik sa paa ng itim
     na kristo
at sumabay sa alon
     ng tao;
ng milyun-milyong deboto
na handang magsakripisyo
at sama-samang
     pumila
     humila
     nagpatirapa
     nakipagbalyahan
     nakipagtulakan
     nakipagsiksikan
umuwing paltos ang talampakan
o di kaya'y nabalian;
silang mga nahimatay
nawalan ng malay
hanggang halos ikamatay,
maabot lamang at mahaplos
     sa andas ang kristong
     bumabayubay sa krus;
upang kahit paano'y makaamot
ng konting himala
     at pagmimilagro;
upang papaano ay mabago
ang kapalarang mas madalas
     ang malas kaysa sa asenso;
dinggin ang kanilang panalangin;
     ang mga hinaing
     mga personal na hiling;
     ilayo sa tukso
     iligtas sa delubyo
     manalo sa lotto;
kahilingang suntok sa buwan
panalanging malayo
     sa katotohanan.

hanggang saan
      ang tatag ng pananampalataya
upang malasap
      ang pangako ng kaligtasan?
hanggang saan
      ang hangganan ng mga
      sakripisyo
upang maantig ang puso
ng maraming kristo?
ang mamanata ba
     ay katiyakan ng katubusan?
sana lang...
sim bilis ng labing walong oras
ang sagot sa kahirapan
sing lapit ng mahabang lakaran
ang tugon sa sandamakmak
     na kahilingan...
hindi sa Quiapo
magtatapos ang traslacion
bawat hakbang ay pag-ungos
      ng pambansang pagsusulong
huwag manahan sa puso
ang bulong ng pag-iilusyon
yakapin ang sigaw
      ng sinasabing rebolusyon!

Lunes, Hulyo 21, 2014

KUNG ANG WIKA AY WIKA NG PAGKAKAISA...

i

Kung ang wika
     ay wika ng pagkakaisa,
wika itong magbubuklod
     sa organikong masa,
wika itong humihinga,
wika itong kaluluwa,
ng kung sino
     at ano ka,
sa diwa’t pagkabansa.

ii

Kung ang wika
     ay wika ng pagkakaisa;
wika itong
     inuusal
     binibigkas
     sinisigaw
sa bukid at kaparangan,
sa tayog ng kabundukan
sa lalim ng karagatan
sa lawak ng kalawakan
wika itong maririnig
wika itong isang tinig
      ng kolektibong damdamin
      kolektibong hangarin
      kolektibong layunin
isang sipat at pagtingin
      sa pangarap at hinaharap
wikang mag-uugnay
      sa maaliwalas na bukas

iii

Kung ang wika
      ay wika ng pagkakaisa,
wika itong umaayon
      sa kumpas ng pag-unlad,
wika itong sumusulong
      hindi umuurong,
wika itong umuusad
hindi dila’t kaisipang
      mapangwasak;
wika itong mapagbuo
pagkat wika ng dunong
      at talino                     
wikang intelektuwal
      at moderno
Filipino
      sa agham at teknolohiya
Filipino
      sa kultura’t politika
Filipino
      sa ekonomiya’t agrikultura
Filipino
      sa larangan ng medisina
Filipino
      ang karunungang bayan
Filipino
      ang pambansang kamalayan
Filipinolohiya
      ang sining at siyensya
      ng pambansang kaunlaran!

iii

Kung ang wika
       ay wika ng pagkakaisa
bakit ito tinitiwalag sa masa?
lantarang pinapatay
tahasang sinusupil
buong puwersang sinisikil;
ng komisyon at institusyong
       walang sintido-komon,
katwirang  mga pulpol
isipang mapupurol;
higit pa sa kamatayan
        ang ibinabang hatol
        ng C.M.O no. 20!
Ito’y lubid na pambigti
        sa wikang sarili;
pamitpit ng dila
pambansot ng utak
pampunggok ng rason;
                                               
kautusang ikinumpas
        ng kung sinong gunggong;
na ang dunong
        ay oryentasyong
        tagahimod-tumbong
        ng dayong kaisipan!
anong uri ito
        ng kalapastanganan
bansang malayang
        naturingan;
wika’y pupulutin
        sa kangkungan!

iv

Kung ang wika
        ay wika ng pagkakaisa,
wika itong nagbabadya
        ng mga pagtutol
wika itong hindi puro tango,
minsa’y umiiling;
        sa ‘di tamang gawi
        at ‘di pantay na pagtingin;
wika itong kumikiling
        sa wasto at nararapat
wika itong tumitindig
        sa kung ano ang dapat,
wika itong sa ‘sang sambit
        ay magpapakilos,
at lahi tayong
        hindi dapat binubusabos;
wika itong nagdudugtong-dugtong
        nagkakabit-kabit
        nagdidikit-dikit
        nagkakawit-bisig
                  sa ‘di matibag na barikada
pagkat wika
         ay wika rin ng protesta
pinag-iisa
nagkakaisa
hindi kanya-kanya
isang tinig, isang tindig
          ang yabag ng mga paa
iisang panawagan
          sa parliamento ng kalsada
                                               
huwag matakot!
makibaka!
kumilos!
lumaban!
pingkian ng mga tunggalian
kiskisan  ng mga katwiran
Filipino ay wika ng pagkakaisa
Pilipino ay magkakaisa
          para sa inaasam na paglaya!