hindi antak ng sugat
ang magpapakirot sa damdaming
pinanday ng panahon,
at hindi rin hamog
ang magpapaalsa sa tigang na lupang
inuhaw ng ambon,
lalong hindi halik
ang magpapaalab sa mga labi kong
nanlamig sa ngayon;
sa mga sandaling nag-iisa tayo,
dinadama't pinadama
ang tibok ng bawat puso,
ang bulong ng damdamin ay
kapwa natin pinupulso;
sinusukat
tinitimbang ang ligayang
panakaw pa kung matamo.
hindi sugat,
hindi hamog,
hindi halik,
ang magpapahupa sa mga damdaming
may bugso ng init,
kaluluwa ka ngang
pinira-piraso ng luha't pag-ibig
muling nabubuo
kung nakahilig ka
sa tahip ng dibdib;
ikaw'y kaluluwa
na pinag-aalab
sa tamis at pait,
at pinagliliyab
sa patak ng luha
at ng panlalamig...
kaluluwa ka ring
lilikha ng sugat
at makapananakit,
na aariin kong
kirot sa magdamag
sa aking pag-idlip!
kaluluwa ka ring
TumugonBurahinlilikha ng sugat
at makapananakit,
na aariin kong
kirot sa magdamag
sa aking pag-idlip!
ito yung phrase nag struck sakin dahil napaka malamn nung talinhaga and you can feel the hurt by just reading it and when you merely understand this. its nice somewhat expressing one's emotion.. kwento ng hinanakit