Biyernes, Abril 22, 2011

PABASA 2011

Hango sa Pasyon ni Mariano Pilapil

(Paghahantad sa mukha ng nag-aastang mga diyos at panginoon)

     O diyos na diyus-diyosan
d'yos na walang pakundangan
diyos na ayaw may kapantay
malupit lubhang magulang
bakit kami'y kinukulam?

    kami'y anak na tibobos
nakasadlak sa busabos
kahirapang 'di matapos
bakit kami'y nakangudngod
sa asal mo na balakyot?

     tirik na ang aming mata
sa gutom at penetensya
ano't kami'y ginigisa
sa sarili naming taba
walang puso na maawa?

     daming birheng matimtimang
itinulak sa putikan 
kinalakal ang katawan
sa labis na kahirapan
hubo't hubad pinagsayaw.

     nganinganing binuyangyang
ang angkin n'yang kapurihan
kung may pera'y matitikman
ulaulin ang katawan
sa maghapon, gabi't araw.

     pinuhunan ang alindog
nang sikmura ay mabusog
puri't dangal ay nalagot
bakit iyong niloloob
diyos kunong mapag-imbot.

     daming niño na anak mo
ang laman ng bawat kanto
sumisinghot ng kung ano
nagdudurog, naglalango
'di naantig ang puso mo.

     natitiis na pagmasdan
ang patpatin na katawan
kapag tiyan ang kumalam
kakalkalin basurahan
"pagpag" ang s'yang lalantakan.

      anong pusong 'di kikirot
sa katawang namaluktot
kung ang lamig ay nanuot
kinaligkig, nilamuyot
dyaryo't karton itong kumot.

     ano't iyong tinitiis
na sa dusa ay ibulid
anghel silang mulang langit
pagdurusa at pasakit
ito baga'y iyong ibig.

     walang inang nag-aruga
walang amang kumalinga
walang puso na naawa
kapalara'y nakasangla
sa limos at alimura

     diyos ka nga bang talaga
balatkayong doble-kara
sa harapan ay maganda
ngunit kung tumalikod na
may buntot na't may sungay pa.

     nuknukan ka ng talino
manggagantso't lubhang tuso
sambayana'y ginagago
ilan na ang inulol mo
ibinulid sa impiyerno.
      ilang Joseng magsasaka?
ilang Pedrong manggagawa?
hanggang ngayon ay timawa
silang bumuhay sa madla
ang 'sang kahig, isang tuka.

     ilang ektaryang sakahan
sapilitan na kinamkam
magsasaka'y inagawan
kapirasong matatamnan
na kanilang kabuhayan.

     diyos ka ngang matalino
dakila kang manloloko
kamangmanga'y inabuso
nilunod mo sa pangako
ng repormang pang-agraryo.

     ang sumpa mo'y hindi tapat
reporma mo'y pawang huwad
tuso ka nga't mapagpanggap
gagawin ang lahat-lahat
nang gusto mo ay matupad.

     kaya mo ngang magpapatay
kung sinuman ang sumuway
binabaon mo nang buhay
kung wala na at kinatay
sino pa ngang magsasaysay?

     ilang ama ang nawala
ilang ina ang lumuha
ilang anak, naulila
ilang bubong dugo kaya
ang ititigis sa lupa.

     o, diyos kang palamara
ganid pa at mandaraya
tubo mo ay laksa-laksa
pupugtuin ang hininga
ni Ka Pedrong manggagawa.

     bali na nga ang gulugod
nangalirang pa ang tuhod
sa maghapon na pagkayod
ang lakas ay nilalabnot
nitong diyos na sumakyod.

     hindi ka n'ya tinantanan
hindi ka n'ya tinigilan
parang walang kapaguran
nang ikaw na ay suwelduhan
kulang pa ang kabayaran.

      ito ba ay makatao
diyos kunong abusado
'di magdagdag ng umento
para-parang inabuso
humihingal na kabayo.

     ang ngiti mo'y ngiting aso
kumakamal ka ng tubo
habang subsob si Ka Pedro
labis-labis ang trabaho
utang nama'y lampas-ulo.

     araw-araw ang hinaing
pa'no nila titiisin
ang pataas na bilihin
kung saan hahagilapin
ang kaunting makakain.

     sadsad na sa kahirapan
ang mahal kong Inang Bayan
ano't hindi tinigilan
dinayukdok, nilantakan
ang iwi mong kayamanan.

     naghasik ka ng panganib
takot, lagim na malupit
diyos kang puso ay bulisik
pinanawan ka ng bait
sa asal mong anong bagsik.

     tinanggal ang karapatan
ang bibig ay binusalan
pinadukot ang sinuman
na nag-astang nagmatapang
pihong sila'y papapatay.

     'wag magsabi ng totoo
matuto kang magsikreto
itikom mo ang bibig mo
kung 'di ka makalaboso
sasambulat ang utak mo.

     pinanahan ng ligalig
ang bayan kong iniibig
bayag dito'y pinipitpit
ang leeg ay ginigilit
masisira ang 'yong bait.

     hindi kayang ilarawan
ng payak na katinuan
ang sanlaksang kabalbalan
doon, dito ang nakawan
eskandalo'y nariyan lamang.

     kaya ngayon sabihin mo
diyos ka nga bang totoo
sumpain ka ng anito
laplapin ang katawan mo
at tigpasin pati ulo.

     ang ulo ko'y naturete
parang manok nangupete
nag-ahit na ng bigote
nawalan pa rin ng silbi
ang singit ko'y nangangati.

     hindi dapat ipagpuri
ang linsil mong mga gawi
ang dami mong inaapi
magtika ka at maglimi
buong puso na magsisi.

     huwag mo nang hintayin pa
sumambulat at mag-alsa
ang galit ng mga masa
'pag sila na ang nagtakda
wala ka nang magagawa.

     ang lahat nang kalupitan
ay dapat mong pagbayaran
ayon sa hatol ng tanan
isasakdal, huhusgahan
ayon sa 'yong kasalanan.

     kaya nga at ngayon pa lang
tanggapin na'ng kasalanan
kapag ikaw'y hinusgahan
karakarang matitikman
balikwas ng sambayanan.

    at hindi mo malilirip
ganting-balik na malupit
ang lupa sampu ng langit
dadaigin ang haginit
ng lintik na nagngangalit.

    kaya ikaw na ulupong
nag-aastang panginoon
dinggin ang aral ng Pasyon
kapag masa ay ginutom
kolektibong magbabangon!


***wakas***
























1 komento:

  1. I think, this poem of Mr. Arlan Camba is a representation of what's really happening on some parts of the Philippines. A representation of those people that we can say corrupt, that has the power over the society. Ang mga taong umaabuso sa karapatang pantao ng sambayanan. At ang mga taong iyon ay ang mga pulitiko. Hindi man lahat sila ay 'corrupt', pero ang isang pulitikong tiwali sa pag-asenso ng bayan ay representasyon ng pulitika sa kabuuan. Kaya dapat, sana magbago na ang mga ganoong klaseng pulitiko kapag ang bayan na sumigaw ng hustisya, dahil hindi sa lahat ng oras, hindi 'assured' ang kailang posisyon kapag buong sambayanan na ang kanilang kalaban.

    TumugonBurahin