Biyernes, Abril 1, 2011

SA UNANG PAGTATAGPO

sa unang pagtatagpo;
tiningnan lang kitang
'di man lamang sinipat
ang 'yong pagkatao;
gaya ng awiting kinapa ang tono
sa kuwerdas ng gitarang nagsisintonado,
sa panginginig ng daliri kong
     namamasma na,
ang katauhan mo'y pilit kong tinipa.

ikaw nga ang mali kong

     akalang ikaw;
tingin ko'y mahirap kang
     panimbangan
sukat na ikaw'y pangilagan
nang 'di na muling maramdaman
ang antak ng pagsesentemiento't
     kahangalan;
tatapatin kita.
kita'y aking minamasdan
hindi lang sa balintataw
ng aking panagimpan;
pagkat ang totoo
dapat lang mabatid mo
nakikita kitang nakikinita kong
tayong dalawa'y magtatagpo.

at 'eto tayo ngayon,

nagpalagayang loob
kung ihilig mo ang 'yong ulo
sa aking balikat,
at ang palad ko'y madarang
sa init ng 'yong palad;
aling puso ang hindi huhulagpos,
     di magwawala
sa gaya mong nabilanggo na
sa kandungan ng iba!


kung sabagay
ang pagtatagpo natin
ay gaya ng pagkatisod sa usling
bato ng pagkakataon;
sa aki'y pangungulila ang lumambong
sa iyo'y bunga lamang ng ilusyon;
at ang panghihinayang
kung maramdaman man
ay huhupa rin at kakalma
kung kapwa natin gagap
ang salitaan ng ating mga mata.


itinuring akong kaibigan,
'yan ay gusto ko;
at sana'y gustuhin mo rin
ayon sa niloloob mo...
sapagkat,
'yan ang dapat...
kung AKO ay AKO 
na iyong tinanggap;
asahan mo;
ituturing kitang 
     espesyal sa lahat!

1 komento:

  1. panis, parang hindi naman sir 15 years ago pa toh, prang kelan lang e...wla pa rn nagbago sa mga bokabularyong ginagamit ninyo, astig p rn...

    ---nkakabakla ka sir,ligawan mo ako oh, sasagutin kta agad, ang lupet amp

    TumugonBurahin