Martes, Agosto 24, 2010

AT ANG KATULAD MO...

at ang katulad mo'y
talinhaga sa tula ng gabi;
matamang minasdan
ang 'yung kaakuhan
at dinuro ang nagitla
kong kaluluwa;
at ng ikaw ay mangusap
nagsumidhi ang taludtod
ng pantasya,
sa gitna ng tingarong
realidad;
kumakapit,
bumabaon,
kumakagat,
ang pangil ng iyong
panulat...

Lunes, Agosto 2, 2010

BARIKADA NG MGA BITUKA

'sim pakla't 'sing asim
ng bubot ng indian mango
ang gutom na nalikha
sa hilab ng aking sintido

kalayaan,
ang sigaw ng kamalayan
rebolusyon,
ang dikta ng aking tiyan

papaano maiibsan
ang sanlaksang paghihirap
sa litanya at orasyon
ng kabag ko at bagabag?
inutil na ang comfort room
kung wala ng maitae
ang sikmurang laging gutom,
puro hangin ang laman
lunok-laway ang panawid
sa sikmurang kumakalam;
bakit 'di na lang karnehin
ang pusang napisak
sa sagasa ng trak?
masarap 'tong adobohin
nang sa gayu'y may makain,
lagi na lamang bang
magdidildil ng asin?

isang kahig, isang tuka,
isang tuka, puro awa,
iniluha'y puro awa
ang kinita'y puro luha;
kalansing ng barya
sa limusang lata,
isinanlang kaluluwa
por kilong ligaya!

kahirapa'y inukit
ng kasaysayan!

lapis na walang tasa
bolpen na walang tinta
'sim pula ng gumamela
ang pagtanaw sa pag-asa,
'sing lapot ng dugo
ang pakikibaka
sa barikadang nakahantad
sa Hacienda Luisita,
masaker sa Mendiola
rali sa kalsada
abre siete bawat bisig
kontra poder at sistema.

ang api ay hindi laging api,
kahit tanungin mo
ang mga batang kalye
sa kanila'y may langit din
ang pagsinghot nitong ragbi;
manhid ang isip
manhid ang tiyan
sikmurang kumakalam
walang matinong kaisipan
sa masang binaliw ng kahirapan
masa ang lilikha ng sariling
kasaysayan!

Huwebes, Hulyo 15, 2010

WAITING SHED

sinusupil ng paghihintay
ang pagmamadali;
sa dako pa roon
ng lugar na iyon
kumakaway sa antabay
ang oras at panahon,
sinusubok ang hinahon
sa laro ng mga pagkakataon.

nagtitimpi ang binti
sa naglalamay na ngimay
ng mga ugat;
dagdag bigat sa lupa
ang hindig ng tindig
ng nagngangalit na kaluluwa,
ikaw...
na istruktura ng pasensya
kahibangan ang libangan
ng hinintay at nag-abang
hanggang kailan,
hanggang saan,
itatakda ang panuto
nitong imbing kapalaran?
may protesta sa lansangan
baligtaran ang balangkas
ng hilahod na lipunan! 

Sabado, Hulyo 10, 2010

"MAGIC"

ibinistay sa ilusyon
ang nagitlang mga mata;
haka-hakang kinabaka
ng magulat sa dalumat
ang bigla mong pagkawala,
'di mahanap sa apuhap
kung saan ka nagpunta
'di makita sa hinagap
ang nadurog na gunita

'di ka man lang nagpaalam;
nang humilam sa paningin
ang biglaang pagkaparam
huwag naman...
huwag naman...
nakatitik, nakatatak
sa lapida ng labanan
sumipot kang sementado
sa loob ng isang dram!

SANTOLAN STATION

sa umaga,
ang bibig ay tanikala
ng mga salita
kawing-kawing na talinghaga
ng makinang nagluluwa
ng tiket sa paglalakbay,
tayutay ng buhay
ang maghintay at mag-abang
mga puspos ng paghangos
ang bigat ng bawat hakbang


at kung gabi,
mga paa'y iuunat
sa elipse ng pangarap,
hindi tuldok kundi kuwit
ang talunton ng paghikab;
ang antok ay tila batong
nakadagan sa talukap
dumuduro ang pagpikit
sa budhi ko at ulirat


sa istasyon,
bawat isa ay katulad
ng nagkalat na palito,
isiniksik, nagsalansan
ikinahon sa posporo,
nagpayao't nagparoon
nagparine't nagparito,
kapurula'y sungki-sungking
ikikiskis sa prinsipyo.

CHOPPING BOARD

dumila ang hiwa
     sa iyong katawan,
sinalag ang talim
     nang tadtarang balat
kahit anong talas
     ay 'di masugatan
tarak sa kalamna'y
     walang makatalab...

pinain sa usig
     at purol ng sumbat
kaya kalooba'y
     nagkasugat-sugat!

Huwebes, Hulyo 8, 2010

NAPKIN

"isang buwan
     akong naghintay
upang salubungin
     ang iyong pagdalaw
nagyakap ang bugso
     ng luha at dugo
bumiyak sa dibdib
     ang sumpa't pangako...



maghihintay ako

     kahit kailan pa man,
kahit pagdating mo'y
     walang katiyakan!"