Martes, Setyembre 28, 2021

"PAGTATAKIP"

Kung paano sinasalo

ng batya

ang mga tulo

sa bubong

ay gayundin

sinasagka, sinasangga

ang naipong pagkakamali.


Mahirap nang mabutasan

matalas ang patak

at tigatik

ng sibad ng tubig

sa lumuluhang langit

pagtatakpan 

ang pagtangis

kahit impit

ang langitngit

ng niyuyurakang bubong.


 

Sabado, Oktubre 31, 2020

"BAGYO"

 Kung nagbabadya ang lakas ng hangin;
hindi kukurap ang mata ng bagyo
sa gusto n'yang daanan,
sumisipol ang bugso ng hininga
sa daan-daang kilometrong lakas
ng kanyang usad at hampas,
mabagal ngunit mapangahas;
katulad ng sama-samang mga yabag
daluyong ng dagat 
lansangang nag-aaklas
hindi maawat-awat
hindi matibag-tibag
lakas itong bumabangga sa pader!
maso itong bumabayo sa poder!

10/31/2020




Martes, Oktubre 27, 2020

PILIPINO ANG LAHI KO


Ang pagmamalaki ay laging taas-noo
sa lahi, sa bayan, sa kulay ng balat ko
dugong magigiting tapang ang silakbo
sigaw ng damdamin ay Nasyonalismo.
Pag-ibig sa bayan, duon nakaugat
hangaring mabago bansang hinahamak
tagal nang panahong gusto'y makakalag
tanikalang saklot, imbing paghihirap.
Katungkulan nating mga mamamayan
ugatin problema ng ating lipunan
nang maging bahagi nitong kamulatan
sa pagbabalikwas ng lahing marangal.
Mag-aral, mag-ugat, magwasto, matuto
makamasa't makabayang edukasyong siyentipiko
ang lunsaran nitong lahi na binansot ang talino
at patungo sa lipunang may dangal at makatao...!

10/26/2020

Martes, Oktubre 20, 2020

SONETO SA TAG-ULAN

Nanunuot sa 'king balat ang lamig ng mga patak
nitong ulan kung bumuhos ay para bang mga sibat
sumisiksik sa kalamnan, sumusurot sa ulirat
ang kaligkig sa katawan ay kuryenteng 'di paawat.
Supilin mo ng 'yong yakap ang katawang giniginaw,
darangin mo sa 'yong init nang ang lamig ay malusaw,
pabayaang sa kandungan ay tuluyang mabalahaw
upusin sa pag-iinit nang ang lamig ay matunaw.
Kung tupukin at tuluyan na mag-alab ang katawan
at hindi na magpaawat ang katawang nadadarang
ay salamat sa pagbugso at lugso ng pagmamahal
yakap kitang basang-basa sa maapoy na tag-ulan!
ang tigatik ng tag-ulan na naghatid ng kaligkig,
ang s'ya ngayong nagpakilig sa puso kong umiibig.


10/20/2020

Sabado, Oktubre 17, 2020

NANG KIT'LAN NILA NG BUHAY ANG ISANG KERUBIN

Nang kit'lan nila ng buhay
ang isang kerubin,
umiyak ng apoy ang langit;
lagablab ang ngitngit at galit
sa sulok - puso ng inang tumatangis.
Mailalarawan ba ang hapdi?
inang ikinarsel sa pangungulila
sa anak na hindi mayakap
sa bunsong hindi mahagkan;
ang pagkawalay ay porma
ng pagpatay,
ang malayo ay anyo
ng pagkatay
sa kerubing umuut-ot sa puklo
ng mainit na dibdib ni nanay.
Kaya, nang kit'lan nila
ng buhay ang kerubin,
umiyak na ng apoy ang langit,
tutupukin tibay ng dibdib
ng berdugo at ganid,
hindi nila unawa ang pag-ibig,
hindi nila batid kumukulong galit,
hindi nila tanto ang bagsik ng ngitngit;
balasik ng inang namatayan,
tapang ng babaeng
nagtatanggol sa bayan!
10/17/2020

Miyerkules, Oktubre 14, 2020

"BISITA"


Kung binibihag ka
ng alas dose y media ng gabi
at nakaselda sa tapang
ng mainit na kape,
maitataboy ba ng hindi pagtulog
ang sumpang hilakbot ng mga bangungot?

Nakabuntot ang mga alalahanin
sa siwang ng nag-aabang na bukas,
tanghod ang mga tala
sa pinatay na pangarap,
luksa ang dilim na lumalatag
sa magdamag; nakapikit na bangkay
ang itim na mga ulap;
tumatabing sa pinagkait na langit
ng dustang kaluluwang
salagmak sa lupa.
 
Kung maitataboy ng  hindi pagtulog
ang sumpang hilakbot ng mga bangungot;
ilalapat ko ang bibig
sa labi ng tasang may kape,
hihigupin ko ang init,
titiisin ko ang pait,
hahayaang mapaso ang dila
       nang magising ang diwa
sa pag-antabay at paghihintay
sa ‘di inaasahang bisita;
magnanakaw na ayaw magpakita
        ayaw magparamdam;
at sa pamimintana ng kaluluwa
sa matang durungawan,
sana’y nakangiti akong inaantabayanan
ang pagyayakag mo
         nang tuluyang iwanan
ang materyal na katawan…!
                                   
                                    
10/11/2020

 

Linggo, Oktubre 11, 2020

LAMBITIN

Bistado ng ngiti
ang tinik sa puso,
lunan ng pagpapanggap
ang lutong ng halakhak -
bulahaw ng namuong agam-agam
sa mata ng kaluluwa -
natigalgal akong 
tinitingala ka,
lalambi-lambiting
unat ang mga paa

09/27/2020