Sabado, Oktubre 10, 2020

ZOOM

 'Sing layo ng pagkatuto
ang aking pag-iral,
walang talamitang puso
ang virtual na paglagak
ng talino sa 'king utak.

Kinakapa ng daliri a
ang tiklado ng keypad
habang hinahanap
sa sikmura ng monitor
ang mukhang nilamon
ng pag-aatubili;
otorisadong tinig sa 
aking pandinig
ang pumapatay sa dating 
ingay ng klase;
pinipipi ng mute icon
ang aking kadaldalan,
wala nang halakhakan
wala nang malusog
     na pagtatalamitan
parang hangin lang na dumaan
    ang karunungan.

08/27/2020




Miyerkules, Marso 4, 2020

SA'YO NA TUMALON MULA SA ROOFTOP NG ISANG EDIPISYO

Sa'yo na tumalon sa mula sa
     rooftop ng isang edipisyo;
nagbutil ng pawis ang noo ko
nang mapanood kang 
     lumagapak ang katawan sa lupa;
lumipad ka sa hangin
nang walang pakpak,
sumisid sa alapaap
bumitiw sa pangarap,
pinaalpas sa palad
     ang bigat ng buhay.

Sinalo ka ng lupa!
lasug-lasog
durug-durog
ang buto mo't katawan;
ano ang huling sigaw
ng pumiglas na utak
habang hinihila ka
     ng puwersa pababao mong?
lantay ang dugo mong
dumilig sa lupa,
pisag-kisay ng katawan
ang huling sulyap ng pagsisisi.

Duwal ng sikmura
     ang gimbal ng kamatayan,
nangalirang ang tuhod
sa dagok ng pagkabigla;
at ano ang nahita
     sa tawag ng pagtakas?
lumipad ka sa langit
nang walang pakpak,
bigat ng lagapak
ang hambalos ng paghahanap ng pag-asa
     kumapit ka sa talim-kalawit
ng pagpugto ng hininga
     dilat ang mata mong
iniwan ang katawan 
at sa balintataw mo'y
'di mo pa rin tangan
     ang iyong kalayaan

02/29/2020







Miyerkules, Nobyembre 6, 2019

BARIL AT TULA


Tumutula rin ang baril,
ratatatat ng armalayt
ay dila ng apoy
na bumubutas ng katawan!
ang bala ay tula
na walang sinasanto
lalo at tangan pa ng estado
ang kalawit-kalabit sa gatilyong
iniumang sa sentido;
sumasargo ang himaymay ng utak
sa sumabog na ulo;
tudla sa tama ng bala
ang nabuwal na katawan,
tigmak sa dugo ang takot
ng nag-aalimpuyong galit
bumabahag, buntot ng katarungan
'pag tumula ang baril!

Tumutula rin ang baril, 
lagitik, kasa ng kwarenta y singko
ay sagot sa tula
          at tugunang berso;
kaya't pasintabi sa estado, 
kung armas ng makata
          ang kanyang pagtula;
rapido ng talinghaga
ang uhaw sa katarungan
ng tunay na lagay ng bayan
sa kamay ng mga salanggapang! 
kalawit-kalabit din
          ang kanyang panitik, 
urirat ang tula
           sa dinadagang dibdib, 
panggising-ulirat
         sa lupaypay na isip, 
pampakulo ng dugo
ang apoy ng mga berso, 
umaalmang gulugod
ang lagutok ng mga taludtod, 
pulbura ang tula
         sa lipunang hilahod!

kaya, 
iumang man, nguso ng baril
sa bibig ng makata
         ng kawawa kong bayan;
'di mabubusalan,
bibig sa pananahimik;
makikipagsabayan sa bilis ng gatilyo, 
ang apoy ng berso, tulang progresibo;
talunton-taludtod ay rebolusyunaryo!

Miyerkules, Mayo 29, 2019

"MOVE ON"

sapagkat nalilibang ang mga paa,
may pulso ang talampakan
sa paghinga ng lupa; gumagapang
singaw-init ng kalsada
sa buhol ng bituka
at kalam ng sikmura;
hindi alintana kiskisan
ng nag-aapoy na tiyan
o ang hagibis ng pusong
kumakabog; tibok ng nakaririnding
pagtakas sa alat ng buhay.

dahil, bawat hakbang ay paglimot;
paglaya, paglayo sa usig
ng nakaraan; pagsalunga
sa kalakaran; pag-ismid sa
gawi't kinamihasnan;
sumbat ng nag-aamok
na alaala ang pagsulong
ng mga paa; bitbit ng binti
ang bigat ng pagmamadali
upang di masukol sa pighati
ng inaasahang paghihintay.

kaya... tara..!
huwag nating lingunin pa
ang nakangising kabiguan;
tatawanan lang tayo
ng kawalang pag-asa,
'sing lutong ng halakhak
ang dagok ng himutok
sa katulad nating naging
konsumido, problemado,
nabilog ang ulo,
hindi na natuto
sa ilusyon at pangako
nilang nagsasamantala;
ang paghakbang ay pagpapasya!
ang unang panuto
sa daan ng ligaya!

Sabado, Mayo 11, 2019

"MY MIGHTY THOR"

Mga balang bumabagsak
ang patak ng ulan;
at ang lupa ay katawang
nakalungayngay, duguang
winakawak, pinulbos ng pulbura.

Bendisyon ng gutom
singasing ng alimuom;
sa lansa ng sumambulat na dugo
nagkanal sa gatla ng katawan
ang kumukulong mga pawis;
langis, sa engranahe ng mundo,
puwersang nagsusulong ng pagbabago.

Itaas mo
itaas mo sa langit
ang bigat ng iyong maso,
at hayaang magmapa ang ugat
sa kalamnan ng iyong bisig;
walang kidlat na kikindat
sa himpapawid,
ngunit sapat na
ang tinging mababalasik,
mata ng naipong ngitngit
ng bumabalikwas na masa;
saka mo bayuhin nang ubod lakas
ang dibdib ng lupa
ng masong pupulbos,
dudurog sa mga moog,
wawasak sa tanikala,
hanggang magpanday
tayong muli ng lipunang malaya.



05/01/2019

Miyerkules, Marso 27, 2019

PAGTATAMPISAW

Nagtuturo ang amihan
ng  katiyakan;
nang minsang itala mo
sa paglalapat ng ating
mga balat ang 'di 
maipaliwanag na pagtingaro
ng ating mga balahibo.
Mainit ang hanging
ibinubulong ng punong
kabalyero; gumagapang
sa punong tenga mo,
napapapikit kang yumayakap
sa bisig na sanga
ng punong talisay; ngunit
yupyop sa malabay 
na kumot ang daot 
ng pag-aalala sa ating
pagtatampisaw.

Wala ka nang itatala
sa buwan ng Abril,
at inangkin na ako 
sa sumpang binitiwan
ng unang ulan ng Mayo;
at ang delubyo ng Hunyo,
Hulyo at Agosto ay mananalasa;
ngunit may pangakong iniiwan
ang ngiti ng Setyembre.
At anong aasahan
pagtuntong ng Oktubre? 
muling susulpot ang amihan
upang iparamdam ang halik
ng sinasabing paghihilom!

Martes, Hulyo 3, 2018

ISANG HAMON: SALIKSIK-FILIPINO

     Sinalok na dunong sa talinong bayan
inugat sa lahi ng liping may dangal,
karunungang bukal ang nananalaytay
dugong kayumanggi, Perlas ng Silangan.

     Binaybay ang wika, baybaying panulat
hanggang Filipino'y naging mapagmulat
marangal na wikang laging nakapakat
sa likas na dunong ng liping marangal.

     Dangal nitong lahi'y, wikang mapagbuklod
Filipino itong hindi mapagbukod
talino ng bayan, pasulong-pasugod
hindi atrasado, nais mapabantog.

     Lipi, lahi tayong likas na magaling
na dapat aralin at dapat suriin,
lente ng saliksik ay sa wika natin
Wikang Filipino ng bayang magiliw!

     Pagkat wika ito na wika ng agham
at iba pang tayog nitong karunungan
Filipinolohiya ang dunong ng bayan
ugat sa saliksik ng bayang minahal.

     Wikang Filipino, wikang mapagmulat
kung sariling atin ang unang inugat,
at ipagmalaki sa mundo... sa lahat!
ang galing ng lahi na maiaambag!

     Wika, lahi tayong hahakbang pasulong
na tinatanganan ay malayang dunong
makaagham, makamasa, makabayang edukasyon!
Saliksik-Filipino ang tunay na hamon!