Lunes, Abril 4, 2011

TEYBOL # 2

ang batid ko'y isa lamang
na hindi ko matanggihan
ang sandaling hanapin ka't
     mapagmasdan
at igugol ang oras ko sa inuman...

walang panghihinayang
walang pagsisisi
walang kontrol ang sariling
sa iyo'y nahirati;
gustuhin ka'y gusto ko rin
ibigin ka'y isang sampal sa akin!
"kung bakit?" ay 'di ko masabi
may kaba pa ang dibdib ko
na hindi ko mapagwari.

sa tingin ko'y masarap kang mahalin
ang tingin ko'y masarap kang maglambing
kung sa pag-ibig mauuwi
ang espesyal na pagtingin
sa tingin ko'y kapwa tayong
may damdaming paluluhain.

ito'y isang pagtatapat
nang gaya ko sa gaya mong
     kumiliti sa ulirat;
wala akong ibang hangad
walang halong pagpapanggap;
kung ang hapdi ng nagdaa'y
naro'n pa rin sa hinagap
hayaan mong 
gamutin ko, gamutin mo 
ang naknak ng ating sugat!

TEYBOL #1

hindi ko malaman
     kung sino ka?
kung kita'y pagmasdan
hindi ko matingkala
ang iyong pagkatao;
sa kaanyuan mong
binalutan ng kahiwagaan
kung kita'y titigan
ninanasa-nasa kong makaulayaw,
     mapanaginipan.

ang sulyap mo'y
     isang katanungan;
kung ang mga mata'y
magkadaupang-palad
at ang mga titig ay magkawing
    sa isang panig,
hinahanap ko ang bagay
sa likod ng iyong pag-iisip;
mga ngiting hindi mamagkano
pumipingkaw sa kaluluwa ko,
manipis mong labi'y
humahaplos sa aking kaakuhan
at kung ako'y iyong titigan
ng mga ngiting may kaaskaran
maniwala't dili'y
"pinitik-pitik" ang aking
     katauhan!

KATEYBOL

siniil ng halik
ang araw na itong
tigib ng himutok;
at gumanti akong
walang alinlangan
sa 'king niloloob,
natunaw sa titig
ang aking damdaming
nag-aalimpuyos
ang bawat yakap mo'y
simula ng aking
saya't pagkalimot.


ito ang sandali
     ng pagsisimula
ng bagong pag-irog
kakanlong sa titig
yakap at halik mo
ang dusta kong loob...

Biyernes, Abril 1, 2011

SA UNANG PAGTATAGPO

sa unang pagtatagpo;
tiningnan lang kitang
'di man lamang sinipat
ang 'yong pagkatao;
gaya ng awiting kinapa ang tono
sa kuwerdas ng gitarang nagsisintonado,
sa panginginig ng daliri kong
     namamasma na,
ang katauhan mo'y pilit kong tinipa.

ikaw nga ang mali kong

     akalang ikaw;
tingin ko'y mahirap kang
     panimbangan
sukat na ikaw'y pangilagan
nang 'di na muling maramdaman
ang antak ng pagsesentemiento't
     kahangalan;
tatapatin kita.
kita'y aking minamasdan
hindi lang sa balintataw
ng aking panagimpan;
pagkat ang totoo
dapat lang mabatid mo
nakikita kitang nakikinita kong
tayong dalawa'y magtatagpo.

at 'eto tayo ngayon,

nagpalagayang loob
kung ihilig mo ang 'yong ulo
sa aking balikat,
at ang palad ko'y madarang
sa init ng 'yong palad;
aling puso ang hindi huhulagpos,
     di magwawala
sa gaya mong nabilanggo na
sa kandungan ng iba!


kung sabagay
ang pagtatagpo natin
ay gaya ng pagkatisod sa usling
bato ng pagkakataon;
sa aki'y pangungulila ang lumambong
sa iyo'y bunga lamang ng ilusyon;
at ang panghihinayang
kung maramdaman man
ay huhupa rin at kakalma
kung kapwa natin gagap
ang salitaan ng ating mga mata.


itinuring akong kaibigan,
'yan ay gusto ko;
at sana'y gustuhin mo rin
ayon sa niloloob mo...
sapagkat,
'yan ang dapat...
kung AKO ay AKO 
na iyong tinanggap;
asahan mo;
ituturing kitang 
     espesyal sa lahat!

Linggo, Marso 27, 2011

UNAN

nakasubsob
     lungkot
          tigib ng pagluha,
mahigpit
     yapos
          ng pangungulila
ang lambot-banayad
    sa darang ng pag-iisa,
supilin ng yakap,
     ningas ng himaymay
     sa nauupos na kaluluwa,
sidhi ng natutuyong
     lalamunan
ibsan,
     uhaw ng deliryong
          katawan.

Sabado, Marso 26, 2011

LANGIS AT BANGIS

pinagpalang anak ni Allah
gintong dugo ang pumipisag
kislot sa mga ugat
at dibdib ng kalawakan
     ng disyerto.

nanggigitata
sa langis at bangis
     ng pagpuksa
ang taimtim na dalangin
     ng mga muslim,
itim ang kuko
     ng mga maninila,
huwad ang pangako
     ng paglaya
habang umiipot
ng tingga ng pagsabog
     at pagpuksa
ang umuusok na tumbong
     ng mga agila.


ilang muslim pa ba ang masasawi
upang pagsasaan sa supsop
ang utong ng gitnang silangan
ng mga damuho't salanggapang?
sasairin nila hanggang
     huling patak;
huwag kang papayag!
batid ni Allah 
     ang iyong pagtangis,
ang luha mo'y lumalagablab
     na langis,
ipatikim ang iyong bangis!

Biyernes, Marso 11, 2011

BIERNES SANTO


makulimlim ang ulap
sa naglipanang tutubing-kalabaw
at ang katanghali’y nilalagnat
sa init ng araw;
habang humahangos ang maghapon
sa pag-usal ng orasyon,
lumalambong ang itim na aninong
nangangadyi sa panahon.

urong na ang dila sa kadarasal
ng mga misteryong
pinagmisteryuhan;
habang mataimtim na nagpakabanal
naghuhugas kamay
            sa mga kasalanan
tapos na ang hirap
ng penetensya
sa pagbabanyuhay sa kinakalbaryong
            krus ng pagkadusta;
muling magbabangon sa pagkatirapa
at papaghilumin ang sinugat-sugatang
            kaluluwa.

ang koronang tinik
na isinuob sa tuklap na anit,
ang latay sa likod ng mga hagupit
wala nang puwang pa upang magtiis
sa pagkataong ginula-gulanit;
‘di lamang katawan
dugong nanuyo na’t niluray na laman
ang ipanunubos
sa niyuka-yukayok na tanan
‘pagkat wala sa krus at sa pagpapako
            ang katubusan
ang mahal na araw ay ipupunyagi
            ng paglaban!

at kung humapon na’t
            sumapit ang a las tres
hindi lang panunubos
            kundi paniningil
ang santong araw ng Biernes!