Lunes, Setyembre 17, 2012

ANG MAGHINTAY

pinamukadkad ng madaling araw
ang bulaklak ng a las cuatro,
matapos magluksa
nang mahabang panahon
ang pahina ng kalendaryo
nang mawala kang parang bula;
walang anu-ano'y
bigla kang iniluwa
ng nahihintakutang dilim,
pumapaso sa 'king mata
ang 'yung anino,
kasabay ng kabog ng dibdib
naririnig ang bulong at pintig
ng damdaming pinakaba
ng labis na pananabik.

isang linggo, isang buwan, halos taon
nabusalan ang bibig
ng mga balita,
ni walang matang nakakita
o bibig na magnguso
kung saan ka naparoon;
mula noon...
bawat gabi ay malutong
na hagupit nang walang
katiyakang paghihintay,
at ang dilim ay mga piring
sa pag-asa ng diwa kong
nalulumbay...

may ibinubulong ang mga kuliglig
sagitsitang tila sigaw
sa diwa kong namamanhid,
alitaptap sa paningi'y
munting silab sa gunitang
nag-aapoy at himagsik,
mga luha sa mata ko
ay asidong lumulusaw
sa galit at hinanakit.

ang maghintay
ay mistulang kamatayan,
umaasang nariyan ka
ngunit hindi mahawakan,
buti pa ang hanging
minsang magparamdam,
ang tulad mo'y katauhang
nababahaw sa langitngit
ng kawalan...
sumisigaw ngunit dahop
ang dinggin ka't mapakinggan.

ilang beses na bang
sinumbatan ang gabi?
dinuruduro ang mga bituin
sa pag-aalalang tuluyan
kang hindi na makapiling;
at ang iyong pagdating
ay simula lang nang walang
hanggang pamamaalam...
nang walang hanggang paghihintay,
nang walang humpay na pakikihamok
sa mga kulata ng mga
tagulaylay at lungkot.

magdamag kong binabata
ang mga pagbabanta
ng umaalimbukay na amoy
ng dama de noche;
hindi mapipigil ang kamatayan
ngunit hindi nangangahulugang
ito na ang katapusan,
matagal nang pinamamanhid
ng labis na paghihintay
ang iyong pagkawala;
at ang pagsulpot mo
ay katok sa hagok
ng limot kong gunita;
malapit na ang sinasabi
mong paglaya,
malapit na...
dahil sa pagitan
ng mga pinatay at mga naulila
may dayalektikang inuusal
ang pakikibaka!

Huwebes, Setyembre 13, 2012

ANG DAPAT...


Dapat…
     ang tula
     kapag bumabanat,
talinghaga’y hindi laging
     gomang binabatak;
o lotion
     na pampahid sa balat,
hindi laging banayad;
dapat sumusugat,
dapat tumatarak!

ang tula
kapag magmumulat;
ang dapat
     sa salita’y
     may bayag,
hindi titi
     na titigas-tigas
o lampang salitang
     nag-aangas-angas!
hindi kinakapon
     ng ilusyon
o dilang salitang
     humihimod-puson;
dahil ang tula’y
pagsasalsal ng prinsipyo;
at bawat makata’y
tingarong tarugo!
     umuulos tayo’t
     bumabayo…
upang magbuntis
     ng pagbabago!

Miyerkules, Setyembre 12, 2012

DAHIL WALA NANG IBA...


Dahil walang iba,
anong mahihita
ng katawang
butas ang sikmura
dinurog ang buto
pinulbos ang puso
dinikdik ang utak

tayong umusal sa langit
    ng dasal at mga dalit
nagtiis ng hinanakit
    pinagkaitan ng pag-ibig
ibinulid sa pasakit;

silang walang masilungan,
silang yagit sa lansangan,
silang mga ninakawan;
     ng ari-arian
     ng karapatan
     ng puri
     ng buhay 
     ng pagkatao

tayong mga inabuso,
tayong mga inapi,
tayong mga mahihina;
     kaya sinasaktan
     tinatakot
     dinudukot
     pinapatay
     nililibing nang buhay
     ginagahasa!
    
dahil wala nang iba
dapat nga lamang
     busalan na ang konsensya,
piringan ang budhi
bulagin ang mata ng kaluluwa,
upang ‘di na maawa
nang ‘di na masawata
ang apoy ng nag-aalimpuyos
     na damdamin.

dahil wala na ngang iba;
dahil wala nang iba!
kolektibo nang magpasya,
bukas ang paanyaya…
halika,
sumama,
makibaka!
tayo nang mag-alsa!

Biyernes, Marso 9, 2012

KUPASING MAONG

nagninisnis na
ang pantalong maong
na hinabi ni Ka Gusting
magsasastre;
tatlong taong hinubad-sinuot,
hinarabas nang walang takot
sa paglalagalag sa naghihimulmol
na panahon;
gapok na ang liston,
gatlang pinalalim
ng pagkakataon...

tastas na ang laylayan,
ang sinulid ay nasnas na
sa kapangahasan;
sa pagliliwaliw sa kung saan,
sa pag-iwas sa kalakaran,
sa pagtutop sa lipunan,
tahi-tahing kaisipang
dumupok sa karanasan.

wala nang tingkad ang kulay,
pinangupas ng kabalintunaan
sa buhay;
tahing doble-pasada
unti-unting nagugutay,
ang tahi sa sinturera
unti-unting naluluray;
ni sa pangungupas
ay 'di na makilala ang tatak
ng pagkakakilanlang eteketa!

kupas na nga ang maong
na hinabi ni Ka Gusting;
gaya nang pangungupas
ng aking pagkatao;
ng kinamulatan at kinalakihan,ng takbo ng isipan,
ng likaw ng bituka
at kulay ng hasang...

natatakot akong bukas makalawa
na ang sarili ko ay 'di ko na makilala!

Martes, Nobyembre 29, 2011

ULUPONG

"be wise like a serpent" - Jesus Christ

Hindi ngingiti
     ang mga anghel
o hahalakhak si satanas
     sa pagtuklaw ng ahas
     sa aking braso;
mapanlinlang  ang talino!
lason itong
     namintog sa sugat
     dumuro sa utak,
kamandag sa dugo
     sumupil sa puso!
'sing talim ng dunong
     tuklaw ng ulupong;
sagitsit ng lason
     ay pumapatay,
     dumudurog
     sa moog at tugatog
     ng kamangmangan!


may dangal ba
     ang baluktot na katwiran?
pitpitin ang dila
     ng nagdilang anghel,
gumanti ng halik
     sa halik ni hudas,
saksakin sa likod
     ang mapagkanulo,
dukutin ang mata
     ng linsil at tuso!


anong dignidad
     ang hindi mabalaho
kung ang utak 
     ay nasa tiyan
at ang bibig ay nasa bulsa!
tapalan ng kuwarta
mata ng hustisya;
tansong katotohanan,
tubog sa gintong
     mapusyaw ang kinang;
hilaw na sinaing,
     nilutong katarungang
     kinulang sa inin!

hindi matutuwa
     ang mga santo,
lalong hindi hahagalpak
     ang mga diyablo!
sa tuklaw ng ahas
     sa aking braso;
oras na magdeliryo
ang talino'y hahanapin
sa dulo ng gatilyo!

Martes, Nobyembre 8, 2011

SINO'NG SUNOD?

lumukob ang hamog
     sa paligid
nang tumahan ang ambon
     sa 'sang hapon
     ng a kuwatro ng nobyembre;
magdamag ding
     lumuha ang langit
ngunit 'di nagsungit
     ni walang haginit
     ang kalmadong simoy ng hangin.

payapang humalik
     ang mga patak
     sa pisngi ng lupa,
lumabi ang basa
     sa makating talampakan;
nuot sa kalamnan
guhit sa kaibuturan
nangaligkig
nagpanginig
nagpatayo ng buhok
     sa bumbunan.

ngayon,
     lukob ng hamog
     ang paparating na hapon;
ano ang naghihintay sa gabi?
nilulumot ang mata
ng gitla at takot,
ng alingawngaw at putok,
ng balang bumutas sa bungo
     nagpasambulat sa utak!
dahas ang landas
     ng magdamag!
kumukurap ang dagitab
     sa kagyat na pagpatay,
sa 'sang saglit
     na pagpaslang!
namimilog ang buwan
sa karahasan,
sa kabaliwan,
sa kahangalan
     ng nag-aastang harungas!
mga balakyot na anino
isinusuka ng dilim
     ang iyong lagim,
kasing tabang
     ng pananambang
     ang lasa ng ulan;
lagitik ng gatilyo
     ang lagutok
     ng binaling prinsipyo!
bang! bang! bang!
bumulagta kang naghingalo,
     butas ang sintido
     bala ang patong
         sa iyong ulo!

Miyerkules, Setyembre 28, 2011

SA PAGPULA NG GUMAMELA

Sa pagpula
     ng mga gumamela
mamumukadkad
     sa buhaghag na lupa
nipot na binhi
     ng paglaya,
binungkal sa pawis
     at dugo
tundos sa kaluluwa't puso
butil ng banyuhay
     at pagbabagong anyo,
titindig tayong 
     'di na dungo
wala nang krus
     na pinapasan
wala nang alinlangan
     sa payapang pagtitig
     sa kalawakan
walang panunumbat
     pamimilog ng buwan
at kutitap ng bituin
     sa kalangitan;
luhang pumapatak
     ang buhos ng ulan
sa mukhang kulapol
     ng amoy at sangsang
ng dugong nanuyo
     sa biyak na bungo
sa puyo
     ng mga tiklop na kamao
iigkas
     pag-aalimpuyo
ng hindi masawatang
     damdamin
upang diligin
     tigisin
     ligisin
     katasin
ang katawang   
     magiging pataba
sa matagal nang
     nauuhaw na lupa!

'sing tingkad ng dugo
ang pamumula
     ng mga gumamela!