Miyerkules, Setyembre 11, 2013

"THE PORK"

Kikilos tayong iisa
sa garalgal na boses ng pagbabago
iisang tinig tayo;
bumulong man o sumigaw,
tumili ng impit o bahaw
madidikdik sa utak
didikit sa balat
sasaksak sa kaluluwa
ang atungal ng 
     mga pagtutol
ng pagkaulol;
sa naglalaway na pangil
     na lumapa
sa leeg, sa dibdib
sa sikmura, sa hita,
sa mapintog 
     na nakaw na kita
nagmamantikang yaman
sa nilantakang kaban
silang iilan
     na nagpasasa
     nagpasarap
     nagkamal
     ng limpak-limpak
ay husto nang maatado
ng masang handa nang
     maging matadero!

Martes, Hulyo 9, 2013

"DAHIL WIKA AY WIKA NG KATUWIRAN"



Dahil wika
     ay wika ng katuwiran,
wika itong bukambibig
     ang katarungan,
umuusal ng totoo,
tapat sa dilang matapat,
hindi huwad,
hindi mapagpanggap,
hindi sala-salabid
      kung mangusap.

Dahil wika
      ay wika ng katuwiran;
sumusugat
      ang talim ng salita,
dilang nagsaysay,
nagsalaysay  
ng katotohanang
        itinago
        inilihim
sa nilansing kamalayan;
        mayro’ng  ganti ang kasaysayan;
dahil wika
         ay wika ng katuwiran…

Katapatan
          ay saan sinusukat?
kaya ba may busal
          ang bibig?
kaya ba may piring
          ang mata?
kaya ba pinupugto
          ang hininga…?
ay upang pigilin
          upang sikilin
          upang saklutin
ang nagdudumilat na totoo;
ng balighong lipunan,
ng hilahod na mamamayan,
lupaypay sa hirap
buhay ay wakawak
           sa dinuraang dangal;
sakal…
           ng baluktot na hustisya
ngudngod…
            sa pagsasamantala
subsob…
             sa pambubusabos
bugbog…
             sa paulit-ulit,
             inulit-ulit
             na pandadagok!

At dahil ang wika
              ay wika ng katuwiran,
wika ang tutuwid
sa baluktot na daan;
wika ang landas
               sa kamulatan,
               sa katotohanan,
               sa katarungan,
masinsing sisinsil
sa pambansang kamalayan
               at pagkakakilanlan!

At dahil ang wika
                ang daang matuwid;
wika itong
                maririnig
                mauulinig
sa pinakasuluk-sulok
sa pinakakanugnog
                 na mga sityo
                 baranggay at baryo
                 bayan at munisipyo
hanggang sa lawak
                 ng estado,
ang sigaw ng mga panawagan,
ang dagundong ng mga pagkilos,
ang alingawngaw ng mga protesta;
hagupit ng dila
                  ay latay sa konsensya,
talim ng salita
                  ay sugat sa budhi,
talas ng bibig
                  ay urak sa pagkatao…

totoo…
                  marahas ang hakbang
                  sa pagbabago,
matinik
                  ang landas ng pagtutuwid
minsa’y nababalaho,
minsan ay madugo,
mayro’ng masasaktan,
may masasagasaan,
walang pagtatakpan…

at dahil ito ang katuwiran,
walang sinumang
mangangahas na maglubid
ng sagitsitang
                   nagsala-salabid;
kung hindi’y mabubulid
                   sa hatol ng wika
                   sa pataw ng dila
at dahil
                   ang wika ay katuwiran
may isang salita
                   ang katarungan
                   ang kaunlaran
                   ang kapayapaan
                   sa pagbabalikwas
                               ng sambayanan…!


                                   





Lunes, Abril 1, 2013

"PAGKABUHAY"

Maraming beses akong pinatay,
pinugto ang hininga
sa mga danas
at dahas
ng buhay

matagal na akong kinitil,
sinupil ang singhap
ng paghahabol-hininga
karakarang ibinigti
ang pag-asa
sakal na masasal
na pagtalima
sa bugok na utos
sa pulpol na atas
sa palpak na batas

Gaano kalalim ang kahihimlayan?
katawang inuuod
nabubulok, naaagnas
hindi masikmura
     ang alingasaw
balat at laman
     nalulusaw
     natutunaw
kahit lumabusaw
sa pormalin ang budhi,
walang itinangi't pagtatangi
sa timpi
at sidhi ng muni
     ng tigalgal na kaluluwa.

sa puso,
     naroon ang impiyerno
balot ng apoy ang dibdib
'di masinsil ng usig
'di matinag ng tigatig
ang isipang
inalihan ng demonyo!
hindi matatanto
ng mga kuro-kuro
ang krokis ng mga misteryo
ng isinukang pagkatao
ng sinalaulang dangal
hangal
     ang mag-ulat at magmulat
     ng kapwa bulag
baliw
     ang dilang salitang
     huwad kung mangusap.

huwag mabagabag
sa halik ni hudas,
ang magturo at magnguso 
kapalit ng ginto
ay usal at dasal
     ng maraming kristo
tukso,
     ang pandayan ng prinsipyo
kahit ang banal
     ay may angal
     sa atungal
     ng makalupang katawan.
sinong sasampalatayanan,
kanino ka tatawag,
kung ang diyos sa puso mo'y
     humahalakhak
     nang-uusig
     nanunuya
     nanunumbat
ano ang lahat-lahat
kung wala ka sa sarili?
kung hindi mo mawari
ang sarili bilang ikaw;
ikaw
     na hiwalay
     sa katawan
     isip
     at pangalan
dahil ang pangalan
     isip
     at katawan
ay hindi ikaw
ito'y iyong pag-aari!

ako
     ang katotohanan
     ang daan
     at ang buhay
sa sarili
     nananahan
     ang bawat kisto
ito ay basikong talino
na hindi natanto
na hindi nawari
ng bulag na sarili

mulat bang matatawag
ang tubog sa kamangmangan?
matagal nang dumapo
ang kamatayan
sa naghihingalong ikaw,
sa nasa 
sa pita
ng materyal na katawan
mabubulid
sa siklo ng paulit-ulit
na pagsasalaman.
buhay
kamatayan,
kamatayan
buhay
ikaw
ako
ang sarili
ay mumunting patak ng tubig
sa kalawakan ng sangkaragatan
iba-iba
iisa
ako
ikaw
ang sarili
ang buhay!

Martes, Enero 29, 2013

TULAD MO RIN AKONG NASASABIK


Katulad mo,
     kapwa tayo sumusuong
     sa panganib;
ako,
     sa bangis ng kalungsuran
ikaw,
     sa dahas ng kanayunan;
magkalayong-magkatulad
     ang ating pagitan
     ng pananagutan
     sa pamamagitan
     ng pagmumulat,
     pagtitibag
     sa nangangalawang
     na lipunan.

Katulad mo,
     alipin ako ng pananabik,
nasasabik
     sa hawak-kamay nating
     paggapi ng ligalig;
isang bisig tayong 
     magkasugpong,
     kumakaway,
sa banayad na ngiti
     ng bukang liwayway,
dalisay,
     alingawngaw ng putok
     sa mapulang umaga,
pagpupugay,
     sa buhay na nautas
     sa pakikibaka...

Katulad mo rin akong
     nasasabik;
'di man lingid ang ngilid
     ng nag-aapoy  na luha;
'di hihilam sa mata
     ang pangungulila;
araw man ang binilang,
buwan man ang lumipas,
panahong pinalampas,
dugong 'di maampat
     ang ating pagyayakap
dahil ang maglayo'y
     pagbuka ng mga sugat
at ang pananabik
     ay tamis at asim
     ng katas ng dayap
hindi tayo paaawat!
dahil...
     magsing-irog tayong naglilimi,
     mangingibig tayong nagsusuri,
     mandirigma tayong mapagtimpi
          ng kirot at hapdi;
paghihintay sa atin
     ay pag-asa,
ang pag-ibig sa atin
     ay paglaya...!

Biyernes, Nobyembre 16, 2012

"BATAK"



Gumugulong
     ang bato,
dinarang 
     sa apoy,
kumulo,
nalusaw,
natunaw
     na parang
     likido;
gumuhit
     ang bato,
nagkanal
     sa poyl,
umusok,
parang asupre
     ngunit walang
     amoy,
hininga'y
     hinugot
sinipsip
     ang usok;
dumaloy
     ang usok 
     sa tuter;
lumagos
     sa bibig,
ninamnam,
sumigid
     sa utak
kasabay
     ng isang
     mahinang
     anas;
solb!

Huwebes, Nobyembre 15, 2012

RM. 219


Muli't muling mananariwa
     ang mga alaala,
sa silid na itong
naging piping-saksi
sa ating pag-iisa;
sandaling ninakaw
     ang bugso ng bawat
     mga buntong-hininga,
sinalo ng singhap
ang ulos ng ating
     mga nasa't pita...

hangga't maaari'y
     ayaw mo nang matapos
     ang gabi;
at walang magawa kundi
siilin ko ng pamamaalam
     ang'yung mga labi;
niyakap mo ako
sabay ng pagluha't
madamdaming hikbi
at nagpaubaya sa 
     lamig at init
     ng ating pagkasi!

luhaan ang silid
     nang kita'y iwanan,
sa akin pa kaya'y
may ngiting susungaw 
     ang kinabukasan...?

VIDEOKE BAR

lagalag ang ligaya
     sa mundo;
at ang gabi'y binabalot
     ng misteryo,
kaluluwang nagtampisaw
     sa saya...
puti ang bula ng serbesa
itim ang kulay ng umaga!

nagsayaw ang mga kalapati,
naglaway ang mga buwitre!
nakiharot sa pag-indak
     sa alindog ng gabi,
nakitawa sa halakhak
     ng magdamag;
habang binabata 
     ang pait ng luha
     ng sanlaksang paghihirap!