Biyernes, Marso 9, 2012

KUPASING MAONG

nagninisnis na
ang pantalong maong
na hinabi ni Ka Gusting
magsasastre;
tatlong taong hinubad-sinuot,
hinarabas nang walang takot
sa paglalagalag sa naghihimulmol
na panahon;
gapok na ang liston,
gatlang pinalalim
ng pagkakataon...

tastas na ang laylayan,
ang sinulid ay nasnas na
sa kapangahasan;
sa pagliliwaliw sa kung saan,
sa pag-iwas sa kalakaran,
sa pagtutop sa lipunan,
tahi-tahing kaisipang
dumupok sa karanasan.

wala nang tingkad ang kulay,
pinangupas ng kabalintunaan
sa buhay;
tahing doble-pasada
unti-unting nagugutay,
ang tahi sa sinturera
unti-unting naluluray;
ni sa pangungupas
ay 'di na makilala ang tatak
ng pagkakakilanlang eteketa!

kupas na nga ang maong
na hinabi ni Ka Gusting;
gaya nang pangungupas
ng aking pagkatao;
ng kinamulatan at kinalakihan,ng takbo ng isipan,
ng likaw ng bituka
at kulay ng hasang...

natatakot akong bukas makalawa
na ang sarili ko ay 'di ko na makilala!

Martes, Nobyembre 29, 2011

ULUPONG

"be wise like a serpent" - Jesus Christ

Hindi ngingiti
     ang mga anghel
o hahalakhak si satanas
     sa pagtuklaw ng ahas
     sa aking braso;
mapanlinlang  ang talino!
lason itong
     namintog sa sugat
     dumuro sa utak,
kamandag sa dugo
     sumupil sa puso!
'sing talim ng dunong
     tuklaw ng ulupong;
sagitsit ng lason
     ay pumapatay,
     dumudurog
     sa moog at tugatog
     ng kamangmangan!


may dangal ba
     ang baluktot na katwiran?
pitpitin ang dila
     ng nagdilang anghel,
gumanti ng halik
     sa halik ni hudas,
saksakin sa likod
     ang mapagkanulo,
dukutin ang mata
     ng linsil at tuso!


anong dignidad
     ang hindi mabalaho
kung ang utak 
     ay nasa tiyan
at ang bibig ay nasa bulsa!
tapalan ng kuwarta
mata ng hustisya;
tansong katotohanan,
tubog sa gintong
     mapusyaw ang kinang;
hilaw na sinaing,
     nilutong katarungang
     kinulang sa inin!

hindi matutuwa
     ang mga santo,
lalong hindi hahagalpak
     ang mga diyablo!
sa tuklaw ng ahas
     sa aking braso;
oras na magdeliryo
ang talino'y hahanapin
sa dulo ng gatilyo!

Martes, Nobyembre 8, 2011

SINO'NG SUNOD?

lumukob ang hamog
     sa paligid
nang tumahan ang ambon
     sa 'sang hapon
     ng a kuwatro ng nobyembre;
magdamag ding
     lumuha ang langit
ngunit 'di nagsungit
     ni walang haginit
     ang kalmadong simoy ng hangin.

payapang humalik
     ang mga patak
     sa pisngi ng lupa,
lumabi ang basa
     sa makating talampakan;
nuot sa kalamnan
guhit sa kaibuturan
nangaligkig
nagpanginig
nagpatayo ng buhok
     sa bumbunan.

ngayon,
     lukob ng hamog
     ang paparating na hapon;
ano ang naghihintay sa gabi?
nilulumot ang mata
ng gitla at takot,
ng alingawngaw at putok,
ng balang bumutas sa bungo
     nagpasambulat sa utak!
dahas ang landas
     ng magdamag!
kumukurap ang dagitab
     sa kagyat na pagpatay,
sa 'sang saglit
     na pagpaslang!
namimilog ang buwan
sa karahasan,
sa kabaliwan,
sa kahangalan
     ng nag-aastang harungas!
mga balakyot na anino
isinusuka ng dilim
     ang iyong lagim,
kasing tabang
     ng pananambang
     ang lasa ng ulan;
lagitik ng gatilyo
     ang lagutok
     ng binaling prinsipyo!
bang! bang! bang!
bumulagta kang naghingalo,
     butas ang sintido
     bala ang patong
         sa iyong ulo!

Miyerkules, Setyembre 28, 2011

SA PAGPULA NG GUMAMELA

Sa pagpula
     ng mga gumamela
mamumukadkad
     sa buhaghag na lupa
nipot na binhi
     ng paglaya,
binungkal sa pawis
     at dugo
tundos sa kaluluwa't puso
butil ng banyuhay
     at pagbabagong anyo,
titindig tayong 
     'di na dungo
wala nang krus
     na pinapasan
wala nang alinlangan
     sa payapang pagtitig
     sa kalawakan
walang panunumbat
     pamimilog ng buwan
at kutitap ng bituin
     sa kalangitan;
luhang pumapatak
     ang buhos ng ulan
sa mukhang kulapol
     ng amoy at sangsang
ng dugong nanuyo
     sa biyak na bungo
sa puyo
     ng mga tiklop na kamao
iigkas
     pag-aalimpuyo
ng hindi masawatang
     damdamin
upang diligin
     tigisin
     ligisin
     katasin
ang katawang   
     magiging pataba
sa matagal nang
     nauuhaw na lupa!

'sing tingkad ng dugo
ang pamumula
     ng mga gumamela!

Linggo, Agosto 28, 2011

ANG TULA... TULAD MO...

Hindi ikaw
nauupos na taludtod
sa diwa kong hindi makatulog,
ibulong man sa hangin
ang mga dalangin,
sampu ng iyong tagubilin
     at huling habilin,
namamaybay ang talinghaga
     sa isang kisap-mata,
magtatanong ang kaluluwa
sa pagitan ng mga linya
     at estropa
ng daing at hinagpis
ng galit at pagkainis
ng awa't pagkahabag;
sapagkat,
hindi natin kontrolado
     ang lahat
sa mistikal na mundo'y
     anong silbi ng katawan?
eternal 
     ang apoy ng buhay
dalisay
     ang esensya ng sarili.

kung gayon,
ha'mo na na ang tula'y
     isang takal na hininga,
nilalanghap kung umaga
ibinubuga,
     sa pagkaway ng dapit-hapon
     at anyaya ng gabi;
may silbi ba 
     ang magsisi at isisi
kung lubugan ka ng araw
     sa katanghaliang tapat?
batid ko
     ang pait at saklap ng pagtanggap
ngunit,
     ang tula
     tulad mo
patuloy ang pintig
     ng bawat berso,
patuloy ang pag-inog
     ng mga talinghaga
sa pigura ng mga salita
imahe kang lumalaya't
     mapagpalaya!

Martes, Hulyo 5, 2011

GUTOM

Nilulumot
mata ng isipan,
di matantsa ng paningin
malabong pagsinghap
     ng mga pangarap;
sa abuhing kulay
     ng kalangitan
bumahag ang pag-asa
     sa dulo ng bahaghari,
sinalungang pagtitimpi
alimpuyong humaginit
     ang talim ng kidlat,
urak ng pagkurap;
sibad ng sibat
     sa tusong pagkindat
lantak sa himagas
     ng tiyang binundat!

alulong-hinagpis,
bitukang nabuhol
     naulol sa gutom,
ulaol ng busog
     at tiyang masiba,
napanis na laway
     sa kabag ng tuya,
'di marinig ng sikmura
pagsamo ng bulong
sa butas ng tumbong;
huwag magtakip ng ilong
'sing lansa ng dugo
tawag ng tagutom!

Miyerkules, Mayo 18, 2011

HIMUTOK SA BINATANG NAPAPANOT

Hindi ko alam,
kailan nag-umpisang
ulo mo ay napanot;
kasing dami 
nang nagtampong buhok
bantulot ng pakikiamot
     at paghihikahos!
binata kang naglamyerda,
naglakwatsa,
sinuso
tingarong utong
ni Luisita
unico hijo ng marangyang pamilya
dinadakila
ama mo
at 'yong ina.

nasaan
     hakbang ng pagtutuwid?
kung sa bakuran mo'y
nagngingitngit
bitukang nagsala-salabid
likurang natuyo sa pawis
nangalirang na tuhod at bisig!
binata kang 'di
     naging ama;
paano mauunawa
haliging tumimbuwang
     sa tama ng bala,
nagbubo ng dugo
     sa lupang pinagkait
paano mauunawa
     ang mga hinanakit
ng inang nabalo
     at ulilang paslit!

sana lang 
matuto kang mahiya,
tulad nang mahiya
ang maraming uwak
nang liparin
lupain mong
     pagkalawak-lawak!