Biyernes, Nobyembre 16, 2012

"BATAK"



Gumugulong
     ang bato,
dinarang 
     sa apoy,
kumulo,
nalusaw,
natunaw
     na parang
     likido;
gumuhit
     ang bato,
nagkanal
     sa poyl,
umusok,
parang asupre
     ngunit walang
     amoy,
hininga'y
     hinugot
sinipsip
     ang usok;
dumaloy
     ang usok 
     sa tuter;
lumagos
     sa bibig,
ninamnam,
sumigid
     sa utak
kasabay
     ng isang
     mahinang
     anas;
solb!

Huwebes, Nobyembre 15, 2012

RM. 219


Muli't muling mananariwa
     ang mga alaala,
sa silid na itong
naging piping-saksi
sa ating pag-iisa;
sandaling ninakaw
     ang bugso ng bawat
     mga buntong-hininga,
sinalo ng singhap
ang ulos ng ating
     mga nasa't pita...

hangga't maaari'y
     ayaw mo nang matapos
     ang gabi;
at walang magawa kundi
siilin ko ng pamamaalam
     ang'yung mga labi;
niyakap mo ako
sabay ng pagluha't
madamdaming hikbi
at nagpaubaya sa 
     lamig at init
     ng ating pagkasi!

luhaan ang silid
     nang kita'y iwanan,
sa akin pa kaya'y
may ngiting susungaw 
     ang kinabukasan...?

VIDEOKE BAR

lagalag ang ligaya
     sa mundo;
at ang gabi'y binabalot
     ng misteryo,
kaluluwang nagtampisaw
     sa saya...
puti ang bula ng serbesa
itim ang kulay ng umaga!

nagsayaw ang mga kalapati,
naglaway ang mga buwitre!
nakiharot sa pag-indak
     sa alindog ng gabi,
nakitawa sa halakhak
     ng magdamag;
habang binabata 
     ang pait ng luha
     ng sanlaksang paghihirap!

Lunes, Setyembre 24, 2012

KUNG WALA LANG


Kung wala ‘lang
‘di na sana binasag
     ang katahimikan;
tinikom ang bibig,
sinupil ang puso
     nang ‘di nanghinayang;
huli na ang lahat,
at ‘di rin maampat
ang tarak ng sugat
     ng ginawang pagtatapat!

Kung wala ‘lang,
huwag isisi sa panahon
kung bakit ngayon lang
     ‘di ikinubli ang hinahon;
minsan ka ring lumigaya,
at di rin miminsang
     hindi mo pinansin
     akong umaasa…
ano pa ang saysay
ng katagang “sana”?
wala na…
wala na…
ikaw na nariyan
at akong narito;
pinaglayo…
lumayo…
palayo nang palayo…
na kailan man
     ay ‘di na magtatagpo;
bakit ‘di mo maitago?
na kung wala na
kung wala man,
kung wala ‘lang,
bakit ngayon
      ka nasasaktan?

Lunes, Setyembre 17, 2012

ANG MAGHINTAY

pinamukadkad ng madaling araw
ang bulaklak ng a las cuatro,
matapos magluksa
nang mahabang panahon
ang pahina ng kalendaryo
nang mawala kang parang bula;
walang anu-ano'y
bigla kang iniluwa
ng nahihintakutang dilim,
pumapaso sa 'king mata
ang 'yung anino,
kasabay ng kabog ng dibdib
naririnig ang bulong at pintig
ng damdaming pinakaba
ng labis na pananabik.

isang linggo, isang buwan, halos taon
nabusalan ang bibig
ng mga balita,
ni walang matang nakakita
o bibig na magnguso
kung saan ka naparoon;
mula noon...
bawat gabi ay malutong
na hagupit nang walang
katiyakang paghihintay,
at ang dilim ay mga piring
sa pag-asa ng diwa kong
nalulumbay...

may ibinubulong ang mga kuliglig
sagitsitang tila sigaw
sa diwa kong namamanhid,
alitaptap sa paningi'y
munting silab sa gunitang
nag-aapoy at himagsik,
mga luha sa mata ko
ay asidong lumulusaw
sa galit at hinanakit.

ang maghintay
ay mistulang kamatayan,
umaasang nariyan ka
ngunit hindi mahawakan,
buti pa ang hanging
minsang magparamdam,
ang tulad mo'y katauhang
nababahaw sa langitngit
ng kawalan...
sumisigaw ngunit dahop
ang dinggin ka't mapakinggan.

ilang beses na bang
sinumbatan ang gabi?
dinuruduro ang mga bituin
sa pag-aalalang tuluyan
kang hindi na makapiling;
at ang iyong pagdating
ay simula lang nang walang
hanggang pamamaalam...
nang walang hanggang paghihintay,
nang walang humpay na pakikihamok
sa mga kulata ng mga
tagulaylay at lungkot.

magdamag kong binabata
ang mga pagbabanta
ng umaalimbukay na amoy
ng dama de noche;
hindi mapipigil ang kamatayan
ngunit hindi nangangahulugang
ito na ang katapusan,
matagal nang pinamamanhid
ng labis na paghihintay
ang iyong pagkawala;
at ang pagsulpot mo
ay katok sa hagok
ng limot kong gunita;
malapit na ang sinasabi
mong paglaya,
malapit na...
dahil sa pagitan
ng mga pinatay at mga naulila
may dayalektikang inuusal
ang pakikibaka!

Huwebes, Setyembre 13, 2012

ANG DAPAT...


Dapat…
     ang tula
     kapag bumabanat,
talinghaga’y hindi laging
     gomang binabatak;
o lotion
     na pampahid sa balat,
hindi laging banayad;
dapat sumusugat,
dapat tumatarak!

ang tula
kapag magmumulat;
ang dapat
     sa salita’y
     may bayag,
hindi titi
     na titigas-tigas
o lampang salitang
     nag-aangas-angas!
hindi kinakapon
     ng ilusyon
o dilang salitang
     humihimod-puson;
dahil ang tula’y
pagsasalsal ng prinsipyo;
at bawat makata’y
tingarong tarugo!
     umuulos tayo’t
     bumabayo…
upang magbuntis
     ng pagbabago!

Miyerkules, Setyembre 12, 2012

DAHIL WALA NANG IBA...


Dahil walang iba,
anong mahihita
ng katawang
butas ang sikmura
dinurog ang buto
pinulbos ang puso
dinikdik ang utak

tayong umusal sa langit
    ng dasal at mga dalit
nagtiis ng hinanakit
    pinagkaitan ng pag-ibig
ibinulid sa pasakit;

silang walang masilungan,
silang yagit sa lansangan,
silang mga ninakawan;
     ng ari-arian
     ng karapatan
     ng puri
     ng buhay 
     ng pagkatao

tayong mga inabuso,
tayong mga inapi,
tayong mga mahihina;
     kaya sinasaktan
     tinatakot
     dinudukot
     pinapatay
     nililibing nang buhay
     ginagahasa!
    
dahil wala nang iba
dapat nga lamang
     busalan na ang konsensya,
piringan ang budhi
bulagin ang mata ng kaluluwa,
upang ‘di na maawa
nang ‘di na masawata
ang apoy ng nag-aalimpuyos
     na damdamin.

dahil wala na ngang iba;
dahil wala nang iba!
kolektibo nang magpasya,
bukas ang paanyaya…
halika,
sumama,
makibaka!
tayo nang mag-alsa!