Lunes, Abril 1, 2013

"PAGKABUHAY"

Maraming beses akong pinatay,
pinugto ang hininga
sa mga danas
at dahas
ng buhay

matagal na akong kinitil,
sinupil ang singhap
ng paghahabol-hininga
karakarang ibinigti
ang pag-asa
sakal na masasal
na pagtalima
sa bugok na utos
sa pulpol na atas
sa palpak na batas

Gaano kalalim ang kahihimlayan?
katawang inuuod
nabubulok, naaagnas
hindi masikmura
     ang alingasaw
balat at laman
     nalulusaw
     natutunaw
kahit lumabusaw
sa pormalin ang budhi,
walang itinangi't pagtatangi
sa timpi
at sidhi ng muni
     ng tigalgal na kaluluwa.

sa puso,
     naroon ang impiyerno
balot ng apoy ang dibdib
'di masinsil ng usig
'di matinag ng tigatig
ang isipang
inalihan ng demonyo!
hindi matatanto
ng mga kuro-kuro
ang krokis ng mga misteryo
ng isinukang pagkatao
ng sinalaulang dangal
hangal
     ang mag-ulat at magmulat
     ng kapwa bulag
baliw
     ang dilang salitang
     huwad kung mangusap.

huwag mabagabag
sa halik ni hudas,
ang magturo at magnguso 
kapalit ng ginto
ay usal at dasal
     ng maraming kristo
tukso,
     ang pandayan ng prinsipyo
kahit ang banal
     ay may angal
     sa atungal
     ng makalupang katawan.
sinong sasampalatayanan,
kanino ka tatawag,
kung ang diyos sa puso mo'y
     humahalakhak
     nang-uusig
     nanunuya
     nanunumbat
ano ang lahat-lahat
kung wala ka sa sarili?
kung hindi mo mawari
ang sarili bilang ikaw;
ikaw
     na hiwalay
     sa katawan
     isip
     at pangalan
dahil ang pangalan
     isip
     at katawan
ay hindi ikaw
ito'y iyong pag-aari!

ako
     ang katotohanan
     ang daan
     at ang buhay
sa sarili
     nananahan
     ang bawat kisto
ito ay basikong talino
na hindi natanto
na hindi nawari
ng bulag na sarili

mulat bang matatawag
ang tubog sa kamangmangan?
matagal nang dumapo
ang kamatayan
sa naghihingalong ikaw,
sa nasa 
sa pita
ng materyal na katawan
mabubulid
sa siklo ng paulit-ulit
na pagsasalaman.
buhay
kamatayan,
kamatayan
buhay
ikaw
ako
ang sarili
ay mumunting patak ng tubig
sa kalawakan ng sangkaragatan
iba-iba
iisa
ako
ikaw
ang sarili
ang buhay!

Martes, Enero 29, 2013

TULAD MO RIN AKONG NASASABIK


Katulad mo,
     kapwa tayo sumusuong
     sa panganib;
ako,
     sa bangis ng kalungsuran
ikaw,
     sa dahas ng kanayunan;
magkalayong-magkatulad
     ang ating pagitan
     ng pananagutan
     sa pamamagitan
     ng pagmumulat,
     pagtitibag
     sa nangangalawang
     na lipunan.

Katulad mo,
     alipin ako ng pananabik,
nasasabik
     sa hawak-kamay nating
     paggapi ng ligalig;
isang bisig tayong 
     magkasugpong,
     kumakaway,
sa banayad na ngiti
     ng bukang liwayway,
dalisay,
     alingawngaw ng putok
     sa mapulang umaga,
pagpupugay,
     sa buhay na nautas
     sa pakikibaka...

Katulad mo rin akong
     nasasabik;
'di man lingid ang ngilid
     ng nag-aapoy  na luha;
'di hihilam sa mata
     ang pangungulila;
araw man ang binilang,
buwan man ang lumipas,
panahong pinalampas,
dugong 'di maampat
     ang ating pagyayakap
dahil ang maglayo'y
     pagbuka ng mga sugat
at ang pananabik
     ay tamis at asim
     ng katas ng dayap
hindi tayo paaawat!
dahil...
     magsing-irog tayong naglilimi,
     mangingibig tayong nagsusuri,
     mandirigma tayong mapagtimpi
          ng kirot at hapdi;
paghihintay sa atin
     ay pag-asa,
ang pag-ibig sa atin
     ay paglaya...!

Biyernes, Nobyembre 16, 2012

"BATAK"



Gumugulong
     ang bato,
dinarang 
     sa apoy,
kumulo,
nalusaw,
natunaw
     na parang
     likido;
gumuhit
     ang bato,
nagkanal
     sa poyl,
umusok,
parang asupre
     ngunit walang
     amoy,
hininga'y
     hinugot
sinipsip
     ang usok;
dumaloy
     ang usok 
     sa tuter;
lumagos
     sa bibig,
ninamnam,
sumigid
     sa utak
kasabay
     ng isang
     mahinang
     anas;
solb!

Huwebes, Nobyembre 15, 2012

RM. 219


Muli't muling mananariwa
     ang mga alaala,
sa silid na itong
naging piping-saksi
sa ating pag-iisa;
sandaling ninakaw
     ang bugso ng bawat
     mga buntong-hininga,
sinalo ng singhap
ang ulos ng ating
     mga nasa't pita...

hangga't maaari'y
     ayaw mo nang matapos
     ang gabi;
at walang magawa kundi
siilin ko ng pamamaalam
     ang'yung mga labi;
niyakap mo ako
sabay ng pagluha't
madamdaming hikbi
at nagpaubaya sa 
     lamig at init
     ng ating pagkasi!

luhaan ang silid
     nang kita'y iwanan,
sa akin pa kaya'y
may ngiting susungaw 
     ang kinabukasan...?

VIDEOKE BAR

lagalag ang ligaya
     sa mundo;
at ang gabi'y binabalot
     ng misteryo,
kaluluwang nagtampisaw
     sa saya...
puti ang bula ng serbesa
itim ang kulay ng umaga!

nagsayaw ang mga kalapati,
naglaway ang mga buwitre!
nakiharot sa pag-indak
     sa alindog ng gabi,
nakitawa sa halakhak
     ng magdamag;
habang binabata 
     ang pait ng luha
     ng sanlaksang paghihirap!

Lunes, Setyembre 24, 2012

KUNG WALA LANG


Kung wala ‘lang
‘di na sana binasag
     ang katahimikan;
tinikom ang bibig,
sinupil ang puso
     nang ‘di nanghinayang;
huli na ang lahat,
at ‘di rin maampat
ang tarak ng sugat
     ng ginawang pagtatapat!

Kung wala ‘lang,
huwag isisi sa panahon
kung bakit ngayon lang
     ‘di ikinubli ang hinahon;
minsan ka ring lumigaya,
at di rin miminsang
     hindi mo pinansin
     akong umaasa…
ano pa ang saysay
ng katagang “sana”?
wala na…
wala na…
ikaw na nariyan
at akong narito;
pinaglayo…
lumayo…
palayo nang palayo…
na kailan man
     ay ‘di na magtatagpo;
bakit ‘di mo maitago?
na kung wala na
kung wala man,
kung wala ‘lang,
bakit ngayon
      ka nasasaktan?

Lunes, Setyembre 17, 2012

ANG MAGHINTAY

pinamukadkad ng madaling araw
ang bulaklak ng a las cuatro,
matapos magluksa
nang mahabang panahon
ang pahina ng kalendaryo
nang mawala kang parang bula;
walang anu-ano'y
bigla kang iniluwa
ng nahihintakutang dilim,
pumapaso sa 'king mata
ang 'yung anino,
kasabay ng kabog ng dibdib
naririnig ang bulong at pintig
ng damdaming pinakaba
ng labis na pananabik.

isang linggo, isang buwan, halos taon
nabusalan ang bibig
ng mga balita,
ni walang matang nakakita
o bibig na magnguso
kung saan ka naparoon;
mula noon...
bawat gabi ay malutong
na hagupit nang walang
katiyakang paghihintay,
at ang dilim ay mga piring
sa pag-asa ng diwa kong
nalulumbay...

may ibinubulong ang mga kuliglig
sagitsitang tila sigaw
sa diwa kong namamanhid,
alitaptap sa paningi'y
munting silab sa gunitang
nag-aapoy at himagsik,
mga luha sa mata ko
ay asidong lumulusaw
sa galit at hinanakit.

ang maghintay
ay mistulang kamatayan,
umaasang nariyan ka
ngunit hindi mahawakan,
buti pa ang hanging
minsang magparamdam,
ang tulad mo'y katauhang
nababahaw sa langitngit
ng kawalan...
sumisigaw ngunit dahop
ang dinggin ka't mapakinggan.

ilang beses na bang
sinumbatan ang gabi?
dinuruduro ang mga bituin
sa pag-aalalang tuluyan
kang hindi na makapiling;
at ang iyong pagdating
ay simula lang nang walang
hanggang pamamaalam...
nang walang hanggang paghihintay,
nang walang humpay na pakikihamok
sa mga kulata ng mga
tagulaylay at lungkot.

magdamag kong binabata
ang mga pagbabanta
ng umaalimbukay na amoy
ng dama de noche;
hindi mapipigil ang kamatayan
ngunit hindi nangangahulugang
ito na ang katapusan,
matagal nang pinamamanhid
ng labis na paghihintay
ang iyong pagkawala;
at ang pagsulpot mo
ay katok sa hagok
ng limot kong gunita;
malapit na ang sinasabi
mong paglaya,
malapit na...
dahil sa pagitan
ng mga pinatay at mga naulila
may dayalektikang inuusal
ang pakikibaka!